38
Butil ng Palay sa Bitak ng Lupa Sadyang malalim kung umibig ang isang magbubukid Sa dilag na pinalamutian ng mumunting talulot ng ilang-ilang. Napayid ng amihan ang samyo sa bukang-liwayway Na gumigising sa nahihimbing na kalamnan At buong pagsuyong tatangnan ang panghalabas at ararong kahapon di’y naging katipan. Sa saliw ng huni ng mga ibong saksi, Sa pagsilay ng kulay kahel na sa kalangita’y isinabog, Ang manlulupa’y muling hahalik sa lupang nababalutan ng hamog. Sisimoy ang amoy ng dayaming unti-unting nabubulok sa lupang basa At dito’y muling makikipagniig ang kanyang makakapal na talampakan na siya namang hahalikan ng pinalambot na lupa. Ang kanyang pagtatangi’y hindi matitinag ng init ng araw. Ang pawis na nagpapahapdi sa nababasang mata’y walang anuman. Hindi iniinda ang mga tuod na bumabalahaw sa ararong magalaw. Ang bisig na hinulma ng dekadang pagbubungkal ay salit-salitang ikinakampay Upang ang pangingimi ay maibsan. Tutugtugin ang awit ng pananghalian. Panandaliang itutusok ang kinakalawang nang paltak ng inahing kalabaw. Sa ilalim ng punong mangga’y sisilong at sasandal, tangan ang binalot na kanin na inaanuran ng malamig na sabaw. P4 LETA