3 minute read

Ang Batang Hindi Pinangalanan

“Didiligin ng kawalang-malay ang tahimik na lansangan.”

Hindi binigyan ng pangalan ang dalawang mumunting mga paang naglalakbay sa pagitan ng mga nagbubungguang mga balikat ng mga taong sa gabi nabubuhay. Mapapansin ang mga palad niyang ubod nang higpit na nakatangan sa isang bagay, sa tapat ng dibdib, na mas malaki pa sa kanyang mumunting mga braso. Hindi maikukubli ng kanyang hanggang balikat na buhok ang mga matang minsa’y natatabingan ng mga hibla tuwing may sasakyang nagdaraan. Mababanaag ang pagkabalisa sa malikot na pagkilos ng kanyang mga mata, animo’y isang inang iniiwas ang hawak na supling sa kung sinumang magbalak ng masama. Hindi iilang ulit na tumigil ang musmos sa paghakbang upang magpaubaya sa mga nag-uunahang mga tao at sasakyan upang masigurong walang makasasagi sa kanyang dala-dala. Maya’tmaya niyang inililipat ng puwesto ang hawak, tanda ng kakulangan ng lakas at murang katawan. Usok ng sasakyan at maging ng mga naninigarilyo ang kanyang nalalanghap, dahilan upang dalahikin ng ubo at magbara ang ilong na dinadaluyan ng malapot na likido. Muli siyang tumigil. At nagbunga ito ng hindi niya mabilang na katawang bumangga at tumabig sa kanyang pagkakatayo. Subalit hindi ang mga ito ang dahilan ng kanyang mga nangingitim na mga pasa. Mga pasang nakasilip sa kanyang manipis na manggas. Hindi rin ang usok ng mga sigarilyong kanyang nalalanghap ang dahilan ng mga paso sa kanyang mga palad, ng natuyong dugo sa laylayan ng kanyang saya at ng hindi pa rin gumagaling na mga labi. Hindi

Advertisement

ang mga taong bumangga sa kanya ang dahilan kung bakit hindi siya makatingin nang diretso sa mata ng nakakasalubong niya. At higit sa lahat, hindi ang mga ito ang dahilan kung bakit wala siya sa paaralan. Kumaliwa ang musmos sa ikatlong kanto. Subalit hindi pa niya tanaw ang patutunguhan. Napabuntong-hininga ang paslit, malayu-layo pa ang kanyang babaybayin. Mabuti na lamang at nabawasan na ang mga dumaraang sasakyan. Isang grupo ng mga ka-edad niya ang naabutan niyang humihingal sa pagtakbo sa iginuhit na mga parihaba sa gilid ng kalye. Dahil isang batang sabik sa pagkabata, natagpuan niya ang sariling nakaupo sa nakausling ugat ng matandang punong naiilawan mula sa katapat na tindahan na una niyang binalak na pangutangan. Pansamantala niyang ibinaba ang dala-dala at inipit sa pagitan ng nangingitim at namamaga ring binti. Napako ang kanyang tingin sa mga lumulundag na bata sa bawat kahong iginuhit. Napapangiti rin siya sa tuwing magkakantyawan ang mga naglalaro na tila ba’y kasali na rin siya sa laro ng mga ito. Tumagal ng may kinse minutos ang kanyang panonood, hanggang isa-isa nang nawala ang mga naglalaro. May pagdadalawangisip siyang tumayo, hindi binibitawan ang hawak na tila ba’y hindi maaaring mawala sa kanyang kandungan. Dinampot niya ang piraso ng basag na palayok na ginamit ng naunang mga manlalaro. Mataman niyang inihagis ang pamato at sinundan ng paglundag. Muling dinampot ang pamato at itinuloy ang pagtalon. At sa minsang pagbibiro ng tadhana, bumagsak sa sementadong sahig ng kalsada ang kanyang tangan-tangan. Dumaloy ang malabnaw na likido. Patlang. Ang kaninang kamay na mahigpit na nakahawak ay napalitan ng panginginig. Muling naglakbay ang kanyang mga mata paikot sa lugar na tila ba’y naghahanap ng ibang nakasaksi, at sinundan ng nag-uunahang pagpatak ng kanyang luha at hikbing pilit na pinipigilan. At sa hindi maunawaang galaw, dinampot niya ang piraso ng nabasag na bote at tumakbo sa pinakamabilis na kaya niyang gawin. Lumalakas ang hagulhol ng kanina’y pinipigilan niyang hikbi. Gusto niyang bigkasin ang pangalan ng kanyang ina, subalit tulad niya’y hindi rin ito pinangalanan. Gusto niyang humingi ng simpatya gayong wala pa namang umuusig sa kanya. Gusto niyang ibalik ang huling dalawampung minuto, at baguhin ang lima sa mga ito. Gusto niyang maging bata, pero mas gugustuhin niyang hindi masaktan. Malapit na niyang marating ang kanyang pupuntahan, ilang hakbang na lamang. Subalit bakit hindi niya maigalaw ang kanyang mga paa. Hindi na rin niya maigalaw ang kanyang mga mata, ang dating kanina’y malilikot niyang mga mata. Iisa ang kanyang nakikita, isang mukha na lamang, ang kanyang ama. At muli niyang nadama ang matinding takot at pagsisisi. * Kanina’y may isang paslit ang inutusan ng kanyang ama. Kanina rin ay may isang batang nakaladkad ng tren sa tapat ng nagiinom niyang ama at siya’y hindi pinangalanan. Sa isang kamay niya’y isang piraso ng basag na bote at sa kabila nama’y piraso ng basag na palayok. Dumaloy ang malapot na likido.

This article is from: