2 minute read
SEA EXPERIENCE
FILIPINO | SEA EXPERIENCE
Aking Unang Sampa
Advertisement
Isinulat at mga larawan ni D/C Ivan Guzman
Sa kabila ng pandemya, ang taon na ito ay isa sa mga pinakamahalaga at hindi malilimutang taon ng aking buhay, ang isang estudyanteng tulad ko na piniling kumuha ng kursong “maritime” sa wakas ay makasasampa na sa kanyang pinakaunang barko.
Kung iisipin, sobrang bilis ng mga pangyayari, sobrang laki ng agwat at pinagka-iba, mula sa pagiging presidente ng Student Council, na mas sanay sa pamumuno, kumpara ngayon bilang isang kadete na dapat marunong kang sumunod at ikaw mismo ang gagawa ng mga gawaing dati ikaw ang nag-aatas, pero sa kabila ng lahat, hindi ko maipag kakaila na may malaking ambag ang natutunan kong leadership skills, dahil bilang isang lider, dapat marunong ka ding makinig at sumunod, at ito ang pinakamahalagang katangian na dapat meron ang isang marino sa barko. Ika-28 ng Nobyembre, marka ng simula ng buhay ko bilang isang kadete sa barko. Nariyan ang pakiramdam ng galak, pangamba at pag-aalinlangan kung kakayanin ko ba ang namuo sa aking isip habang isa-isa ko hinahakbang ang aking mga paa sa accommodation ladder paakyat ng barko. Tinungo ang aking kabina na magsisilbing kwarto ko sa loob ng sampung buwan, nag bihis ng coverall at inikot ang buong barko, isa isang inaral at kinabisado ang mga magiging trabaho. Sa pwerto, ramdam ko ang kakulangan sa tulog at puyat, habang hinihintay ang pagdaan ng oras, siguraduhing nakalista ang lahat ng nangyayari sa operasyon, kung nakakabit ba ang mga tali, at minuminutong pagbantay ng pag-angat o pagsadsad ng accomodation ladder ay ilan lamang sa mga kailangan kong gawin sa loob ng apat na oras kong gwardya mula alas dose hanggang alas kwatro. Sa “anchorage” ang mga bagay na hindi mo nagagawa sa iyong bahay ay magagawa mo sa loob ng barko. Nasubok ang aking katawan sa mga mabibigat
na trabaho, tulad ng pagbubuhat, pangangalawang, paglalagay ng grasa sa mga lubid ng cranes, ang tipong walang katapusang pag akyat baba sa mga hagdan, pag babaldeho, pag papala ng mga kargada, pamimintura at dagdagan mo pa ng nagbabagang sikat ng araw. Sa unang tatlong araw, ramdam ko ang pananakit ng aking katawan, pero habang tumatagal nasasanay naman ang aking sarili. Tila masasabi kong expectations vs reality ang nangyari. Marahil ay iilan pa lamang ito pero alam kong marami pa akong dapat pag handaan sa pagdaan ng panahon. Mahirap pero patuloy na lumalaban para sa pamilya at sa minimithing mga pangarap. Sa pagtatapos ng aming operasyon, at sa pagsisimula ng paglalayag ng aming barko, matitinding
Mga larawan mula sa IMO at D/C Guzman
alon na naman ang susuungin ko, alam ko sa sarili ko na kaya ko ang pisikal na gawain, pero isang bagay na bumabagabag sa akin ay kung kaya ko bang tiisin ang katotohananang matagal ako mawawalay sa mga taong nagmamahal sa akin. Gayunpaman alam kong wala akong matatapos kung hindi ako magsisimula, sa loob ng halos isang buwan ko dito sa barko, madami pa akong dapat maranasan at matutunan. Isa lang ang palagi kong itinatatak sa aking utak ngayon ako’y isa nang ganap na kadete na, “mahirap kapag nagsisimula ka pa lang, pero wag kang tumigil mangarap, dahil lahat ng tagumpay nagsisimula sa mga maliliit na hakbang. Patuloy sa paglalayag at lakas loob na suungin ang alon ng buhay.