2 minute read

Mamamatay Ako Hindi Para sa Bayan

“Nagkakagulo lamang sa tuwing papalapit na sila.” Mamamatay Ako Hindi Para sa Bayan

Isang lungsod na naman sa timog ang nababalot sa makapal na usok dulot ng giyera sa pagitan ng mga magkakapatid. Nagkalat ang mga tangke ng militar sa paligid gayon din ang mga sundalo ng gobyerno. Nakabibingi ang putukan ng mga baril. Naroon ako, nakahandusay sa maalikabok na lupa at nababalot sa dugo ang aking puting uniporme. Ako si Jeremy. Labing-anim na taon na akong namumuhay sa isang bayan na matagal nang nilisan ng kapayapaan. Ako’y nasa sekundarya na, sa isang pampublikong paaralan na napag-iiwanan naman ng panahon. Sa landas patungo rito magsisimula at magtatapos ang aking kwento. Mula sa aking kamay, isinilid ko sa bulsa ng aking polo na malapit sa aking kaliwang dibdib ang buong limang piso na bigay ng aking ina. Niyakap ko siya at ako’y nagsimula na sa paglakad patungo sa eskwelahan. Mabato at maalikabok ang daan, wala pa ring pagbabago. Ganito na ito noong magkamuwang ako sa mundo. Ganoon din naman ang aking paaralan. Kulang sa mga libro, sa mga silya, sa mga guro at sa

Advertisement

lahat ng bagay na may kinalaman sa edukasyon ngunit sobra naman ang mga estudyante. Tuluyan na sigurong nilimot ng modernisasyon ang aking bayan. Ang pagmumuni-muni ko tungkol sa mga bagay na ito ay biglang nahinto dahil sa putukan sa hindi kalayuan. Hindi ko na lamang ito pinansin dahil pangkaraniwan na ang ganitong mga eksena rito sa amin. Barilan, batuhan ng granada, mortar at kung anu-ano pa na maaaring ikagalit ng Diyos. Kahit nasanay na ako sa mga ito, hindi pa rin nawawala ang takot sa aking puso. Mabuti sana kung sila lamang ang nagkakasakitan o namamatay pero hindi. Dahil sa kanila, namatay ang lola ng aking kaklase matapos tamaan ng mortar ang kanilang bahay. Minsan napapaisip ako kung bakit ba patuloy na nagpapadala ang bulok na gobyerno ng mga sundalo, mula sa Luzon o kung saan pa mang lupalop ng Pilipinas, dito sa aming lugar. Nagkakagulo lamang sa tuwing papalapit na sila. Nagpatuloy ako sa paglalakad ngunit napahinto muli dahil sa pagkalansing ng limang piso na nasa bulsa ng aking polo. May kung anong tumama dito. Kinapa ko ito at nagulantang sa aking nakita. Umaagos ang dugo mula sa aking dibdib. Ang limang piso na bigay ni Inay ngayo’y butas na sa gitna dahil sa tama ng bala. Unti-unting lumabo ang aking paningin hanggang sa ako’y matumba at sumubsob sa lupa. Bago pa ako tuluyang mawalan ng malay, nakita ko na may mga sundalong papalapit sa akin. Naramdaman ko na may nakahawak sa aking sugat na tila pinipigil ang pagdurugo. Ako’y binuhat ng isa. Mabubuti pala sila. Kung nagkataon, siguro’y ganoon na lamang magwawakas ang aking pangarap na mabigyan si Inay ng magandang buhay. Balang araw, magiging isa ako sa kanila. Mamamatay ako hindi para sa aking bayan ngunit para sa aking bansa.

This article is from: