9 minute read
Sa laban ng drayber, kasama ang komyuter: Tigil-pasada, ikinasa sa Timog Katagalugan
Nitong ika-anim ng Marso, isinasagawa ang nationwide week-long transportation strike ng halos 40,000 na tsuper sa bansa. Pinangunahan ito ng transport groups na Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers para sa Karapatan sa Paggawa (MANIBELA) at Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON).
Ang transportation strike ay isang pagkilos laban sa ipinasang Memorandum Circular 2023-013 ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nagbabawal sa mga traditional public utility jeepneys (TPUJs) na mamasada sa susunod na taon hangga’t hindi nakakasali sa mga kooperatiba o korporasyon.
Advertisement
Parte ito ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng gobyerno na naglalayong palitan ang mga lumang TPUJs ng mga ‘modernized jeepney’.
Ayon kay Carla Ac-ac, Community Rights and Welfare Committee (CRAW) Head ng UPLB University Student Council (USC), bagaman naglalayon ang ‘jeepney modernization’ ng isang ligtas na pamamasada sa parehong drayber at pasahero ay malaking hamon naman ito sa pinansyal na kakayahan ng mga tsuper.
“Sa kasulukuyan, required na sumali ang mga jeepney drivers sa isang COOP [cooperative] para maka-renew ng prangkisa at dahil sa pandemya ay karamihan ay kinakailangan na ito. Ang COOP ay pumapailalim sa LTFRB at ang COOP ang magbibigay ng prangkisa pero kinakailangan ng PA [Provisional Authority]. Ang PA ay makukuha ng ating drivers sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan at kinakailangan nilang dumaan sa tatlong hearing bago makuha ito. Hindi na rin nagbibigay ng five year franchise ang LTFRB sa mga jeep dahil na rin sa jeepney modernization.” paliwanag ni Ac-ac.
BANTA NG MALAWAKANG
‘JEEPNEY PHASEOUT’
“Kung intensyon ng pamahalaan ay safety ng mga pasahero, hindi phaseout ang sagot dahil inaasa lang nila sa mga drivers ang modernization”, ani Mariah Dela Provicencia ng Serve The People Brigade (STPB-UPLB).
Sa isang emergency meeting na ginanap noong ika-lima ng Marso na dinaluhan ng iba’t ibang organisasyon at alyansa ng mga kabataan sa Timog Katagalugan, ibinoses nila ang pangambang unti-unti nang sinisimulan ng pamahalaan ang jeepney phaseout sa pamamagitan ng franchise consolidation.
Sa ilalim nito, tatanggalan ng karapatan ang mga tsuper at operators na malayang makapamasada sa pamamagitan ng pagsuko ng prangkisa sa mga kooperatiba, at dadaan sa napakaraming proseso bago maaprubahan na makapasadang muli.
Bukod dito, labis ring ikinabahala ng mga tsuper ang presyo ng mga modernong jeepney kung sakali mang matuloy ang phaseout.
Tinatayang aabot sa 1.6 milyon hanggang 3.4 milyon ang halaga ng nasabing modernong jeepney, ngunit nasa higit isang daan at animnapu’t libo lamang ang ayudang handang ipamahagi ng LTFRB sa mga driver.
Hinihikayat din ng naturang sangay ng gobyerno na kumuha ng ‘financial support’ ang mga tsuper sa iba’t ibang bangko at mga pinansyal na institusyon na siya namang mariing tinututulan ng maraming drayber ng jeep dahil anila, lalo lamang silang mababaon sa utang.
Bago pa man harapin ng mga drayber ang banta ng jeepney phaseout, marami pa rin ang ilan sa kanila na hindi pa nakakabangon sa pinsalang idinulot ng pandemya sa kanilang hanapbuhay, kung kaya’t labis ang pagtutol nila dito sa madaliang pagpasa ng gobyerno sa jeepney phaseout.
Sa kasalukuyang estado ng ekonomiya ng bansa, patuloy na naitutulak sa hikahos na kalagayan ang mga tsuper. Nananatiling naglalaro sa 8.7% ang inflation rate sa bansa nitong Enero, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), na higit na nakaapekto sa paglobo ng presyo ng krudo at mga mahahalagang bilihin.
“Mabigat para sa kanila [week-long strike] kasi isang linggo silang mawawalan ng kita, [pero] kailangan nilang gawin para ipaglaban upang hindi tuluyang ma-phaseout ‘yung mga jeepney kasi kabuhayan nila ‘yun. Once mawala yun, mas matagal ‘yung magiging paghihirap nila… kaya importanteng maipakita ng kabataan ang suporta para sa mga jeepney drivers.” dagdag ni Mariah ng STPB-UPLB sa malawakang strike na pinangunahan ng mga tsuper.
Pakinggan Ang Busina Ng Masa
Sa kabila ng napakaraming pag-alma mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan patungkol sa jeepney phaseout, tanging red-tagging at pambabanta lamang ang naging sagot ni Vice President Sara Duterte, at ng mga opisyales ng Department of Transportation (DOTr). Sa inilabas na pahayag ni Duterte laban sa ACT Partylist na nagpakita ng suporta sa malawakang transport strike na ikinasa ng mga tsuper, sinabi nitong ang isasagawang kilos-protesta ay communist-inspired at hindi nakakatulong sa pag-aaral ng mga bata.
Agad namang sinagot at binatikos ng ACT ang naging pahayag ng ikalawang pangulo at sinabing hindi red-tagging ang sagot sa totoong kinakaharap na krisis ng mga mag-aaral at mga guro sa edukasyon.
“... quit red-tagging and face the concerns of teachers and learners. It is shameful how DepEd Secretary VP Sara Duterte resorted to red-tagging the Alliance of Concerned Teachers Philippines instead of addressing the valid concerns of teachers and students in light of the scheduled transportation strike,” pahayag ng partylist.
(“…itigil ang panre-redtag at harapin ang mga hinaing ng mga guro at mag-aaral.
Nakakahiya kung paano humantong si DepEd Secretary VP Sara Duterte sa panre-redtag ng Alliance of Concerned Teachers Philippines sa halip na tugunan ang mga balidong hinaing ng mga guro at mag-aaral dahil sa nakatakdang transport strike.”)
Agaran namang pinuna ni Mody Floranda, National President ng PISTON, ang binitawang pahayag ni Duterte ukol sa idadaos na strike.
“Palpak ang pamamalakad mo sa DepEd. Mabuti pa gamitin mo itong susunod na linggo para mag muni-muni sa mga solusyon para sa classroom shortage at historical distortions sa curriculum natin”, aniya.
Hindi rin naging maganda ang pagtanggap ng publiko sa inilabas na pahayag ni Duterte sapagkat anila, hindi lamang ang mga tsuper, kundi iba’t ibang sektor ng lipunan ang nagkakaisa upang suportahan ang panawagang ibasura ang jeepney phaseout.
Bukod sa panre-redtag na ginawa ng ikalawang pangulo, naglabas din ng pagbabanta ang DOTr na tuluyang mawawalan ng prangkisa at haharap sa administrabo at kasong kriminal ang mga drayber ng dyip at operators na lalahok sa malawakang strike.
“Department of Transportation ba to o Department of Threats? Binabantaan nyo ng kaso ang jeepney drivers dahil sa ilang araw na tigil-pasada pero wala kayong problema na mawalan sila ng kabuhayan kapag tuluyang mawala sa kalsada ang mga jeep dahil sa jeepney phaseout?” agarang pagkondena ni Ivan Sugcang, National Chairperson ng League of Filipino Students sa pagbabantang ginawa ng DOTr laban sa mga tsuper. Sa kasalukuyan, nagsasagawa ngayon ng malawakang kilos-protesta hindi lamang ang hanay ng mga tsuper, kundi maging iba’t ibang mga progresibong grupo upang palakasin ang panawagang ihinto ang jeepney phaseout. Nakiisa rin ang mga tsuper mula sa lalawigan ng Rizal at Laguna upang ipanawagan ang pagbasura sa jeepney phaseout.
REHABILITASYON, HINDI PHASEOUT
Sa pag-ugong ng banta ng jeepney phaseout sa bansa, hindi lamang ang mga tsuper ang nanganganib mawalan ng pangkabuhayan, ngunit kabilang sa mga maapektuhan ang mga komyuter kasama ang mga estudyante sa nasabing ‘modernization’.
Sa patuloy na paglala ng pang-ekonomiyang krisis sa bansa, gaya na lamang ng pagtaas ng presyo ng gasolina at ng iba pang mga bilihin, magiging dagdag pasanin na sa mga Pilipino ang pang-araw-araw na gastusin sa pamasahe.
Mula sa Php 12 base fare na pamasahe ng mga regular na komyuter, tataas ang pamasahe mula Php 25 hanggang Php 35 sa mga modern jeepney.
Isa rin sa mga kakaharaping hamon ng mga tsuper ang pagkuha ng mga modernong jeepney sa malalaking korporasyon. Dahil nga sa ibang bansa pa uungkatin ang mga jeepney, magiging dagdag pahirap din sa mga tsuper ang pagkuha ng mga piyesa nito kung sakali mang magka-aberya sa mga bagong jeepney.
Ayon kay Mang Rolly Perez, presidente ng samahan ng mga tsuper ng El Danda-Forestry-Junction Operators Divers Assoc. (ELF-JODAI), na eksklusibong nakapanayam ng Perspective, malaking dagok sa kanila bilang mga tsuper ang banta ng modernisasyon.
“Hanggang ngayon, napakalaking dagok pa rin ng modernisasyon sa hanay ng transport.” daing ni Mang Rolly.
Kabilang ang samahan nila Mang Rolly sa mga hindi sang-ayon sa panukalang jeepney modernization dahil anila ay lalo lamang sila nitong inilulugmok sa kahirapan, kabaliktaran sa nais palabasin ng gobyerno.
SA LABAN NG DRAYBER, KASAMA ANG KOMYUTER
Dahil sa malawakang strike na ikinasa ng iba’t ibang transport groups, nagkaisa ang iba’t ibang sektor ng lipunan upang magpaabot ng tulong sa mga drayber na mawawalan ng kita sa loob ng isang linggo.
Ang ilang mga progresibong grupo tulad ng STPB-UPLB, Youth Advocates for Peace with justice (YAPJUST-UPLB), All UP Academic Employees Union (AUPAEU-UPLB), at iba pang mga progresibong grupo ay nagsasagawa ng community pantries sa iba’t ibang lugar. Nagkasa rin ng donation drives ang mga nasabing grupo upang mabigyan ng tulong-pinansyal ang mga tsuper na walang iuuwing kita ngayong linggo.
Pinangunahan ng STPB-UPLB kasama ang iba’t ibang organisasyon mula University of the Philippines Los Banos (UPLB) ang pag-organisa ng community pantries sa lungsod ng Los Banos para sa mga tsuper na maapektuhan.
Maliban sa mga itatayong community pantries sa Timog Katagalugan, marami ring kampuhang bayan ang ikinasa sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila gaya ng Caloocan, Paranaque, Manila, Pasay, Quezon, Pasig, at Muntinlupa City. Sa mga kampuhang ito itatampok ang pamimigay ng polyeto, pamimigay ng mga pagkain sa mga tsuper na lumahok sa strike, at marami pang iba.
Sa kabila ng pananakot ng gobyerno laban sa isinagawang strike ng mga tsuper, dagsa-dagsa pa ring donasyon at suporta ang natanggap nila mula sa publiko. [P]
MULA SA ARKIBO
“Napakahirap ng biyahe ngayon. Walang pasahero, talagang tatakbo ka ng walang laman.” Ito ang mga katagang binitawan ni Rolly Perez patungkol sa hirap na dinaranas ng mga tsuper bunsod ng pandemya. Eksklusibong nakapanayam ng Perspective si Mang Rolly Perez, ang presidente ng samahan ng mga tsuper ng
El Danda-Forestry-Junction Operators Drivers Assoc. Inc. (ELF-JODAI) na matatagpuan sa Los Baños, Laguna; isa siya sa mga tsuper na humina ang kita dahil sa kasalukuyang pangkalusugang krisis. Hindi pa man nangyayari ang krisis na kinakaharap natin ngayon, binabagtas na nila ang mga kalsada ng Laguna.
Humigit isang taon na ang nakalipas nang magarahe at tila mabalahaw ang mga manggagawa sa sektor ng transportasyon. Ang dati nang hindi sapat na kita’y pinalala pa nang kawalan ng pasahero dulot ng pisikal na limitasyon sa ating mga pampublikong transportasyon.
Isang taong diperensya, ngunit iisang hinaing pa rin ang pilit na sinisigaw ng mga tsuper, ang makabalik sa kalsada upang makapag hanapbuhay at maibsan ang pang araw-araw nilang kalbaryo.
Lubak Na Daan
Bago mangyari ang krisis, tinatahak na ni Mang Rolly at ng kanyang dyip ang kahabaan ng Calamba hanggang sa kampus ng UP Los Baños. Kumikita siya ng P500 kada araw. Ngunit bumaba ang kita sa pasada nang lumaganap ang COVID-19; ang dating limandaang pisong naiuuwi sa pamilya ay naging P100 na lamang.
“Sa akin kasi, mahirap para doon sa mga miyembro mo na nakikita mo na walang biyahe.” wika ni Mang Rolly.
Ayon kay Mang Rolly, napakahirap para sa kanya bilang presidente ng kanilang asosasyon na makitang naghihirap ang kanyang mga kabaro. Dagdag pa niya, sa 147 na tsuper, walo lamang ang pinapayagang bumiyahe. 50 sa 147 na mga indibidwal na ito ay mga senior citizen na umaasa lamang sa kanilang kinikita sa pamamasada.
Sa datos lamang mula sa Metro Manila, halos 98% ng mga jeepney ang tumigil sa operasyon noong mga unang buwan ng pandemya; ito ay humigit kumulang 70,000 tsuper na umaasa sa kanilang pang araw-araw na pasada. Hindi pa kasama dito ang mga tsuper mula sa probinsya gaya ng Los Baños.
“Hindi talaga kami nakaka-boundary,” aniya. Sa kabila ng pagpayag sa iilan, tila lugi pa ang mga ito dahil sa gastos sa gasolina. Hindi sapat ang 100 pisong kita upang paandarin nang matagal ang isang dyip.
Sa hirap ng sitwasyon ng mga tsuper sa El Danda, nagsusulat na sila ng mga liham upang makatanggap ng tulong at ayuda. Samu’t-saring mga progresibong organisasyon naman ang bukas sa pagtulong gaya ng Anakbayan, Samahan ng Kabataan para sa Bayan (SAKBAYAN), at Bayan Muna.
Bunsod ng mga lokal na inesyatiba ng iba’t-ibang organisasyon at samahan, nakatanggap na rin sina Mang Rolly ng ayuda. Noong Hunyo 3, 2020 ay pinasinayaan ng Serve the People Brigade Task Force Community Unit Response (STPB TF CURE), isang relief organization na nakabase sa UP Los Baños, ang isang donation drive na naglalayong tulungan ang mga nabakanteng tsuper sa pamamagitan ng pamimigay ng relief packs; ito ay pinangalanang “Drive for Elbi Drivers.” Dumagsa rin ang tulong mula sa iba pang mga asosasyon gaya ng mga nagtulong-tulong na mga alumni ng Philippine Science High School System (PSHS) na naglunsad naman ng programang ‘TAHAKin 19: Tulong at Ayuda para sa HAri ng Kalsada’, para sa mga naghihikahos na drayber.
Banta Ng Modernisasyon
“Hanggang ngayon, napakalaking dagok pa rin ng modernisasyon sa hanay ng transport.” pahayag ni Mang Rolly.
Humina ang hanay ng transportasyon dahil sa mga limitasyon tulad ng pagsasara ng mga rota. Bukod sa hirap na dulot ng pandemya, isang malaking banta pa rin ang modernisasyon at ang napipintong pag-phaseout sa mga lumang modelo ng dyip. (Basahin: ‘Sa bawas-tao, bawas ang kita’: Mga tsuper ng UP College, hirap dahil sa kawalan ng pasahero)
Dagdag pa niya, ang modernisasyon ay magmimistulang kooperatiba na kukunan lamang sila ng pera. Tila ba ito’y magiging negosyo dahil sa mga gastos na kailangan nilang punan gaya ng mga loan at iba pang singilin.
Sa pahayag ng ELF-JODAI, noon pa man ay hindi na sila sang-ayon sa panukala ng modernisasyon ng mga PUV, dahil imbis na makaahon sila sa kanilang mga bayarin, ito mismo ang lulubog sa kanila sa utang.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), magtatayo ng isang loan program na maglalaan ng P1.5 bilyon upang tustusan ang mga pangangailangan ng mga jeepney driver sa nalalapit na modernisasyon. Ngunit tutol pa rin ang mga kagaya ni Mang Rolly dahil pinupwersa nito sa mga tsuper ang isang sistemang sila rin ang maaagrabyado sa huli.
“Walang mangyayari sa modernisasyon, iilan lang ang kikita diyan.” dagdag pa ni Mang Rolly.