4 minute read

FEBFAIR: SA HIMIG AT INDAK NG PAKIKIBAKA

Pebrero, buwan ng mga puso.

Buwan na inaabangan ng mga nagmamahal at patuloy na umaasa – buwan ng pag-ibig, ika nga. Sa panahon ding ito taunang ipinagdiriwang ng Unibersidad ng Pilipinas Los Baños (UPLB) ang taunang protest fair sa anyo ng February Fair o mas kilala sa tawag na UPLB Feb Fair. Kagaya ng buwan ng Pebrero, hubog din sa pagmamahal at diwang makabayan ang ugat nito – sa pakikibaka at sa militanteng pagkilos.

Advertisement

Nakalinya sa kultura at kasaysayan ng unibersidad ang progresibo at militanteng pagkilos na maiuugnay sa mga estudyanteng hinuhubog ng pa mantasan. Sa ilalim ng diktaduryang Marcos na patuloy binubusalan ang mga progresibong samahan, ano ang nananatili at mananatiling diwa ng kolektibong pagkilos at bigkisan ng mamamayang patuloy na umaasa para sa sistemang hindi kumikiling sa iilan? Bagkus ay sa isang sistemang nagmamahal at mapagmahal. Sa kabila ng nakasisilaw na mga pailaw at kabi-kabilang mga pagtatanghal, batid kaya ng sangkaestudyantehan ang tunay na esensya ng Feb Fair?

SA LIKOD NG MGA PAILAW AT PAGTATANGHAL

Umusbong ang protest fair mula sa kasaysayan ng panggigipit ng estado dahil sa mga namumuong insurhensiya at mga pag-aalsa sa panahon ng Batas Militar. Nakaugat sa nasabing fair ang masikhay at kolektibong pagkilos mula sa pwersa ng sangkaestudyantehan noong Setyembre 1972.

Mula sa pinakaunang UPLB September Fair nang magprotesta ang nasabing mga estudyante at kabataan sa tapat ng DL Umali Freedom Park laban sa diktaduryang Marcos, naging hudyat ito upang maging tradisyon na ng unibersidad ang dating September Fair na kalaunan ay naging February Fair. Ito ay dahil sa muling pagbubukas ng opisina ng University Student Council (USC) noong 1978, at upang mabigyan ng mas mahabang preparasyon ang mga ganap sa matagumpay na protestang inilunsad. Simula noon ay taunan nang idinaraos ang fair dala ang mga panawagan ng masa at linya ng aktibismong naging hudyat ng muling pagkatatag ng konseho ng mga mag-aaral (USC). Dagdag pa rito ang UPLB Perspective bilang publikasyon na naitatag noong 1973, pati na rin ang ilang mga organisasyon sa loob ng unibersidad. Saklay ng mga panawagang ibinababa sa fair ang mga multi-sektoral na kampanya para sa karapatang pantao ng mga Pilipino, higit lalo ang mga manggagawa, magsasaka, pesante, at mga kababaihan ng Timog Katagalugan. Sa kabila ng mga restriksyon nitong pandemya sanhi ng COVID-19 at pagsasara ng mga unibersidad, hindi natinag ang pagkilos ng mga estudyante ng Elbi upang ipagpatuloy ang anwal na tradisyon ng Feb Fair sa online na aspeto nito.

Higit Pa Sa Saya Ay Ang Pagpapaingay Ng Mga Panawagan

Ayon kay Kenzo Publico, University Freshman Council (UFC) Chairperson at tubong Los Baños, hinding hindi mawawala ang mga pagtatanghal na inaabangan ng mga tao. Bukod pa rito ay ang mga shawarma booths sa bawat gilid at mga musikerong naglalaban sa Battle of the Bands na palagi niyang inaabangan taon-taon.

“Inaabangan ko talaga ang mga booth ng iba’t-ibang org at syempre, ang mga concert,” saad naman ni Christine Andal, Batch 2021 mula College of Agro-Industrial Engineering (CEAT).

Bilang bago lang ang konsepto ng fair sa kanya, hindi maikakaila na ang kabi-kabilang pagtatanghal ng mga iba’t ibang mga banda, musikero, at grupo ang pumupukaw ng pananabik ng mga estudyante at kabataan katulad ni Christine.

Kada taon ay nakabase ang tema ng fair sa mga kasalukuyang isyung panlipunan na kinahaharap ng bansa. Sa pagbabalik ng on-ground February Fair na may temang

“BIGKISAN: Pagkakaisa para sa Tunay na Kalayaan, Kapayapaan, at Katarungan”, mas paiigtingin ang mga kampanya ukol sa tahasang pamamaluktot sa kasaysayan. Bukod pa rito, bibigyang diin din ng nasabing tema ang kahalagahan ng “human chain”, literal man o metapora, sa mga mobilisasyon. Kaisa ang kahalagahan ng bigkisan, tagalog na salita ng “unity” na siyang gamit na propaganda ng kasalukuyang administrasyong Marcos-Duterte.

Sa ilalim ng madilim na kasaysayan mula sa pangingikil ng administrasyong Marcos Sr. at sa muling pag-upo ng isa na namang Marcos, giit ng mga organisador ng programa ay nananatili at mananatiling isang protesta ang Feb Fair.

“Hindi lang siya iikot sa mga performances, sa saya, at pagiging festive ng fair dahil palagi natin siyang iuugnay sa mga multisektoral na kampanya at mga panawagan,” tugon ni Nimuel Yangco mula sa UPLB-USC at kasalukuyang Program Head ng pagdiriwang.

Ngayong humaharap ang unibersidad at mga akademikong institusyon sa malawakang budget cut, tahasang red-tagging, at kakulangan sa mga espasyo para sa face-to-face classes, pagratsada sa Mandatory ROTC at militarisasyon sa loob ng mga campus, higit na mas paiingayin ang tema ng Feb Fair ngayong taon.

Bilang namulat na sa tunay na esensya ng feb fair, pahayag ni Kenzo ay: “Talagang masaya ang pagdiriwang ng Feb Fair at [taunang] inaabangan. Hindi lang ang Timog Katagalugan pati na rin ang mga dumadayo dito. Pero ‘wag natin kalimutan ang bigat ng mga panawagan na [dapat] isasapuso sa bawat pagpunta.”

Bigkisan Sa Ilalim Ng Muling Bangungot Na Diktadurya

Bawat araw mula Pebrero 14-18 ay may mga nakalatag na pagtatanghal at mga programang pinangungunahan ng iba’t ibang organisasyon sa loob ng UPLB na iikot sa tema ng bigkisan.

Mula sa sektor ng mga mag-aaral at kabataan para sa panawagan ng isang inklusibong edukasyon, patungo sa sektor ng mga kababaihan at LGBTQIA+ para sa patas na karapatan, kaugnay ang sektor ng mga manggagawa, magsasaka, at mga pesante para sa pagbuwag sa sistemang mapagsamantala – hanggang sa bigkisan ng masa laban sa tiranya’t inhustisya para sa pagkamit ng kapayaang nakabatay sa katarungan, at higit lalo ang pagtindig ng masang Pilipino laban sa tambalang Marcos-Duterte.

Sa bigkisan ng mga sektor na ito nababalot ang limang araw na pagdiriwang para sa ngayong taong selebrasyon ng Feb Fair.

Ayon kay Jainno Bongon, dating USC Chairperson, malaking bahagi ng programa ay para maging plataporma at espasyo ng iba’t ibang sektor sa Timog Katagalugan upang magpahayag ng mga kasalukuyang kalagayan ng kanilang mga sektor.

“’Yung Feb Fair naman ay avenue siya para tipunin natin ‘yung pinakamaraming tao, hindi lang sa UPLB ngunit mula rin sa Timog Katagalugan upang igiit ang ating mga karapatan,” dagdag pa niya.

Bilang karamihan sa mga estudyante ng UPLB ang bago sa taunang tradisyong ito, inaasahan na hindi lamang isang concert ang tingin nila dito, bagkus ay isang pagtitipon upang magsilbing plataporma sa mga panawagan ng mga mamamayan. Isang malaking pagtitipon upang ipagpatuloy ang diwang makabayan, militanteng pagkilos, at bigkisang mapagpalaya.

“Nawa ay maging avenue ito para makapagpakilos pa ng mas maraming tao laban sa pahirap at pasista ng administrasyong Marcos. Sana ay makasama rin sa mga kampanya labas pa sa Feb Fair dahil mahalaga na hindi natatapos ang ating pakikiisa at pagkilos. Malaki ang ating gampanin lalo pa ngayon,” mensahe ni Bongon para sa mga kabataan at mga estudyante ng UPLB. Sa likod ng entablado, sa harap ng mga pailaw – ang diwa ng UPLB February Fair ay nakaugat sa makasaysayang pagtindig ng sangkaestudyantehan noong panahon ng diktaduryang Marcos. Bukod sa himig ng musika’t pagtatanghal, higit na dapat palakasin ang ingay ng himig ng protesta at mga panawagan. Ang ganitong taunang pagdiriwang sa unibersidad ang siyang dapat magsilbing bigkisan upang makamit ang tunay na kalayaan, katarungan, at kapayapaan. [P]

Mula kaliwa hanggang kanan: Mervyn Mercado ng Mommy Lode Restobar, Susan Cadapan ng R.M. Cadapan’s Canteen, at Victoria Morales ng H2 Cafe

SILHOUETTES

This article is from: