5 minute read
Sa Dulo ng Walang Hanggan
from ANG MAGITING
Tutunog na ang kampana. Unti-unting magbubukas ang pinto. Hahawi ang puting kurtinang pumapares sa magarbong kasuotan ng bawat isa. Punong-puno ng palamuti’t bulaklak. Masaya ang lahat—may ilang naluluha sa galak at pumapalakpak. Maglalakad sa pasilyo tungo sa altar ng simbahan dala-dala ang pag-asa’t panalangin. Magpapalitan ng mga pangakong magsasama sa hirap at ginhawa. Magmamahalan—hanggang sa dulo ng walang hanggan.
Ganito. Ganito ang pinapangarap kong kasal. Bata pa lamang ako, naiisip ko na ‘to. ‘Yung tipong handa kang harapin lahat ng pagsubok na maaring ibigay ng Maykapal. Eh sino nga bang tatanggi sa kasal? Kung sa araw na iyon, ikaw ang pinakamaganda at masayang babae sa mundo.
Advertisement
Pero habang hinahakbangan ko ang bawat yugto ng buhay— hindi lang pala nagtatapos sa masayang pagsasama ang pag-iisang dibdib. Bagkus ay simula pa lang ito ng buhay may asawa at pagbuo ng sariling pamilya. Dito pa lang nag-uumpisa ang mga maliliit at malalaking pagsubok na posibleng bumuwag o magpatatag ng isang relasyon. Ganito ako namulat at pinalaki ni nanay at tatay. Sa relasyong bigat ng suntok ang sagot sa hindi pagkakaunawan, sisihan kung sino ang nagkukulang sa pinansyal na kakanyahan, at takot imbes na pagmamahalan. Pinalaki nila ako sa takot.
Isang gabi, habang nasa kalagitnaan na ng mahimbing kong pagtulog, nagising na lamang ako sa ingay at kalabog sa bahay. May nagsisigawan at pawang nag-aaway. Si nanay at tatay iyon. Umuwi na naman ang itay nang lasing at inubos ang perang dapat sana’y pambili naming ng pagkain kinabukasan. Winaldas sa alak at sugal. Maya-maya pa, matindi na ang pagkalabog. Humihikbi na si nanay. Hindi ko alam ang gagawin. Natatakot at kinakabahan.
Kinabukasan, normal pa rin naman. Paliliguan pa rin ako ni nanay, bibihisan at ihahatid sa eskwelahan. Pero alam kong pagod na siya. Magaspang na ang kaniyang mga kamay sa pagtanggap ng labada may maipambaon ko lang. Alam kong sawa na siyang tanggapin ang bawat suntok na natatamo niya tuwing nalalasing si tatay. Pagod na siyang mamuhay nang normal—kung ganito rin lamang naman. Sawa na siya sa perang winawaldas ni tatay para sa mga babae niya. Pero kasi, pinag-isa sila ng simbahan—nakakabit dito ang mga responsibilidad na hindi matatakasan sa isang bansang pinagkakaitan ng diborsyo.
Sa buong mundo, tanging dalawang bansa na lamang ang hindi pinapaboran ang diborsyo—ang Vatican City at ang Pilipinas. Kung titingnan, ang nangungunang relihiyon sa Vatican ay pawang katoliko lamang. Ngunit sa Pilipinas, binubuo ito ng maraming mga relihiyon, partikular na ang katoliko at islam. Sa bilang na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA), sa loob ng Enero at Pebrero taong 2022, umabot agad sa bilang na 21,495 ang mga nagpakasal na Pilipino, kumpara sa Vatican na may maliit na populasyon, 100 bilang lamang ang ikinakasal sa loob ng dalawang buwan.
Marami nang inihaing batas na magpapawalang bisa ng kasal sa pamamagitan ng diborsyo. Lahat ito, ay madiing kinokondena at tumatakbo lang sa ilang mga pagbasa sa senado. Ngunit patuloy na inilalaban na maisabatas ito ng kongreso. Taong 2022, inihain ni Albay 1st District Representative Edcel Lagman at ni Negros
Occidental 4th District Representative Juliet Marie De Leon Ferrer ang House Bill No. 78 o Absolute Divorce Bill sa ilalim ng ika-19 na kongreso. Nakapaloob sa panukalang batas na ito ang paghahain ng diborsyo bilang alternatibong pagsasawalang bisa ng kasal maliban sa annulment.
Sa napakaraming nabigong kasal sa Pilipinas—ang ilan ay pinipilit lamang magtiis upang makakuha ng sustento, may mga sumusubok sa panibagong relasyon kahit na illegal ito sa ilalim ng batas, at ang ilan ay pilit kumakawala sa pang-aabuso.
Pag-ibig, tiwala, at respeto. Ito ang ilan sa mga pundasyon ng isang relasyon. Ngunit sa loob ng mahabang panahong kinalimutan ito ng isang mag-asawa, maibabalik kaya ng sertipiko ng kasal at ng simbahan ang sinasabi nilang pagmamahal? Kailan kaya ako makakawala sa pangamba at takot na dala ng inay at itay?
Bukas, sa isang linggo, o kaya sa isang taon, papangarapin ko muli ang pagtunog ng kampana ng simbahan. Ang muling pagbukas ng pinto at paghawi ng kurtinang senyales ng pagsisimula. Ang isang magarbong selebrasyong pagpaparamdam sa akin na ako ang pinakamagandang babae sa araw na iyon. Ang ngiti ng bawat isa at mga luhang pumapatak mula sa kanilang mga mata. Ang paglakad sa pasilyo ng simbahan—nang walang takot. Ngunit sa dulo ng walang hanggan, maaring hindi na ito pagmamahal. Maaring ang nasa dulo ng walang hanggan ay dalawang daang simula ng pag-asa at panibagong buhay.
Diksyonaryo ng Marites
Ni Lanie P. Camacho, 10-Aguinaldo
“Alam mo ba si ano , ganto kase iyan?” ‘’Tignan mo siya oh!” Ito ang ilan sa naririnig, nababasa , o nakikita madalas sa social media o kung saan-saan pa. Mga salitang lumalabas mula sa bibig ng mga taong mahilig mamuna ng mga kapwa nila. Hindi iniisip ang magiging resulta o kalalabasan matapos bitawan ang mga salitang hindi man lang pinag-iisipan. Madalas na ginagawang katatawanan o binibigyan ng hindi magandang komento ang isang tao. Hindi lang ito isa , dalawa o tatlo kundi marami na ang nagiging bagong boses ng lipunan ang mga marites. Ang salitang “marites”ay pinasikat sa social media noong nasa gitna ng pandemya. Ang mga kabataan ngayon ang kadalasang gumagamit nito. At dahil patuloy na naapektuhan ng modernisasyon ang panahon ngayon, unti-uti narin nagbabago ang pananalita at pagkilos ng bawat indibidwal. Pag-asa ng bayan, sila pa nga ba? Bakit tila iba na ang lumalabas sa mga matatalas nilang dila?
Marami ang pwedeng i-marites tulad ng buhay ng tao , hayop, bagay, o kung ano-ano pa. Kadalasang makikita sila sa mga social media sites tulad nga Facebook, Twitter o Instagram. Ikaw naranasan mo na bang i-marites? O ikaw ang nagma-marites? Anong uri ng Marites ka nga ba?
MARIPOSA
Mare, post mo na!
Sila naman ‘yung uri ng marites na palaging nagpo-post. Mahilig magpatama ng mga salita tungkol sa kanilang kaaway. Kahit hindi sila parte ng away basta’t kilala nila ang kasali sa away ay kasali na rin sila para lang masabi na nagaalala sila.
“Blind item: hindi nagbabayad ng utang pero may pang-gala”
“Hoi!Tigil tigilan mo ako!hindi mo kilala ang kinalaban mo”
MARIFE
Mare feram pera
Ito ‘yung marites na bibigyan ka ng tsismis tapos kapag napasarap na ang usapan ay isisingit na ang pangungutang. Bago pa ito makipagusap ay planado na kung paano ito mangungutang at handa na rin ang idadahilan kung bakit siya mangungutang.
“Mare baka naman may pera ka diyan pautangin mo naman ako”
“Mare may kailangan kasi bayaran ‘yung inaanak mo baka pwedeng umutang”
MARIDEL
Mare, delikado tayo dyan!
Ito ‘yung marites na kahit papaano alam kung ano ang dapat at hindi. Nakaabang sila lagi sa tsismis pero kapag alam nilang nasa maling panig sila ay uurong muna sila upang makaiwas sa posibleng pagkadehado.
“Naku!Baka ipabarangay pa tayo niyan”
“Mare wag mo na patulan, may point naman siya”
MARISSA
Mare, may isa pa.
Ito ‘yung mga taong hindi nauubusan ng chismis. Maging pati ang mga tsismis sa kabilang barangay ay alam nito. Ito ‘yung mga tsismosa na nakakasagap ng tsismis kung kani-kanino at ipapasa rin sa iba.
“Hindi pa diyan nagtatapos ang chismis”
“Mare, marami rami ‘tong paguusapan natin”
MARIGOLD
Mareng manlilibre para lang sa tsismis
Ito ‘yung taong mayaman na lahat gagawin para lang sa tsismis, pati na ang panlilibre. Hindi natatapos ang kanilang araw hangga’t walang chismis na nasasagap kaya manlilibre sila ng mga may alam sa tsismis na gusto nilang malaman.
TOLITS Lalaking tsismoso
Ito ‘yung mga lalaking mahilig din sumagap ng chismis at manchismis. Minsan ay daig pa nila ang mga babae sa mga nakukuha nilang chismis. Hanggang sa inuman ay may chismis silang dala.
“Pare, grabe naman ‘yung tsismis ngayob tungkol sa kapitbahay”
“Kumpare, balita ko ‘yung buntis na ‘yung inaanak ko ah”
Pinakikita lamang niyo ang pagbabago ng wika. Ang wika ay buhay at daynamiko kaya sumusunod ito sa pagbabago ng mundo. Anuman ang pangalan natin hindi ito nakabatayan sa pagkakaunawa ng iba, bagkus kung paano natin kilala ang ating mga sarili. Mabuhay ng wikang Filipino.
Hanggan