1 minute read

Ang Pangunahing Pwersa

Shania Faith Legaspi

Ilang beses man nila patahimikin ang bukirin, Isemento ang bukid sa dugo’t pawis, Lagi’t lagi sisibol ang mga punla, Ng taas-kamaong pag-aalsa.

Advertisement

Buhay- Endo

Julia Andrea Razon

Pawisan ang noo, baluktot na likod Matagal nang dumaraing, Katiting pa rin ang sahod.

Pagpapagal ng manggagawa Tugunan, ipaglaban.

Para sa haligi ng bayan, ipagsigawan! Kontraktwalisasyon, wakasan!

Kalachuchi

Fyra Tumimang

Kung ako’y magiging bulaklak, Hangad kong maging isang kalachuchi— Talulot ma’y banayad na kulay puti’t dilaw, Taglay nito’y takot sa likod ng halimuyak

Sintapang ng simoy nito, Ang kagitingang taglay ng mga Silang at Pacheco

Hindi takot madaplisan ng dugo; Matindi ang kapit sa umaalab na sulo

Gaya ng isang bungkos ng kalachuchi, Ako’y babaeng puno ng paninindiga’t tapang

Gamit sa iba’t ibang larangan — Kolektibong nakikibaka sa mapangahas na lipunan.

Ang Martsa ng Kabataan

Fatima Guinto

Malakas ang putukang bumalot sa bayan Terorismo na ang namayani sa kanayunan Sa gitna nito’y ang Martsa ng Kamatayan Na tanging layunin ay supilin ang taumbayan.

Haharangan ito ng militanteng kabataan Hindi magagapi ng abusadong makapangyarihan Gagamitin ang karunungan Patuloy na pumipiglas para sa kalayaan.

Bayaning Nakaputi

Khyreen Flores

Isang paa’y nakabaon sa hukay sa ngalan ng serbisyong tunay ginawang sanggalang sa bayang pilay at tila sila ay nawalan ng malay.

Kahit daing ay di marinig patuloy na titindig para sinumpaang pangako at para sa masang Pilipino.

Martsa ng Artista

Angela Bianca Mariano

Sa paglapat ng dayalogo, Saliw ng ilaw at musika, Hatid ay pagmulat, Sa pagbukas ng kurtina.

Tunay na magiting, Alagad ng sining, Handang magtanghal, Ipinta ang danas at lakas ng masa!

Kinabukasang Tangan

Kyla Dela Cruz

Araw-araw nagpapakapagod, Inaalipin ng mababang pasahod. Walang-tigil na pakikibaka, Gigisingin diwa ng masa.

Patuloy na kakalinga’t gagabay, Sa pagbabanyuhay aagapay, Magtatanim ng kaalaman, Papandayin ang kinabukasan.

Alpas

Janna Ivory Quistadio

Pilit ginagapos, tinitikom ang katotohanan

Pumipiglas, umaanib sa boses ng kalayaan Iyong pluma’t papel, Liwanag ng taong bayan.

Ginagapos, inililibing

Patuloy na titindig, Katarungan paaalingawngawin, Sa masa ang pagkiling.

Paglayag

Angelica Marie Fortin

Nasisindak ang mga ayaw sumuong Sa hampas ng mapanghusgang daluyong Ngunit kami ay hindi tatalikod Kailanma’y ‘di patatangay sa anod.

Hindi kami pasisiil at pagagapi Sa mga taong bukambibig ay pang-aapi Ilalaban namin ang hiling na kapantayan At lalangoy sa alon para sa aming karapatan.

Batok

Mhaigne Ahne Lucanas

Tubo ako sa lupaing ito Isa kang pontio pilato

Dama ko ang bawat mapang-aking yabag mo Malayo ka pa man, masangsang na sa ilong ko.

Sapat na ang balat ko bilang protesta Nakaukit sa akin ang bawat letra

Iniukit gamit ang tinta ng pagdurusa’t pang-aalipusta Sa hapdi ng pintang ito umaapoy ang pakikibaka.

Titiisin ko ang halik ng tinik para sa masa, Taglay ang poot para sa karapatan sa lupa Hahamak, magtitipon, aalsa Hindi pasisiil, kumupas man ang aking mga tinta.

This article is from: