1 minute read

Burauen!

Naturally Cool

Gusto mo ba ng adventure? Nasubukan mo na ba ang feeling na parang nakatayo sa tuktok ng mundo habang pinagmamasdan ang makapigil-hiningang tanawin? Kun waray pa, pakadi na gud ha Burauen.

Advertisement

Ating tuklasin ang mga natatagong hiyas ng isang bayang kilala bilang Spring

Matatagpuan dito ang tatlong kaakit-akit na lawa – ang Matigbao, na kailangang akyatin ang matarik at malubak na kagubatan bago ito marating; Malagsum, may berde at maasim na tubig na isang santuwaryo ng libo-libong mga ligaw na pato, at ang Mahagnao, ang pinakamalawak na lawa ng Burauen na mainam para sa pamamangka, pagkakayak, stand-up paddling, at paglangoy. Makikita dito ang Mahagnao Volcano bilang sentro ng lugar, ito ang pupukaw ng atensiyon kung papasyalan ang Mahagnao Volcano Natural Park.

LAKE MATIGBAO

Ito ay may sariling alindog. Mapagtatanto mo ito kapag marating at maigala mo ang iyong mga mata sa palibot. Para itong bakas ng paa ng isang higante kung matatanaw mula sa himpapawid. Ito ang pinakamataas na lawa ng Burauen. Ang lawa ay tinawag na “Matigbao” dahil matatagpuan ito sa “igbao” o taas ng Mahagnao. Tahanan ito ng mga tutubi at mga kuliglig, at tunay ngang, itoʼy may mala-paraisong kagandahan.

LAKE MALAGSUM

Isang lawa na may berdeng maasim na tubig at tahanan ng napakaraming ligaw na pato na ang tawag sa kanila ay Philippine Duck (Anas Luzunica). May tinatayang 110 uri ng hayop ng ibon sa loob ng MVNP. Ang mga Philippine Ducks ay lokal na protektado, sa nagbabalak manghuli nito ay may karampatang parusa at multang 1 milyon sa mga mangangahas na manakit o manghuli nito.

Ito ang pinakamalawak na lawa ng Burauen, mas malawak kumpara sa Lake Malagsum at Lake Matigbao. Ang berdeng tubig nito ay nakabibighani sa mga mata. Makikita rin dito ang ilang mga ligaw na pato na mula sa kabilang lawa. Ito ay isa rin sa mga binabalik-balikan ng mga turista sa Mahagnao Park.

CALOR HOTSPRING

Napakasarap sa pandinig ang malamyos na agos ng tubig. Nakapapaso sa balat ang mainit nitong tubig. Kapansin-pansin din dito ang nababahirang kayumangging mga bato dulot ng mga deposito ng asupre. Nagmula ang pangalang Calor sa salitang “color” na nangangahulugang kulay sa tagalog, itoʼy dahil sa mala-kalawang nitong kulay ng tubig. Nagkataon lang na ang “Calor” ay terminong Espanyol ng “mainit”. Ang bukal na ito ay matatagpuan din sa Mahagnao.

GUIN-ANIBAN FALLS

Nakalululang pagmasdan ang matarik, mabato, at nakakaakit na Guin-aniban Falls. Itoʼy nakagagaan ng loob lalo na ang banayad at malamig na dulot ng simoy ng hangin. Napakasarap naman sa pandinig ang agos ng tubig at mga huni ng ibong nag-aawitan. Bukod pa riyan, maraming matatayog na mga puno at makikita rito ang naggagandahang mga bulaklak.

Kay anu pa man, arat na ha Burauen nga Naturally Cool!

This article is from: