4 minute read
Basang Chalk 86 Bulag
Bulag
Advertisement
Ang usapang alas–otso ng umaga ay tunay nga palang ilusyon lamang. Isang oras na kaming naghihintay, ngunit malayo pa rin sa pagsisimula ang seminar na dinayo pa namin dito sa Maynila. Tulog pa ang haring araw noong kami ay nagsimulang bumiyahe mula probinsiya. Kaya’t karamihan sa amin ay nababagot, nagugutom, o hindi kaya’y inaantok. Kumakalam na ang aking sikmura. Wala akong magawa kung hindi tumitig na lamang sa malayo. Pilit na ibinabaling ang aking atensyon palayo sa gutom. Bigla kong naaninag ang isang tao mula sa malayo. Base sa kanyang porma, bilao ang kanyang bitbit sa kanang kamay at timba naman sa kaliwa. Nagkakaroon na ng pag-asa ang aking tiyan. Lumapit sa amin ang isang matanda. Marahil lampas pitumpung taon na. Nakasuot siya ng sayang may tatak na mga bulaklak. Nakasabit sa leeg ang lumang apron. Sa kabila ng mga kulubot dala ng katandaan, ramdam ko ang aliwalas ng kanyang mukha dala ng napakatamis niyang ngiti. Animo’y musmos na nagsisimulang makita ang kagandahan ng mundo. Nagsilapit sa kanya ang aking mga kaklase. Sa kanilang
paglayo, bitbit na nila ang plastik na may lamang tinapay. Sa totoo lang, wala akong tiwala sa paninda ng mga taong naglalako sa kalsada. Lalo pa’t naririto kami sa kamaynilaan. Ngunit, dahil sa gutom, ako ay lumapit na rin. —Ano raw tinapay ‘yon? —Cheese donut, p’re. —Magkano? —Kinse. —Presyong Maynila talaga. Ang mahal. —Hayaan mo na. Malaki naman. Narinig kong nagsalita ang matanda. Buena mano raw niya kami. Kaya’t kinuha ko ang aking coin purse. Pilit na bumuo ng labinlimang piso. Alam kong kailangan ng mga magtitinda ang barya, lalo na sa umaga. Iniabot ko sa matanda ang dalawang baryang limang piso at limang pipisuhin. Pagkaabot na pagkaabot ko ay kumuha agad siya ng plastik at isinuot ito sa kamay. Tila ba sanay na sanay na siya sa ganitong hanapbuhay. —Utoy, ilan? —Isa lang po. Sa totoo lang, nainis ako sa tanong niya. Eksaktong kinse pesos ang iniabot ko ngunit nakuha pa rin niyang magtanong kung ilan ang bibilhin ko. Mas minabuti kong huwag na lamang pansinin at kainin na lamang ang mainitinit pang tinapay na nasa aking kamay. Habang kumakain, pinapanood ko ang matanda sa kanyang ginagawa. Bumili rin ang isa kong kaklase. Nag-abot siya ng isang daang piso. Tulad ng nakasanayan, isinuot ang isang kamay sa plastik. Kumuha ng dalawang piraso. Ibinalot ang mga ito gamit ang plastik sa kamay. At saka iniabot sa aking kaklase. Matapos ito, kumuha na ulit siya ng plastik at ibinalot sa kamay. Handa na sa susunod na bibili. —Lola, ‘yong sukli ko po. —Ay, sandali. Ito, o. Iniabot ang bente pesos. —Isang daan po ang bigay ko. —Ito pa o.
Nag-abot muli ng isa pang bente pesos. —Lola, kulang pa po, May tunog na ng pagkainis. Hindi ko na naiintindihan ang mga nangyayari sapagkat isang bente pesos lang ulit ang ibinigay ng matanda. Kulang pa rin sa kinakailangang sukli sa aking kaklase. Nang biglang may nagsalita nang malakas. —Hindi marunong magsukli ‘yan! Lahat kami ay nagulat sa narinig. Napatahimik na lamang. Ang kaninang inis sa matanda ay napalitan ng awa. —Pasensya na mga utoy ha. Hindi ako marunong magbilang. Sa puntong ito, punung-puno na ng mga tanong ang aking utak. Paano siya nakapagtitinda? May tinutubo pa ba siya? Saan ba galing ang paninda niya? Paano kung niloloko lang siya ng pinanggagalingan ng mga tinapay niya? Paano kung may manlolokong bumibili? Nasaan ang mga kamag-anak niya? Sunud-sunod pa ang bumibili sa matanda. Bawat isa’y idinidikta na kung magkano ang dapat na bayad at kung magkano ang dapat niyang isukli. Lahat detalyado, hanggang sa kung ilang piraso ng limang piso ang isusukli niya.
Gusto ko sanang kausapin si Lola. Marami akong tanong. Ngunit tinawag na kami. Hudyat na magsisimula na ang seminar. Sa aming pagpasok sa venue ay siya namang alis ng matanda. Kita ko pa rin ang ngiti sa kanyang labi.
Hindi pa rin mawala ang mga tanong sa isip ko habang nasa kalagitnaan ng seminar. Ako na lamang ang nag-isip ng mga sagot sa mga sarili kong tanong. Kung naghahanapbuhay pa rin siya, malamang ay wala siyang kasamang mga kamag-anak. Kung meron man, ito ay maaaring sobrang bata pa o sobrang tanda na rin. Dahil hindi siya maghahanapbuhay kung mayroon pang mas may kakayahan sa kanya. Marahil, hindi siya nagkaroon ng pagkakataon na makapag-aral noong kabataan niya. Malaki ang tsansang biktima siya ng mga nakaraang digmaan. Marahil ay naulila siya dahil dito. Sa eskwelahan siya nagtitinda. Ibig sabihin mga estudyante ang kanyang parokyano. Hindi nga naman siya lolokohin ng mga ito. Huwag naman sana. Marami pang mga hinuha ang nabubuo ko. Ngunit sayang lamang dahil wala akong pagkakataon na makausap siya. Gusto ko sanang malaman ang tunay na kwento sa likod ng mga ngiting kahit nasa gitna ng paghihirap ay nakukuha pa ring magningning sa gitna ng dilim na dala ng pagkakait sa kanya ng kaalaman.