4 minute read

EDCA: MAPANLINLANG NA ALYANSA, BALATKAYO NG IMPERYALISTA

Next Article
PAATRAS, ‘KAD!

PAATRAS, ‘KAD!

NI KHAYIL SORIMA

Makalipas lamang ang mahigit kumulang apat na buwan mula ang pagbisita ng bise presidente ng Estados Unidos na si Kamala Harris, ang tinutulak na pagpapalawak ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ay binigyang pahintulot ng rehimen ni Pres. Ferdinand Marcos Jr. Iniulat ng Philippine Department of National Defense na nakipagkasundo ang administrasyon kay U.S Defense Secretary Lloyd Austin na bumisita noong Pebrero, na bigyan ng apat na karagdagang base militar ang Estados Unidos.

Advertisement

Ilang dekada na ang lumipas, ngunit iisa pa rin ang kadahilanan na binibigay ng U.S. - ang kasinungalingan na ang presensya ng kanilang imperyalistang militar ay para sa kapayapaan at kaligtasan ng lahat. Ang totoo naman, nais lamang nila ipreserba ang kanilang pandaigdigang dominansya sa pamamagitan ng pagbabantay sa mga “vantage points” sa Tsina na kompetisyon nila.

Upang panindigan ang panlilinlanlang sa sambayanan, sinabi ng Ambasador ng Pilipinas sa Estados Unidos na si Jose Manuel Romualdez, na mahigit 90 porsyento ng mga Pilipino ay sang-ayon sa EDCA. Sa kabila nito, wala namang ibinigay na impormasyon si Ambasador Romualdez kung saan niya kinuha ang kanyang datos. Ang lehitimong datos ay nararapat na may mapagkakatiwalaan na sanggunian at tamang statistika. Kung wala ang mga ito, opinyon at pagmamanipula sa impormasyon lamang ang ginagawa ni Ambasador Romualdez, upang pilit na kumbinsihin ang masa na ito ang hiling ng nakakarami. Pinapakita nito kung paano nila tinatakpan ang kawalan ng demokratikong konsultasyon at pagtanaw sa mga pangangailangan ng mga mamamayan.

May kaunti mang katotohanan o wala sa mga sinasabi ni Romualdez, hindi nararapat na pahintulutan ang EDCA. Isipin mo na lamang, kung mayroong lumapit sa’yo upang maghain ng pakikipagkaibigan kapalit ang malaking bahagi ng iyong pera at mga ari-arian, papayag ka ba? Marahil ay iisipin mo na ito ay isang napakalaking “scam”. Ang ganitong pangyayari ay hindi kanais-nais, ngunit nakakalungkot man isipin, ganito ang dinamiko ng relasyong militar at pang-ekonomiya ng Pilipinas at U.S. simula nung una pa lamang. Hindi dapat kalimutan kung paano ilang dekadang nilapastangan ng U.S. ang soberanya at ekonomiya ng ating bansa sa pamamagitan ng 1947 Military Bases Agreement (MBA) at 1946 Bell Trade Act. Umabot pa sa punto kung saan noong 1970s, 42 porsyento sa pinakamalalaking korporasyon ay pagmamay-ari ng mga dayuhan. Isang kalagayang pang-ekonomiya kung saan mapapatanong ka na lamang kung sino ba talaga ang nagmamay-ari sa inang bayan. Sa kasalukuyan, walang pinagkaiba ang EDCA sa mga nabanggit na kasunduan. Ayon sa inilatag na mga punto ni Kamala Harris noong siya ay bumisita, bukod sa pagpapalakas ng kapasidad ng Armed Forces of the Philippines (AFP), bahagi ng EDCA ang mga pang-ekonomiyang interes, kasama na ang pagmimina, pagpapaluwag ng mga polisiya sa investment ng Amerika, at modernisasyon ng mga daungan. Kung ang nais talaga nila sa pagtatag ng mga base militar ay magbigay ng proteksyon para sa mga tinawag nilang “kaalyado”, bakit may katambal pang pananamantala sa ekonomiya ng bansa na mas maliit pa sa kanila? Hindi maitatanggi na ito ay isang anyo ng neo-kolonyalismo kung saan pilit nilang tinatago sa likod ng maskara ng mga alyansa o kooperasyon ang kanilang panghihimasok at eksploytasyon.

“Malapit na yan”, ang sabi ni Marcos Jr. na tila ba minamadali ang pagpapatupad ng mga EDCA site. Ito ay sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at krudo. Sa dami ng mga isyung panlipunan ang kailangan mabigyan ng solusyon, mas pinili pa ng rehimen na unahin ang kasunduan na ito.

Kailan pa ba naging para sa masa ang pagbibigay ng prayoridad sa militar? Hindi ba ang “special treatment” at pangunginsinte sa karahasan ng militar ang syang kumitil sa buhay ng mga inosente, kabilang na ang mga katutubo, pesante at mangingisda? Tulad na lamang noong ‘Bloody Sunday Massacre’ kung saan siyam na mga progresibo mula sa iba’t ibang sektor ang pinatay, habang anim ang illegal na inearesto. Hindi ba sila rin ang salarin sa pagkamatay ng mga aktibistang nagsisilibi sa mga mamamayan tulad na lamang ni Chad Booc? Hindi ba sila rin ang walang habas na napaslang sa mga akademikong naghahanap ng katotohanan tulad ni Leonard Co?

Kung ang sarili na ngang militar ng Pilipinas ang siya ring nang-aapi sa mga Pilipino, paano pa kaya kung ito ay tatambalan ng impluwensyang militar ng imperyalistang dayuhan? Hindi maitatanggi na ang pinagsisilbihan lamang ng mga militaristikong polisiya ng rehimen ay ang mga dayuhan lamang at silang mga nasa kapangyarihan.

Noong eleksyon, iginiit ng kampo ni Marcos Jr. na ang kasalanan ng ama ay hindi kasalanan ng anak. Ngunit ano ang saysay ng katagang ito kung ang kasalanan ng ama ay inuulit ng anak?

Sa muling pagpapalakas ng kapangyarihan ng

U.S. sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapalawak ng EDCA, pinatunayan lamang ni Marcos Jr. na siya ay walang pinagkaiba sa kaniyang ama - isang tuta ng mga imperyalista.

Walang masama na magkaroon ng mga kaalyado. Hindi rin masama na maghanap ng seguridad. Ngunit hindi dapat makamit ang mga ito sa pamamagitan ng pagpapakawala sa prayoridad ng isang estado, na walang iba kundi ang mga mamamayan. Kung ang mga Pilipino, lalo na ang mga nasa laylayan ang dehado, hindi maituturing na tunay na alyansa ang isang kasunduan tulad ng EDCA.

Mali ang pag-unawa na hindi kailangan ng armadong hukbong-sandatahan ng isang estado, dahil isang mahalagang elemento ito sa pagbaka sa mga banta sa soberenya at kalayaan ng bansa. Ngunit sa kasalukuyang estado ng militar, nakikita na ang prayoridad nito ay pangalagaan ang mga nasa taas. Kaya kasama sa ideolohiya ng reporma o rebolusyonaryong pagbabago ng lipunan ang pagkakaroon ng hukbong-sandatahan na tunay na kumikilos para protektahan ang taumbayan, hindi para gipitin ang sino mang kritikal sa makapangyarihan.

Ang paghahanda ng militar sa pinapalalang “worst case scenario” ng mga imperyalistang bansa ay walang silbi kung hindi bibigyang pansin ang mga lehitimong panawagan ng mga Pilipino. Ano ang saysay ng paglaban sa isang digmaan na bago pa magsimula ay namamatay na sa gutom at kahirapan ang mga mamamayan? Tila paulit-ulit, pero dapat ipaalala, ang seguridad at kapayapaan ay hindi para sa iilan, ito ay tunay na nakakamit kapag ito ay nararanasan ng buong sambayanan. [P]

This article is from: