14
Ang Batang Hindi Pinangalanan
“Didiligin ng kawalang-malay ang tahimik na lansangan.”
Hindi binigyan ng pangalan ang dalawang mumunting mga paang naglalakbay sa pagitan ng mga nagbubungguang mga balikat ng mga taong sa gabi nabubuhay. Mapapansin ang mga palad niyang ubod nang higpit na nakatangan sa isang bagay, sa tapat ng dibdib, na mas malaki pa sa kanyang mumunting mga braso. Hindi maikukubli ng kanyang hanggang balikat na buhok ang mga matang minsa’y natatabingan ng mga hibla tuwing may sasakyang nagdaraan. Mababanaag ang pagkabalisa sa malikot na pagkilos ng kanyang mga mata, animo’y isang inang iniiwas ang hawak na supling sa kung sinumang magbalak ng masama. Hindi iilang ulit na tumigil ang musmos sa paghakbang upang magpaubaya sa mga nag-uunahang mga tao at sasakyan upang masigurong walang makasasagi sa kanyang dala-dala. Maya’tmaya niyang inililipat ng puwesto ang hawak, tanda ng kakulangan ng lakas at murang katawan. Usok ng sasakyan at maging ng mga naninigarilyo ang kanyang nalalanghap, dahilan upang dalahikin ng ubo at magbara ang ilong na dinadaluyan ng malapot na likido. Muli siyang tumigil. At nagbunga ito ng hindi niya mabilang na katawang bumangga at tumabig sa kanyang pagkakatayo. Subalit hindi ang mga ito ang dahilan ng kanyang mga nangingitim na mga pasa. Mga pasang nakasilip sa kanyang manipis na manggas. Hindi rin ang usok ng mga sigarilyong kanyang nalalanghap ang dahilan ng mga paso sa kanyang mga palad, ng natuyong dugo sa laylayan ng kanyang saya at ng hindi pa rin gumagaling na mga labi. Hindi P4 LETA