6 minute read
KULTURA
FILIPINO | KULTURA
Sa Hindi Ordinaryong Gabi sa Syudad ng Iloilo
Advertisement
Isinulat ni Mdpn. Loween John H. Seloterio Mga Larawan ni Mdpn. Jayland E. Singuillo Guhit ni Mdpn. Vincent Jay A. Vigo
Dumating na ang gabi’t lahat ay naghahanda. Ang saliw ng musika, kasabay ang indak ng mga kumukutitap na ilaw ang nagbibigay sigla sa takip-silim ng pagsasaya. Kumpas ng katawan, awiting kay saya, at mga kaibigang kasama sa tuwa’t saya. Wala na atang tutumbas sa kasiyahang hatid tuwing biyernes ng gabi.
Handa na, naka pusturang maganda, suot ang mamahaling damit at makintab na sapatos. May makinang na alahas, halimuyak na sobrang bango at awrang minsan lang mapansin. Alas-9 ng gabi, biyernes, isa na namang normal na pagkikita para sana magsaya kasama ang kaibigan. Pero bukod tangi ang biyernes na ito dahil nakasentro sa pandemya. Ang dating tuwaan at kasiyahan sa umuusbong na kultura ng “night life” sa Iloilo City ay napalitan ng mga tahimik na gabi dulot ng banta ng virus. Si Brent, hindi nya tunay na pangalan, siya ang aking ka kwentuhan tungkol sa mga masasayang ala-ala ng “night life” sa Iloilo City. Kami’y naka pwesto sa intrada ng sentro ng kasiyahan sa syudad, ang Smallville. Habang nag-uusap, ramdam ang preskong dampi ng hangin sa gabi, mga sasakyang nag sisiunahan at mga ilaw nitong nagkikinangan. Halatang dahil sa nararanasan na pandemya, natigil ang maraming mga negosyo, at pati buhay ng mga tao ay lubhang naapektuhan. Ang mga gabing kay saya sa syudad ng Iloilo ay napalitan ng bangungot at lungkot.
“Sang bag-o ining COVID-19, ang tawo giya sa Smallville tama gid ka damo, kapin pa kung byernes nga ari ang mga estudyante sa syudad. Damo gid ang ga party-party,” saad ni Brent. (Bago ang COVID, marami talaga ang tao dito sa Smallville, lalo na kung byernes at nandito sa syudad ang mga estudyante. Marami ang nag-paparty.) Pero sa kabila nito bago paman ang pandemya, hindi maikakaila na naging bagong kultura na ang “night life” sa Iloilo City. Isang normal na kaganapan para sa mga millennials sa nasabing bayan. Marahil ay naging parte narin ito ng pamumuhay na kung saan tuwing may selebrasyon na ipinagdiriwang, ito ang mabilis na takbuhan – mapa birthday hangang sa simpleng pagkikita ng magkakaibigan. Alas-10 na ng gabi, habang kami’y nag-uusap ni Brent, tanaw ang galak sa kanyang mga mata habang sambit ang mga kwentong hindi niya malilimutan sa tuwing silang magbabarkada ay magkakayayaan para magsaya. Maraming kwento ang nabuo, mga istoryang tanging sila lamang ang nakakaalam. Binahagi ni Brent ang iilan sa mga ito. Paliwanag niya, lumalabas lang sila kung kailan lamang nila gusto, kahit merong exam kinabukasan o kahit ano mang kadahilanan. Walang tutumbas sa mga oras kasama ang mga kaibigan; ito marahil ang hatid ng kulturang nakasanayan na ng mga bagong henerasyon.
“Kis-a biskan may exam pagkaaga ga shat kami, pero syempre ga kuha man kami gyapon exam. Pero ang pinaka indi ko malimtan kung ga gwa kami nga magbarkada ang mga memories nga na buhat namon kada byernes sang gab-i kay pagkaaga waay klase,” pahayag ni Brent. (Kahit may exam umiinom parin kami, pero syempre kumukuha parin kami ng exam kinaumagahan. Pero higit sa anuman, ang mga ala-ala na aming nagawa kapag kami ay lumalabas na magbabarkada ang hindi ko malilimutan lalo na kung byernes ng gabi.) Pero sa likod ng mga tuwa’t saya ay may nakatago ring sekreto. Sa tuwing may mga kasiyahan, hindi maiiwasan ang inuman. Mga inuman na humahantong sa madidilim na silid ng kwarto na kung saan hubo’t hubad na sumasaliw sa indak ng mapusok na pangangatawan. Ito ang lantad na katotohanan sa mga byernes ng gabi. Naging isang normal na pangyayari sa kabila ng sagradong pananaw ng mga kasimhanan. Pinatunayan ni Brent sa kanyang mga kwentong nilathala sa akin. Pahayag niya normal na lamang ito sa mga kabataan ngayon. Ito ang isa sa mga karanasang pinakainingat-ingatan ng karamihan na mahilig gumala sa madilim na syudad ng Iloilo.
“Normal naman ran sa iban nga mga kabataan subong. Sa tuod-tuod, indi manami pero waay kita mahimo kay amu naran ang ila gina buhat kung sila naga nigh out sa syudad,” dagdag pa ni Brent. (Naging normal na ito para sa ilang mga kabataan ngayon. Sa totoo lang, hindi talaga maganda pero wala na tayong magagawa dahil yan na talaga ang ginagawa ng iilan kapag sila ay may night out sa syudad.) 10:30 na ng gabi, ilang oras bago mag umaga. Palamig ng palamig ang simoy ng hangin. Habang kami’y nag-uusap biglang sumilip sa aking isipan ang mga tila kiti-kiting mga ideya. Agad kong binahagi kay Brent na ang kulturang mayroon sa mga kabataan ngayon tuwing byernes sa syudad ng Iloilo ay nakagisnan narin pala noong unang panahon – ito ay ang “pamayle.” Mula sa magkaibang panahon, may tutumbas na sa kasiyahang hatid ng mga makabagong gabi sa Iloilo, at ito ay ang “pamayle” ng ating mga ninuno. Nakamamangha dahil bago paman umusbong ang “night life” sa syudad ay mayroon ng kulturang “pamayle” noon.
Galing sa mga kwento ng matatanda, ang pamayle ay karaniwang pagsasaya tuwing gabi ng pista sa mga barangay o baryo. Dinarayo pa ito ng mga taga karatig barangay para lang makisayaw. Paraan rin ito ng pakikipaghalubilo sa ibang tao. Noon, espesyal ang mga araw na ito dahil dito lang makikita ang mga kaibigang nakapustura ng todo. Nakatutuwang isipin na kahit sa ngayong panahon ang kulturang ito na nakagisnan ng ating mga ninuno ay nagaganap parin sa mga liblib na bayan sa probinsya ng Iloilo. May mga lugar paring na may mga “pamayle” lalong lalo na kung araw ng pyesta sa mga malalayong sulok ng probinsya, malayo sa kabihasnan. Alas-11 na ng gabi, marami pa sana kaming pag-uusapan ni Brent. Hindi sapat ang laang oras para isaysay ang limpak-limpak na kwentong nabuo mula sa mga kasiyahan tuwing takip-silim sa Iloilo. Mga kwentong nagpakulay sa mga madidilim na gabi, napaliwanag sa kaulapan at nagpangiti sa maraming mga labi. Sa paghihiwalay ng aming landas ni Brent, ang mga istoryang napag-usapan ay nag-iwan ng malalim na marka sa aming mga puso’t isipan. Sa aking pag-uwi mula sa pagkikitang hindi nakasentro sa ordinaryong gabi sa syudad ng Iloilo dulot ng pandemya ay marami akong napagtanto. Nawa’y sa paglabas ng lahat sa makinang na gabi sa syudad pagkatapos ng bangungot na ito ay bitbit ng lahat ang responsibilidad ng mga tuwa at parating isaalang-alang ang kaligtasan. Tunay nga na ang Iloilo ay syudad ng pagmamahal dahil sa mga kwento ng pagsasamahan ng magkakaaibigan na nabuo mula sa bawat masasayang gabi na kanilang pinagsaluhan. Sa kinakaharap na pandemya, sana’y hindi mahinto ang mga gabing ito dahil ito’y isang representasyon ng nakaraan at kasiyahan ng kasalukuyan.
SENTRO NG NIGHTLIFE SA ILOILO CITY
Ang Smallville Complex sa Iloilo ay isang nightlife capital ng nasabing syudad. Popular ito sa mga entertainment hub na kung saan ang mga iloggo at mga bisita ay kumakain at nagsasaya. Ito ay matatagpuan sa Diversion Road, Mandurriao District ng Iloilo City. Kumokonekta ito sa Iloilo River Esplanade sa timog na bahagi ng lugar at sa kalsadang patungo sa Atria Park District ng Ayala naman sa hilagang bahagi nito.
Ang terminong smallville ay orihinal na tumutukoy sa lupon ng mga kainan, mga bars at clubs sa gilid ng Iloilo Business Hotel. Ito ang mga unang negosyo ang nagbukas sa lugar. Sa kasalukuyan, pagsinabing “Smallville” tumutukoy na ito sa malaking sakop ng negosyo hanggang sa Iloilo River Esplanade.
Mga maaring gawin sa Smallville: 1. Kumain sa mga restawran 2. Magsayaw sa mga club 3. Uminom 4. Kumanta sa mga KTV bars 5. Magrelax at magsaya
Mga lugar sa Smallville: 1. Ayala Technohub 2. The Avenue 3. Riverside Boardwalk 4. MO2 Complex 5. Smallville21 Complex 6. Smallville Commercial Complex
Mula sa: https://www.exploreiloilo.com/do/info/smallville/
Tuwing gabi sa sentro ng Iloilo nang wala pang pandemya. Larawan mula sa flickr