4 minute read

PAATRAS, ‘KAD!

NI MARL OLLAVE

Mabusisi, mahaba, at pihikan ang naging pagpupulong upang ipasa ang resolusyong naglalayong kundenahin ang pagpapatupad ng

Advertisement

Mandatory ROTC o MROTC noong nakaraang ika-54 na General Assembly of Student Councils (GASC).

Sa gitna ng nabubulok na sistema ng edukasyon ay isinulong ng kasalukuyang Secretary ng Department of Education (DepEd) na si Sara Duterte ang isang panukalang matagal nang nangangalingasaw dahil sa malagim nitong nakaraan ng awtoritaryanismo, karahasan, at kurapsyon.

Bilang isang estudyante at guro sa hinaharap isang malaking sampal ang pagpapaliyab ng karahasan sa halip na pag-aapula sa nanganganib na kinabukasan ng kabataan - ngunit hindi na ito nakakagulat sa rehimeng umaabante dahil sa karahasan, kahit na atrasado na ang buong bansa.

‘AS YOU WERE!’

Ang ROTC o ang Reserve Officers Training Corps ay ipinapatupad sa mga kolehiyo bilang elective ng National Service Training Program (NSTP). Isang klase ng edukasyon na tumatago sa huwad na mukha ng patriyotismo at nasyonalismo. Sa halip na magturo ng mga nararapat na asal at nagpapataas ng diwa upang aralin ang mga isyung panlipunan ay itinatanim nito sa kaisipan ng mga kabataan na kasalanan ang sumuway sa utos at laging tama ang pamahalaan Sa katunayan, hindi nasusunod ng ROTC ang hangarin na magsilbi sa bayan bagkus isa lamang itong pagpapasa muli ng gobyerno ng responsibilidad sa kanilang mamamayan.

Sa halip na baguhin ang anyo ng kurap na sistema ng AFP at PNP, inaasa pa ni Bato Dela Rosa ang responsibilidad sa mga mamamayang dapat nakatuon ang pansin sa pagaaral. Baluktot ang pangangatwiran ni Dela Rosa na ang MROTC ay magpapalawak ng pwersa na lalaban sa China sakaling mangyari ang gyera. Isa itong walang kabuluhang sakripisyo dahil nilalabag nito ang batayang karapatang mag-aral ng mga kabataan upang hubugin ang sarili.

Marapat lamang na buwagin na ang sistemang awtoritaryan ng MROTC dahil nakahulma ito sa patriyarkal at kolonyal na sistema. Ang mga ROTC sa iba’t-ibang dako ng mundo ay nagmula sa Estados Unidos (EU), ito ay pangunahing naka-angkla sa sistema ng agham-militar na mayroong awtoritaryan na pundasyon. Sa ilalim nito, nasa iisang kamay lamang ang kapangyarihan at may istriktong pagtanaw sa pagsunod sa utos. Ito ay isang delikadong sistema na hindi nagbibigay daan upang magkaroon ng kalayaang mag-isip at kritikal na makibaka. Kung sakaling ganap na itong ipapatupad sa Pilipinas, hindi malabong malagay sa panganib ang buhay ng mga estudyante dahil sa berdugong imahe ng militar at kapulisan sa ating bansa.

Sa likod ng hindi kaaya-ayang imahe ng mga militar at kapulisan ay ang madugong kasaysayan din ng mga programang hawak ng mga pwersa ng estado. Umalingawngaw ang mga panawagang ihinto ang ROTC dahil sa pagkamatay ng estudyante na si Mark Welson Chua - pinatay at natagpuan na lamang palutang-lutang sa ilog matapos ibunyag ang korapsyon sa sistema ng ROTC sa University of Santo Tomas. Sa ilalim ng administrasyong kung saan ang bayad sa kalayaang magsalita ay kapahamakan , tiyak na marami ang susunod sa yapak ni Mark Welson Chua - nararapat nang buwagin ang programang kumitil na ng buhay at lalabag pa sa mga karapatang pantao ng mga mag-aaral.

“TIKAS KATAWAN, NA!”

Hindi maaaring pwersahin ng estado ang mga kabataan na lumahok sa sapilitang pagbibilad sa init at pag-gawa ng mga nakakapagod na aktibidad dahil ito ay pumapasok sa usaping kalusugan. Hindi lahat ng mga mag-aaral ay may pisikal na kakayahang gumawa ng mga drills at exercises na ipinapakita ng mga cadet dahil sa layo ng kakayahan at kasanayan ng mga ito. Maaari ring magmanipesta ang pagod na nararamdaman ng mga estudyante sa kanilang lagay ng akademiko. Bagaman importante ang pagpapahalaga sa pisikal na kakayanan, may bahid ng patriyarkiya ang MROTC dahil nakahulma ang balangkas nito sa gawaing militar. Maraming iba’t ibang paraan upang palakasin ang resistensya at pangangatawan ng isang mag-aaral batay sa pisikal nitong pangangailangan at hindi sa pamamagitan ng atrasadong disiplina ng pulis at militar.

Higit ding tututulan ng komunidad ng LGBTQIA+ and ROTC dahil hindi ito kumokomporoma sa kinagisnang sistema na macho-pyudal, patriyarkal, at awtoritaryan. Pinipilit ng ROTC na humulma ang mga sasali rito sa pagkakaroon ng hairstyle at pananamit na nakabalangkas sa hilatsa ng isang lalaki sa isang steryotipikal na lipunan - maikli ang buhok, balot ang katawan, at ang pagkilos ay nakabase sa nakagisnang gawi ng militar.

Sa ilalim ng patriyarkal at militarisadong pamumuno, makararanas ng panunukso at pandidiskrimina ang sektor ng LGBTQIA+. Magkakaroon din ng paglabag sa karapatang ipakilala ang sarili sa pananamit dahil sa hindi makatarungang polisiya ng programa - dapat maikli ang buhok, hindi gumagamit ng kolorete at paghihigpit sa kasuotan kung saan dapat ay kagaya ng sa militar.

“TUMINGIN NANG TUWID!”

Malinaw ang interes ng gobyerno, lalong-lalo na ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) (NTF-ELCAC) sa institusyonalisasyon ng MROTC - magsilbing mata sa mga progresibong estudyante at ihalintulad ang mga ito sa mga terorista. Sa UPLB, hindi pa man naikakasa sa kamara ang panukalang batas ay minamanmanan na ang mga student-activist ng iilang mga pwersa ng estado gayundin ang walang pakundangang paglabasmasok ng mga pwersa ng estado sa kampus.

Sa pag-arangkada ng MROTC ay siya ring paglawak ng militarisasyon sa iba’t-ibang dako ng campus. Hindi magandang signo ang presensya ng militar lalong-lalo na sa mga institusyong naghahasa ng mga estudyanteng magkaroon ng makamasang oryentasyon at kritikal na diwa. Sa bisa ng rin ng ipinapanukala ng mga konseho sa buong UP System, kailangang masigurong maayos at epektibong maipatupad ang Safe Haven Resolution na naglalayong bigyan ng ligtas at dekalidad na kapaligiran ang mga mamamayan.

Ang pagdami at pagdalas ng presensya ng mga pwersa ng estado sa mga eskwelahan ay laging may kaakibat na pagtaas ng kaso ng mga paglabag sa karapatang pantao na dulot ng mga pwersa ng estado gaya na lamang ng paniniktik, panre-redtag, pangha-harass, at pagbabanta sa buhay. Ang pagkasa ng MROTC ay ang paglelehitimo sa pagpasok ng AFP at PNP sa mga institusyo. Binibigyan nito ng pagkakataon na magmanman sa sangkaestudyantehan at manghimasok sa mga buhay nito. Hindi dapat pinapahintulutan ng sambayanan ang ganitong posibleng pangyayari. Ito ay lumalabag sa kasunduan ng UP-DND Accord at UP-DILG Accord na hindi nagpapahintulot sa pagtapak ng mga ito sa campus ng UP System.

Bilang isang estudyanteng saksi sa hirap ng mga kapwa ko mag-aaral at bilang isang guro sa hinaharap na danas ang kababaan ng kalidad ng edukasyon sa bansa, maghihirap ang sambayanan sa patuloy na pagbabalewala ng tambalang Marcos-Duterte sa naghihingalong sistema ng ating edukasyon. Paatras ang magiging direksyon ng bansa pati na rin ang takbo ng kinabukasan ng mga batang dapat mas pinapahalagahan ang pag-aaral.

Sa pagratsada ng MROTC, kailangang umabante ang hanay ng kabataan at sangkaestudyantehan upang tutulan at labanan ang mala-diktaduryang programang tumatago sa huwad na hilatsa ng disiplina at nasyonalismo. Ang kolektibong pagbabasura ng isang programang may mantsa pa ng dugo ng nakaraan ay halimbawa ng pagiging makabayan - hindi nito nilalabag ang pambansang panawagan tungo sa makabayan, siyentipiko at makamasang edukasyon. [P]

This article is from: