2 minute read

PULIS, HINATULAN SA PAMAMASLANG SA GIYERA KONTRA DROGA

MAYNILA - Hinatulan ng korte ng Navotas ang dinismiss na pulis na si Jefrey Sumbo Perez sa pagpatay sa dalawang binatilyo noong 2017 — panahon ng madugong giyera kontra droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Ipinasiya ng Navotas Regional Trial Court Branch 287 na ‘sinadyang patayin’ ni Perez sina Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo De Guzman. Suportado ito ng mga medical records na nagpapakita na binaril nang limang beses ang una at sinaksak naman nang 28 beses ang ikalawa. Si Perez ay sinentensiyahan ng parusang reclusion perpetua o 40 taong pagkakakulong nang walang parole at inutusang bayaran ang mga kaanak ng mga biktima ng P100,000 para sa civil indemnities, P200,000 para sa moral at exemplary damages, at P45,000 para sa aktwal na pinsala. Ang kanyang kapwa pulis na si Ricky Arquilita ay inakusahan din sa kaso ngunit pumanaw ito sa bilangguan sa hinihinalang viral hepatitis B noong Abril 2019.

Giyera Kontra Droga

Advertisement

Unang naiulat na nawawala sina Arnaiz at De Guzman noong Ika-17 ng Agosto, 2017, matapos silang huling makitang magkasama sa Cainta, Rizal. Natagpuan ang bangkay ni Arnaiz sa isang morgue sa Lungsod ng Caloocan makalipas ang labing- isang araw habang ang kay De Guzman ay natagpuang lumulutang sa isang sapa sa Nueva Ecija noong Ika-5 ng Setyembre, 2017.

Iginiit ng pulisya na sinubukan ni Arnaiz na pagnakawan ang isang taxi driver at napaslang ito mula sa pakikipagbarilan kina Perez at Arquilita. Kinontra naman ito ng pangunahing saksi sa krimen at sinabi na nakita niya si Arnaiz na bumaba sa isang sasakyan ng pulisya na nakataas ang kanyang mga kamay at sumisigaw ng kanyang pagsuko nang barilin siya ng mga pulis. Ang pagpatay kina Arnaiz at De Guzman ay isa lamang sa maraming kaso ng extra-judicial killings na naitala noong giyera kontra droga ni dating Pangulong Duterte. Matatandaang kaugnay nito ang kaso ay ang ng 17-anyos na si Kian De Los Santos, na inakusahan ng pulisya bilang isang drug courier, salungat sa kuha ng CCTV na nakitang kinaladkad ng dalawang opisyal ang walang armas na binatilyo bago ito pinagbabaril.

Imbestigasyon ng ICC

Sa anim na taong rehimen ni Duterte, paulit-ulit nitong hinikayat ang mga pulis na bumaril upang pumaslang. Naitalang 8,663 na indibidwal ang pinaslang sa madugong giyera kontra droga, ayon sa datos ng United Nations Office of the High Commissioner for Human Rights (OHCHR). Tinataya naman ng mga grupo para sa karapatang pantao na tatlong beses mahigit ito sa iniulat dahil hindi kasama sa bilang ang mga pinaslang mala-vigilante na pinaniniwalaan ng Human Rights Watch (HRW) na katandem ng pulisya at mga lokal na opisyal. Taong 2019, binuksan ng International Criminal Court (ICC) ang imbestigasyon sa mga kaso ng pagpatay ngunit humiling ang pamahalaan ng Pilipinas ng pagpapaliban at iginiit na gumagawa na ito ng mga kaukulang hakbang upang imbestigahan ang mga kaso. Enero nitong taon, ipinagpatuloy ng ICC ang pagsisiyasat sa mga kaso ng pagpatay sa giyera kontra droga dahil hindi ito kumbinsido na ang pamahalaan ng Pilipinas ay nagsasagawa ng mga kaukulang pagtatanong na magbibigay-katwiran sa pagkaantala sa mga imbestigasyon ng korte.

“The Chamber concluded on the basis

(“Ang Kamara ay nagtapos sa batayan ng maraming mga kadahilanan na ang pagsisiyasat ng Pilipinas ay hindi sapat na sumasalamin sa nilalayon na pagsisiyasat ng Korte.”)

Samantala, malugod na tinanggap ng senior researcher ng HRW na si Carlos Conde ang desisyon ng korte ng Navotas ngunit idinagdag na ito lamang ang pangalawang paghatol sa giyera kontra droga mula sa libu-libong kaso. “Ito ay nagbibigay-diin kung gaano kasira ang kriminal at hudisyal na sistema sa Pilipinas at binibigyang-diin ang pangangailangan para sa isang masusing at tapat-sa-kabutihang pagsisiyasat at paguusig,” iginiit nito.

This article is from: