4 minute read

ANG PUNA AY MAPAGPALAYA

NI JOHN MICHAEL MONTERON

“Ang galing mo”, “ang ganda ng gawa mo’, “napakahusay”, kay sarap marinig ang mga salitang ito. Gayundin, dapat maging bukas tayo sa mga “constructive criticisms” na siyang mas magpapabuti ng ating mga gawa at mas magpapatalas sa ating isipan. Ngunit, paano kung sa dalawang ito, wala kang matanggap Nitong nagdaang semestre, magkahalong emosyon ang aking naramdaman sa aking mga grado. Kasabay ng kasiyahan ang pagtatanong kung “deserve” ko ba ’to o binasa kaya ‘to ni prof.? Mayroon kasing mga pagkakataon na hindi na nakapagbibigay ng “feedback” ang mga propesor. Dahilan sa kakulangan ng feedback, hindi gaanong umuusad ang pagkatuto at nagiging sanhi rin ng hilaw na kalidad sa kaalaman. Hindi ko matumbok kung ano ang mga dapat pa bang baguhin, at ano-ano ang aking mga kahinaan at kalakasan. Gayunpaman, madali man manisi at mag-demand sa ating mga guro/propesor na magbigay ng feedback at ‘wag grado lang, marapat ding tingnan at pagtuunan ng pansin ang kasalukuyang kalagayan ng ating edukasyon.

Advertisement

Ang Pakikipagsapalaran Sa

Birtwal At Pisikal Na Mundo

Matapos ang humigit-kumulang dalawang taong online classes, ipinatupad ng mga paaralan at unibersidad ang hyflex learning na kung saan magkahalo ang online at face-to-face classes. Bago pa man ito ipatupad sa University of the Philippines Los Baños (UPLB), umusbong na agad ang mga kritisismo at maraming nagpabatid ng kanilang pagkabahala rito. Ngayong natapos ang isang semestre sa ilalim ng blended learning, masasabi kong hindi ito naging madali para sa akin sapagkat dumoble lang ang aking problema. Ang dating isang kape ay hindi na sapat para sa matinding puyatan. Kinakailangan ko pang pagsabayin ang online at face-to-face classes. Pagkatapos sa online class ay diretsong maghahanda para pumasok sa classroom.

Talagang nakakapanibago at nakakabaliw na magpalipat-lipat sa dalawang mundo.

Kaya naman hindi ko maipagkakaila na maraming pagkakataon na late ang aking ipinasang mga exercises na nagiging sanhi rin ng pagkaantala ng pagbibigay ng feedback at marka ng aking mga propesor. Pasalamat na lamang ako dahil nagbibigay sila ng sapat at karagdagang panahon upang ito ay aking matapos. Kung tayong mga estudyante ay nahihirapan, tiyak na pati ang ating mga propesor ay marami ring bitbit na problema. Kaya’t marapat na tingnan din natin ang problema sa kanilang lente.

Matapos kong makausap isang propesor mula sa DevCom nakita ko ang bigat ng kanilang dinadala. Kagaya ng mga estudyante, doble rin ang kanilang trabaho. Ayon sa All Academic Employees Union sa isang Press Release ng Rise for Education UPLB nitong nakalipas na taon, nagkakaroon ng dual personality ang teachers at maging sila ay nangangapa rin sa bagong set-up. Dagdag pa rito, sinabi naman ni Sir Guien na may tatlo pa silang gampanin sa akademya na kung tawagin ay “trilogy of functions”. Binubuo ito ng: instruction, research, at extension; at syempre mayroon pang mga administrative work. Bukod sa nasabing problema, nariyan din ang pahirap na Student Academic Information System (SAIS). Dahil madalas magkaubusan ng slots, hindi pa nagsisimula ang semestre ay stressed na agad ako sa pagmamakaawa sa units para lamang hindi maging underload. Kaya’t napipilitan akong mag-apply para sa prerogatives. Habang tayo ay nagkukumahog para sa full units, ‘di naman mapakali ang mga propesor natin sa bulto na mga emails na kanilang natatanggap mula sa mga estudyante. Karugtong nito, sa oras na tumanggap sila ng estudyante ay madadagdagan din ang bilang ng mamarkahan at bibigyan ng “feedback”. Nariyan din ang pasakit ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin na nagpapalala sa krisis ng edukasyon.

Implikasyon Ng Inflation

Bunsod pa rin ng patuloy na pagtaas ng bilihin, hindi na lang ang pag-aaral ang kailangan atupagin ng mga estudyante at propesor. Kinakailangan talagang maging masinop sa paggastos dahil halos wala nang pagkain na bababa sa Php 50.00. Dagdag pa rito ang renta sa dorm at syempre, hindi na mawawala ang mga fieldwork, kung kaya’t kailangan ko rin maglaan ng pera.

Paano na lamang ang mga kapwa ko estudyante na nakatira sa mga lugar na halos walang internet connection, at nagpa-paload pa para sa data. Kapansin-pansin din ang kakulangan sa espasyo sa pag-aaral, nakatutulong man ang ilang learning hubs ngunit madalas ay mahina ang signal dito.

Samantala, ang mga guro naman ay halos parehas din ng sitwasyon. Hindi rin naman kalakihan ang sweldo ng mga guro o propesor lalo na iyong mga nasa mababang ranggo pa lamang. Subalit, isa sa pinapagtaka ng aking propesor na si Sir Guien ay ang pagkakaroon ng tax sa kanilang bonus — maliit na nga ang kinikita, may kaltas pa. Nawala rin ang internet allowance kung kailan mas kailangan.

Pagdating ng petsa de peligro, pare-parehas tayong nagtitiis sa gutom, dahil may mga pagkakataon talaga na dahil sunod-sunod din ang aking face-to-face classes ay hindi na ako nakakakain ng tanghalian. Mabuti na lamang dahil may mga kainan na kahit papaano ay budget-friendly pa rin — ang masama lang, magkaka-cholesterol na yata ako kakakain ng mga silog sa We Deliver. Dito pa lamang ay makikita na natin ang patong-patong na problema kaya’t hindi rin natin maaaring sisihin at i-antagonize ang isa’t isa — parehas tayong apektado ng bulok na sistema ng ating edukasyon. Mahalagang makita rin natin ito bilang intersectional na problemang hindi lang nakakulong sa loob ng UPLB. Isa itong malawakang problema ng edukasyon sa Pilipinas na produkto ng neoliberal na prayoridad ng ating sistema. Ang kawalan ng espasyo para sa pagpuna ay isang anyo ng pagpapatahimik sa kritikal na pag-iisip sa ilalim ng neoliberal na sistema. Ang puna, sa akademya man o politika ay isang mahalagang aspeto ng pagbaka tungo sa pagpapalaya ng kaisipan at ng sambayanan. Kaya naman, tayo, estudyante man o guro ay patuloy na manawagan para sa dagdag pondo at sapat na benepisyong pang-edukasyon sapagkat ang isang intersectional na suliranin ay kinakailangan ng multi-sectoral at kolektibong pagkilos. Sa gitna ng lumalalang sistema ng edukasyon, ang hindi dapat mawala ay ang kritisismo at pagbibigay ng puna sa pamamalakad at pagtrato ng gobyerno. [P]

This article is from: