2 minute read

Modernisasyon, PARA po Kanino?

Bawat isa sa atin ay may natatanging kuwentong dyip, mga karanasang hindi natin malilimutan sa pagsakay sa mga makukulay na sasakyang de-makina. Bilang isang komyuter, hindi na bago sa akin ang mga istoryang nakatulog habang byahe, paglagpas sa lugar na babaan, pagdausdos habang pababa o pasakay, at ang pagiging mahiyain sa paghingi ng sukli. Sigurado ako na marami ring baong karanasan ang ilang milyong kapwa komyuter na dumedepende sa dyip bilang pangunahing transportasyon sa araw-araw. Subalit, ang mga tinaguriang hari ng daan ay pilit tinatanggalan ng korona ng mapanupil na estado. Ang mga karanasan at mga kuwentong ito ay nagbabadyang mawala sa pagpapatupad ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) na lason sa simbolo ng ating kultural na pagkakakilanlan bilang Pilipino.

Unang paglilinaw, hindi tutol ang mga drayber sa modernisasyon, ngunit sila ay nanawagan sa isang inklusibo, makatarungan, at makamasang plano kung saan walang taong maiiwan sa ere. Simula’t sapul, ito ang dahilan kung bakit nagsagawa ng malawakang transport strike ang mga tsuper mula ika-anim hanggang ika-pito ng Marso, kahit na pansamantala silang mawawalan ng hanapbuhay sa kabila ng mga nagtataasang bilihin at langis dulot ng oil deregulation law at excise tax. Kahit saang anggulo tignan, totoong maggigipit ang mga drayber at operator na mapipilitang pumasok sa mga kooperatiba at bumili ng mga yunit ng modernized public utility vehicles

Advertisement

(PUV) na pumapatak sa isang milyon hanggang dalawang milyon bawat isa. Hindi kailanman magiging sapat ang kita nilang PHP 500-600 sa pang-arawaraw na napupunta rin sa mga gastusin lalo na sa mga may obligasyon na maghapag ng pagkain sa kanilang mesa. Ang mga drayber ay hindi lamang drayber, sila’y mayroong binubuhay at inuuwiang pamilya at tuluyan silang mababaon sa utang dahil sa huwad na modernisasyong ito.

Pinatunayan ng pagkilos na ito na ang jeepney phaseout ay hindi lamang isyu ng transportasyon. Ito’y isyung may kaugnayan din sa iba’t ibang aspeto at sektor ng lipunan—edukasyon, kultura, kapaligiran, kabuhayan, at katarungang panlipunan. Kung hindi dahil sa katapangan ng mga tsuper, tiyak na hindi na labing-isa o labingdalawang piso ang iaabot natin tuwing magbabayad sa drayber kundi PHP 3540. Isa itong malaking dagok at pasakit sa mga komyuter na estudyante, guro, manggagawa, at propesyonal. Kung hindi dahil sa nagkakaisang tindig at boses ng mga drayber at operator kasama ang malawak na hanay ng masa, mahihirapan ang mga magsasaka sa pagpapadala at paglilipat ng mga sariwang produkto ‘gaya ng prutas at gulay mula sa bukirin tungo sa palengke at mga tingiang tindahan. Dagdag pa rito, hihina rin ang kita ng mga vulcanizing shops at mga tindahan ng piyesa at mga palamuti tulad ng mga nagpipinta at gumagawa ng plakard. Kung hindi dahil sa matagumpay na welgang bayan, nakaambang masadlak sa kahirapan ang higitkumulang dalawang milyong pamilya na nakaasa sa dyip bilang pangunahing pinagkukunan ng hanapbuhay.

Matagumpay ang isinagawang transport strike ngunit hindi rito natatapos ang laban kontra-jeepney phaseout hangga’t hindi pa tinutugunan ang interes at mga kahingian ng mamamayan. Bagama’t kinikilala natin ang mga kahinaan ng mga tradisyunal na dyip at epekto nito sa kapaligiran, ang modernisasyon ay dapat para sa lahat, hindi ito dapat nakapipinsala ng kabuhayan. Hanggang sa dulo, kasama ng mga drayber ang mga mamamayan sa kanilang pakikibaka, dahil ang laban ng tsuper ay laban ng lahat!

This article is from: