1 minute read
SA GITNA NG KAINITAN, IPAGLABAN ANG KARAPATAN
Sa pagsapit ng alas tres ng hapon, umalingawngaw ang kaluskos, sigaw, at bulong ng pagmamakaawa sa isang kwarto kung saan kulob ang lugar, makapanindig-balahibong ingay ang hatid nito, na tila nanaisin mo na lang maging bingi’t bulag upang hindi na ito maulinigan.
Binuksan ko ang telebisyon, tumambad ang isang lalaking nagsasalita, ang salarin sa kabi-kabilang pagtangis at pagmamakaawa. Mas lalo lamang lumakas ang pagsusumamo’t panagawan nila.
Advertisement
Natapos ang talumpati ng lalaki. Ilang saglit pa, napatakip na ako sa aking tenga. Ang sakit, sobrang sakit. Sumisigaw na sila.
“NEVER AGAIN! NEVER FORGET!”
“Kahit sinong maging presidente may reklamo pa rin kayo,”
Simula noon hanggang ngayon, iba’t ibang president ang nagdaan, ngunit hindi pa rin sila tumigil sa walang kasawaang red tagging, baluktot na justice system, judicial killings, at hindi tamang pagtrato sa mga katutubo.
Pilipinong hindi naririnig.
Pilipinong biktima ng bulok na sistema.
Naalala mo paba sina Kian Delos Santos, Frenchie Mae Cumpio, Chad Booc at Betty Belen? Estudyante, mamamahayag, indigenous leader. Iilan pa lamang sila sa mga Pilipinong nadawit sa pagkakulong, pagpapahirap at pagkamatay sa kamay ng militar.
Pilipinong handang ipaglaban ang karapatan ng lahat. Pilipinong handang tumayo para sa pakikibaka at sa bansang Pilipinas.
Sa pag-usbong ng lipunang handang makibaka, kasabay nito ang paglaban sa disimpormasyon sa bansang Pilipinas.
Ang diwa ng pakikibaka’y katumbas rin ng saysay ng ating kasaysayan.