4 minute read
MEKANIKA NG ISANG SUSTENABLE AT MAKAMASANG SISTEMA NG TRANSPORTASYON
Walang ibang species na kayang humalaw ng bakal sa ore, initin at hubugin ito sa isang kagamitan na makapaghahatid ng sarili, kapwa, o bagay mula dako sa dako. Silang inilarawan ni Karl Marx na mayroong “conscious life activity” na kwalitatibong kataliwasan sa “animal life activity.” Itinala pa ni Lawrence Wilde, propesor ng political science, na tinutukoy nito ang kapasidad ng tao na lumikha/ magprodyus “according to plan on a grand scale…” Ibig sabihin, bukod sa magprodyus ng sasakyan ay ang kakayahang magdisenyo ng sistema ng operasyon nito. Sa konteksto ng isang lipunan na sa malaking bahagi ay nahihirati sa iilang nagmamayari ng kumpanya o korporasyon sa isang banda at nakararaming kailangan magkomyut papuntang trabaho sa kabila; ang dominante’t mapagpasiyang posisyon ng nauna ay hindi kailanman maaasahan ng nahuli para sa makatarungang sistema ng transportasyon.
Ang mekaniko
Advertisement
May pangalan ang partikular na sangay ng siyensya na tumatalakay sa paraan ng pagbubuo o ruta ng operasyon ng isang bagay— mekanika (na ngayon ay ginagamit bilang metapora ng isang bahagi ng urban/rural planning, mabuti pa nga ay sa pangkalahatang economic development plan). Ngunit, kahingian sa pag-iral ng mekanika gayong hindi natural na umusbong sa mundo ang tagalikha, o, mas akmang sabihing nagmamay-ari nito.
Ayon sa isang policy study ng thinktank na IBON Foundation, sa sentro ng komersyo sa bansa, ang pampublikong transportasyon sa malaking bahagi ay “privately owned and controlled.” Halimbawa na lang, ngunit hindi limitado sa, jeep (PUJ) at bus (PUB); aksesible ang mga ito sa publiko ngunit ang nagmamayari, nagmimintina, at kumukontrol ay mga pribadong holder ng prangkisa. Samantala, ang rail transit (PNR, LRT 1, LRT 2), tanging mga asset na pagmamay-ari ng gobyerno, ay untiunti na ring inililiko sa direksyon ng pribatisasyon sa ngalan ng Public-Private Partnerships.
Bahagyang maipaliliwanag ng pribadong pag-aari sa pampublikong transportasyon kung para saan at para kanino ito. Sa panayam ng AlterMidya kay Riles Network spokesperson Sammy Malunes, pinaalala niyang tayo ang nauna sa pagpaplano ng railway sa Southeast Asia ngunit tayo rin ang “pinakakulelat” ngayon sa dahilang “[p]inabayaan ng gobyero ang private sector na mag-provide ng transportation sa metropolis.” Ang implikasyon ng nagbabanggaang interes ng pribadong entidad at publiko, ng pansariling ganansiya at ng serbisyo para sa lahat, nauuwing “kulelat” ang nagsusulong sa mga nauna.
Rabaw pa lamang ng iceberg ang usapin sa pagmamay-ari. Sa ilalim nito ay ang sandamakmak na suliraning patuloy na sumasagasa sa masang drayber at komyuter.
Kasalukuyang depekto ng makina
Masisikip na trapiko, walang katiyakang oras ng arrival at departure, mahahabang pila ng komyuter, pagtaas ng presyo ng pamasahe, pagtaas ng presyo ng petrolyo, nadidiskaril na bagon, mga aksidente sa kalsada. Ilan lang ang mga ito sa iba-ibang mukha ng umiiral na krisis sa transportasyon. Krisis na ikinakaila pa nga ng ilang politiko.
Bahagi ng umiiral na sistema ng transportasyon sa bansa ang kawalan nito ng sistema…ng maayos na sistema. Idinadaliri ng IBON na repleksyon ito ng “general lack of central planning in all aspects of national economy.” Sa ibang konteksto, pinuna ni Malunes ang kapabayaan ng gobyerno sa urban planning, ng pangmasang transportasyon (mass transportation) sa partikular. Komentaryo pa niya sa hindi organisadong iskema ng operasyon ng provincial buses ay “trial-and-error.” At, gaya sa alinmang ekonomikong krisis sa anomang panahon, ang sambayanan ang bumabalikat sa malay na pagpapabaya ng iilan.
Ang pribatisasyon at nakatuonsa-tubo na mga polisiya/programa sa transportasyon (bagama’t iminamaskara bilang solusyon, ayon pa kay Ka Sammy, “reseta ng korporasyon”) ay problema sa sarili nito ngunit nagsisilang din ng mga bagong problema. Inilalagay nito sa lalong bulnerableng posisyon ang masang drayber/komyuter. Kahit pa nga sa mga bansang itinuturing na maunlad (developed), inilarawan ng progresibong Amerikanong si Michael Parenti na “mess transit,” ang ligalig sa mobilidad, sa buhay mismo, at maski kalikasan bilang mga halimbawa kung paanong ang pribadong kita ay nauuna kaysa pampublikong pangangailangan.
Wala na sigurong mas masaklap pa sa katotohanang ang Pilipinas ay nananatiling nakikiangkas sa mauunlad na bansa sa kasawian ng sarili nitong pag-usad. Sa usapin ng transportasyon, mahihiwatigan ito unang-una na sa pag-asa natin sa importasyon. Halimbawa na lang ay ang modern jeep na kinakailangang iangkat mula sa Japan at China. Dahil hindi rin sa atin pinoprodyus ang mga mahahalagang bahagi nito gaya ng engine at chassis, malamang na iaasa rin sa iba ang maintenance nito. Samakatuwid, nagsusuhayan o nasa sitwasyong untul (deadlock) ang atrasadong ekonomiya at atrasadong sistema ng transportasyon.
Higit pa sa repair, o, tungo sa isang alternatibong disenyo
Sa harap ng problema sa malalang trapiko, mayroong absurdong preskripsyon si Salvador Panelo: maging “creative” lang. Kung ito ang magsisilbing mapa, malabo tayong makaparoon sa sustenable at makamasang sistema ng transportasyon. Wala itong kaibahan sa banalidad ng pagiging resilient sa panahon ng bagyo. Ito na ba ang pinakamahusay na kayang ibigay ng mga lider?
Iniluluwalhati ng kasalukuyan at nagdaang administrasyon ang pagpapatayo ng mga malawakang imprastraktura sa transportasyon gaya ng highway at expressway. Mula sa unang SONA ni Marcos Jr., hanggang sa Philippine Development Plan 2023-2028, umaalingawngaw ang “Build Better More” (inapo ng “Build, Build, Build) sa mga plano para sa sektor. Gayonman, ipinunto ng mga kritiko na senyales ng kakulangan sa pagunawa ng mga isyu na kinahaharap ng sektor ang labis na pagtuon sa mga imprastraktura imbis na sistema ng operasyon. Bukod pa, ipinahayag ng grupong PISTON na kwestyunable ang papel nito sa ekonomikong pag-unlad gayong pangitain ito sa paglobo ng utang
panlabas (foreign debt/investment).
Ang pagsalungat sa krisis ay nasa isang komprehensibong pampublikong pangmasang transportasyon alinsunod sa materyal na kondisyon ng sektor at siyentipikong datos. Isang manipestasyon ng pagkakomprehensibo ay kung masasaklaw ang tinatawag na small capacity transport (bus, jeep, tricycle) at active transport (paglalakad, pagbibisikleta) bilang komplement sa pangmasang transportasyon (tren). Prayoridad ang pangmasang transportasyon sapagkat ito ang magtitiyak na episyente ang mobilidad gayong kaya nitong magsakay nang maramihan, makarating sa destinasyon sa lalong maikling panahon at distansya. Samantala, upang maigpawan ang pinupunang “trial-and-error” na mga polisiya, nararapat lamang na kalahok ang mga drayber at komyuter sa pagdedesisyon.
Higit sa lahat, ang komprehensibong pampublikong pangmasang transportasyon ay nakasandig sa/ sinasandigan ng pambansang industriyalisasyon at tunay na repormang agraryo. Susi sa pagpapaandar ng pangmasang transportasyon ang kakayahan na makapagprodyus ng sariling riles, sariling bagon, sariling gamit sa maintenance o sa ibang tabas ng salita, lokal na industriya ng Public Utility Vehicle. Sa parehong pagkakataon na ang sektor ng transportasyon kaagapay ang iba pang pangunahing industriya gaya ng kalusugan, edukasyon, tubig, kuryente, pagmimina, atbp ay makatutulong sa pagtamo ng ekonomikong pagunlad. Matitiyak naman ng repormang agraryo na magiging pambansa ang antas ng pag-unlad kaya sumusunod na kakailanganin din ang transportasyon sa kanayunan.
Ang realisasyon ng isang sustenableng transportasyon (episyente, maaasahan, aksesible, abotkaya, ligtas, makakalikasan) ay magiging posible lamang sa isang pambansa, siyentipiko, at higit sa lahat ay makamasang sistema na pinatatakbo ng mga pinakasulong na mekaniko ng mundo—ang masa, ang masa lamang!