1 minute read

Butil ng Palay sa Bitak ng Lupa

Sadyang malalim kung umibig ang isang magbubukid Sa dilag na pinalamutian ng mumunting talulot ng ilang-ilang. Napayid ng amihan ang samyo sa bukang-liwayway Na gumigising sa nahihimbing na kalamnan At buong pagsuyong tatangnan ang panghalabas at ararong kahapon di’y naging katipan.

Sa saliw ng huni ng mga ibong saksi, Sa pagsilay ng kulay kahel na sa kalangita’y isinabog, Ang manlulupa’y muling hahalik sa lupang nababalutan ng hamog. Sisimoy ang amoy ng dayaming unti-unting nabubulok sa lupang basa At dito’y muling makikipagniig ang kanyang makakapal na talampakan na siya namang hahalikan ng pinalambot na lupa.

Advertisement

Ang kanyang pagtatangi’y hindi matitinag ng init ng araw. Ang pawis na nagpapahapdi sa nababasang mata’y walang anuman. Hindi iniinda ang mga tuod na bumabalahaw sa ararong magalaw. Ang bisig na hinulma ng dekadang pagbubungkal ay salit-salitang ikinakampay Upang ang pangingimi ay maibsan.

Tutugtugin ang awit ng pananghalian. Panandaliang itutusok ang kinakalawang nang paltak ng inahing kalabaw. Sa ilalim ng punong mangga’y sisilong at sasandal, tangan ang binalot na kanin na inaanuran ng malamig na sabaw.

Sa maikling sandali’y maiidlip at iduduyan ng karukhaan ang pagal na isipan. At muling bubunuin ang natitirang sandali hanggang magkubli ang araw. Ang kaninang hamog ay naging pawis na muling didilig sa lupang sinilangan.

Sisibol ang uhay, magiging ginto at aanihin. Sasahuran ng sakong pinuno ng ilang buwang pagbubungkal. Subalit, sa pag-ibig, ang mas nagmamahal ang masasaktan. Sapagkat ang putik na pinag-alayan ng natatanging pagibig ay kailanma’y hindi mapapasakanyang kamay. Ang sakong siksik sa palay ay tatangayin ng nagpakilalang nag-aari ng lupang sakahan.

Ang abang magsasaka’y makakatikim din naman sa wakas ng katas ng pinagpaguran. Sa kakarampot na kabahaging binawasan pa ng mga ginastos sa pataba Na siyang ibabayad sa mga utang ng nakaraang hindi pinalad na anihan. Sa likod ng kanyang isip ay may agam-agam, Ang anak na nag-aaral at asawang magluluwal ay maitatawid bang matiwasay?

Susulyapan ang kalabaw na sa susunod na buwan ay maaari nang palahian. Sadyang malupit ang pagkakataon para sa abang magbubungkal. Pikit-matang itutulak ang hayop sa katayan. Maiiwan ang ararong sa ilang taon din nilang pinagsamahan. Ang bisig na hinulma ng dekadang pagbubungkal ay tatanggap ng salaping hindi makasusukli sa sinapit ng kalabaw.

This article is from: