7 minute read
MAKATAONG KAWILIHAN
Lumang larawan ng Old Prisons of Iloilo | Larawan mula sa newmoretransportservices
FILIPINO | MAKATAONG KAWILIHAN
Advertisement
Mula sa Larawang Kupas
Isinulat ni Mdpn. Loween John H. Seloterio Mga Larawan ni Mdpn. Jayland E. Singuillo
Manilawnilaw at hindi gaanong maaninag ang itsura, pero klaro ang kwentong gustong ipakita. Kung makapagsasalita lang ang mga lumang larawan, marami itong maibabahaging mga nakamamanghang kwento; mga kwentong ebidensya ng makulay na tagpo ng kasaysayan. Mula sa mga estruktura nitong parte ng isandaang taong nakalipas na pahanon, namumutawi parin ang kinang at ang naging kahalagahan nito sa nakalipas. Ito ang Old Prison ng Iloilo, isang kayamanan mula sa nakaraan.
Tunay na nakabibigyani ang mga lumang larawan ng Old Prison ng Iloilo. Ang dating nagsilbing kulungan sa panahon ng mga Amerikano ay isa na ngayong museo – ang Western Visayas Regional Museum. Ang bago nitong ayos ay pinaglaanan ang National Museum ng pondong 80 milyong piso, at 18 milyong piso mula sa probinsyal na pamahalaan ng Iloilo na natapos noong 2016. Ang pinaglipasang kulungan ay nagsilbing tahanan sa kasalukuyan ng mga lumang kagamitan. Nakalagak sa naturang museo ang ilan sa mga mahahalagang bagay sa kasaysayan tulad ng “Oton Death Mask” na isang pre-Hispanic gold mask na natagpuan sa barangay ng San Antonio, Oton sa probinsya ng Iloilo. Bukod pa rito, maatatagpuan rin ang posil ng “Elephas,” isang uri ng elepante mula sa pamilya ng Elephantidae na pinaniniwalaang mula pa sa Middle Pleistocene age o inaasahang umaabot sa 750,000 taon ang tanda. Ito ay nadiskubre ni Dr. L. Jocano noong 1965 sa Sityo Bitoguan, Brgy. Jelicuon, Cabatuan, Iloilo. Dagdag pa rito, ang nasabing museo ay isa sa mga limang regional extension ng National Museum kabilang ang Ilocos, Bohol, Butuan at Zamboanga. Mapalad ang probinsya ng Iloilo dahil isa ito sa mga napili na siya ring nagbigay-laan para maging bagong atraksyon ng probinsya. Pero sa likod ng bagong bihis ng museo mula sa ayos nitong kulungan ay nakatago ang hiwaga ng mga kwento ng nakaraan, na tanging iilan lamang ang nakasaksi at nakaaalam. Naghihintay lang na maibahagi at madiskubre ng iba ang mga kwentong humubog sa kinang ng kasaysayan.
Ang Old Prison ng Iloilo ay unang naipatayo noong 1911 dahil sa pangangailan ng probinsya ng maayos na kulungan. Ang una nitong gobernador na si Martin Delgado ay nagpakita ng interes sa mga Amerikano na bigyan ang probinsya ng maayos na kulungan dahil sa ang luma nitong pasilidad, ang Jaro Municipal Jail ay puno at hindi na maayos para sa mga preso. Natapos ang konstruksyon ng kulungan na may sukat na 3,807.13 metrong parisukat sa ilalim ng pamumuno ni Gobernador Ruperto Montinola. Kaya nitong maglakag ng humigit kumulang 150 mga preso. Bago maging museo ay nagsilbi rin ito bilang isang rehabilitation center na tinaguriang Iloilo Rehabilitation Center na naglingkod ng mahabang panahon sa nasabing probinsya. Pero bukod sa mga nabanggit, ang Old Prison ng Iloilo may malaking papel sa kasaysayan ng Iloilo. Sa panahon ng Amerikano, isang itong piitan para sa sistematikong pagpaparusa sa mga nagkasala sa batas. Pinakalayunin ng kulungan ay maging isang instrumento para sa pagbabago ng isang preso at mailayo ang komunidad mula sa mga banta nito. Nalulungkot pero naging saksi rin ang nasabing kulungan sa pagmamalupit ng mga Japon noong ikalawang digmaang pandaigdig. Ginamit ng Japanese Imperial Force ang Old Prison ng Iloilo bilang piitan ng mga sundalong Amerikano at ilang mga Pilipino hanggang sa ginawa nila itong garison. Maliban pa rito, saksi rin ang kulungan sa kahalayang ginawa ng mga Hapon sa mga Illonga. Lahat ng pambabastos ay naganap sa tapat lang nito, sa loob ng Villanueva Mansion. Ang lahat na kwentong nabanggit ay nakatatak na sa pangalan at estruktura ng lumang kulungan. Sa bawat sulok ng pader at dulo ng mga pundasyon nito ay nakakabit na ang mga ala-ala ng nakaraan. Pero sa lahat ng mga istorya, namumukod-tangi ang limitadong kwentong sa taong naglikha sa disenyo ng pasilidad. Si Willian E. Parsons, isang sikat na arkitekto sa panahon ng Amerikano at siyang nagdisenyo sa Old Prison ng Iloilo. Marapat lang siguro na bigyag atensyon ang utak sa likod ng ganda at sining ng makasaysayang kulungan ng Iloilo. Dahil sa kasikatan ng kanyang kapwa arkitekto na si Daniel Burnham, limitadong marinig at malimit ikumpara si Parsons dito. Ang talento at galing na mayroon si Parsons ang marapat lang na bigyang halaga tulad ng mga likha nitong obra maestra. Bago dinisenyo ni Parsons ang nasabing kulungan ay nagsilbi muna siyang “Consulting Architect” ng Bureau of Public Works o ang Department of Public Works and Highways sa kasalukuyan, mula 1905 hanggang 1914. Isang malaking kontribusyon niya sa Pilipinas ay siya ang namahala sa pagsasagawa sa planong nilikha ni Burnhan para sa Maynila at Baguio na kalaunan ay kanya ring binigyan ng sariling pamamaraan ng pagdisenyo. Kabilang rin sa magagandang ginawa ni Parsons ay ang mga ospital tulad ng Philippine General Hospital, mga pasilidad ng gobyerno, ang disenyo ng Gabaldon building, mga hotel tulad ng Manila Hotel, ang University of the Philippines (Manila) at Normal School na ngayon ay Philippine Normal University at marami pang iba. Ang pagdidisenyo ni Parsons ay kanya ring binatay sa klima at lokal na kondisyon ng mga materyales sa Pilipinas.
Oton Death Mask | Larawan mula sa My Beautiful Iloilo
Larawan ng arkitektong si Willian E. Parsons | Larawan mula kay lougopal
Ang pagdisenyo sa Old Prison ng Iloilo ni Parsons ay isa sa mahahalagang parte ng kasaysayan. Ang naging tagpong ito ay umukit ng mga ala-ala sa anyo ng kulungan, hayag na nagpapakita ng pamamaraan noong unang panahon lalong-lalo na sa paglikha ng mga estruktura. Maraming kwento ang nakapalibot sa mahigit isandaang taong kulungan ng Iloilo na sa ngayon ay kilala sa tawag na Western Visayas Regional Museum. Ang kwento ni Parson sa paglikha ng sining para sa lumang piitan at ang iba pang makasaysayang istorya ang nagbibigay ng dahilan upang marapat lang na ibahagi rin ito sa iba. Hindi man na saksihan ng lahat ang nangyari noon sa Old Prison ng Iloilo, tanaw naman sa patsada ng bagong bihis nito ang naging ambag sa kasaysayan. Ito sana’y bigyan ng atensyon ng masa, na kahit minsan man lang ay mabisita ang lugar para madama ang naging kahalagahan nito sa nakaraan. Ito sana’y pakaingatan, pagyabungin at bigyang pagpapahalaga ng lahat dahil pamana ito mula sa nakalipas; pamana na siyang yaman ng ating probinsya. Manilawnilaw at hindi gaanong maaninag ang itsura, pero klaro ang kwentong gustong ipakita ng lumang larawan ng isandaangtaong kulungan ng Iloilo. Kung makapagsasalita lamang ito, kulang ang artikulong ito para mailarawan ang mga nakamamanghang kwento; mga kwentong maaring hindi pa alam na naganap sa loob ng kulungan, at sa buhay ng arkitekto nitong si Parson. Maaring isang buong nobela ang kailangan para maisaysay ang mga istoryang ito, at maaring lahat ay magmumula lamang sa kupas na larawan ng Old Prison ng Iloilo.
KASAYSAYAN NG MGA PAMBANSANG PRESO SA PILIPINAS
Noong 1936 itinatag ang New Bilibid Prison sa Bayan ng Muntinlupa na may disenyong tinatawag ng self-enclosed with a wall, upang naisagawa ang mga programang nakakapagpabuti sa kalagayan ng mga bilanggo sa loob ng kulungan. Taong 1941 opisyal na inilipat ang mga bilanggo mula sa Old Bilibid Prison patungo sa bagong tatag na insular na bilangguan (NBP).
Noong WWII ginamit ng mga ‘Hapones ng NBP upang pagkulungan ng mga guerilya at mga bilanggong pulitikal. Pagkatapos ng WWII naging kulungan naman ang NBP ng mga kulaboreytor, at mga Heneral at sundalong Hapones. Subalit karamihan sa mga kulaboreytor ay dinala sa Iwahig Prison and Penal Farm sa Palawan.
Sa muling pamamahala ng mga Filipino sa bansa noong 1946 itinaguyod ng pamahalaan ang makataong pagtrato sa mga bilanggo. Ang NBP bilang insular na bilangguan at punong himpilan ng Bureau of Prisons/ Corrections ang siyang nagpatupad ng unti-unting reporma sa mga pambansang bilangguan. Noong 1955 ang Pilipinas ay naging signatory sa United Nations Standard Minimum Rules for the Treatment of Prisoners, na maituturing na pagtaas ng antas sa pagbabago ng criminal justice system sa bansa.
Mula 1955 hanggang 1971 ay unti-unting nagkaroon ng reporma sa criminal justice system sa bansa. Subalit sa panahon ng Martial Law noong 1972-1981, at hanggang sa pagpapatalsik kay Pangulong Marcos dahil sa 1986 Edsa People’s Power Revolution I, maraming Filipino ang inalisan ng karapatan at ikinulong, sa mga bilangguang Militar at Pambansang Bilangguan sa buong kapuluan.
Mula sa: https://iskwiki.upd.edu.ph/index.php/ANG_KASAYSAYAN_NG_ MGA_PAMBANSANG_PRESO_SA_PILIPINAS_1946-2003
Larawan ng New Bilibid Prison. | Larawan mula sa Global Balita