2 minute read

Nang Mapansin Kong ang Lakad Ko’y mga Hakbang ng Aking Ama

“Muling pinapak ang natitirang kamangmangan ng pag-iisip na tinakasan ng katinuan.”

Ma-ikatlong ulit ko nang nilagok ang tubig mula sa baon kong botelya. Pinahid ang umagos sa siwi gayundin ang mumunting daloy ng tubig sa aking kaliwang mata. Hindi ko alam kung anong dahilan pero patuloy lang ang mainit na luha sa pagpatak sa humahapdi kong mata. —Sigi (sigarilyo)? Sabay baling sa gawi ko. —Ikaw sir? Tila ba’y alam na niyang hindi ako interesado at awtomatikong tumalikod at lumakad palayo. ‘Di ako sigurado ngunit pumasok sa isipan ko ang imahe ng aking ama. Sa bawat paghakbang ng mama, parang mga larawang napayid ng hangin at isa-isang nanariwa sa aking balintataw. Hinding-hindi ko tutularan ang kanyang ginawa.

Advertisement

Walang natapos si Itay subalit sapat ang kanyang mga pagsisikap upang maitaguyod kaming kanyang pamilya. Noon nga ay ganoon lamang ang linyang kanyang layunin, sapat upang bumangon siya sa umaga, humithit ng isang kahang mumurahing sigarilyo o kung minsan pa ay umaabot ng isa’t kalahati, humigop ng kape sa alas singko, at mag-uumpisang pumadyak ng kanyang traysikad hanggang sa sumapit ang dilim. Hanggang sa mabalitaan kong may kahati na kami sa kanya. At natakot akong mas minahal na niya ang kanyang bagong natagpuang pag-ibig.

Ilang milya rin ang layo nitong unibersidad na aking pinapasukan mula sa aming tahanan. Ganoon na rin kalayo nakararating ang dating buwanan kong natatanggap na limangdaang pisong allowance para sa lilipas na isang linggo. Inaakala kong ganoon lang talaga kahina ang pasada hanggang sa may narinig ako mula kay Inay . —Anak, siyam na araw nang ‘di umuuwi ang iyong ama. Akala ko’y tulad lang ito ng mga nakaraang mga linggo subalit malakas ang kutob ko, hindi ito tulad ng mga iyon, kasabay ng mga impit ng pinipigilang pag-iyak. Tatlo ang gulong ng minamaneho ni Itay, kasing dami ng inaakala kong pinag-alayan niya ng pagmamahal. Maprinsipyo siya dati. At matapang na siya ngayon. Naipon na niya ang lakas ng loob mula sa mahabang panahon ng pagtitiis. Nakuha na niyang mahalin pati ang kanyang mga kumare, maging ang kanyang mga kumpadre. Bumaba siya mula sa pamamasada at nagsimulang maglakad sa lansangan, hawak-kamay at may pagtatanging inaalalayan ang mga bago niyang minamahal, buong pagmamalasakit na inaabutan ng maiinom ang mga natutuyuan ng lalamunan dahil sa init ng araw, nagbabangon ng mga nabubuwal bunga ng pagtutulakan. ‘Di nga siya nakapag-aral subalit marunong siyang makinig at makiramdam. Marunong siyang magtaas ng mga plakard na nagsasaad ng mga gustong ipahatid sa kinauukulan. Sapat na ang mga lubak ng kalye upang malaman niya ang kanyang mga karapatan. Tuluyan na nga kaming iniwan ni Itay, hindi dahil sa tinamo niyang mga hambalos at hagupit ng water canon kundi dahil sa komplikasyon sa baga na marahil ay dulot ng sigarilyo at mga usok sa lansangan. Nakapag-aral ako, ‘di tulad ng aking ama. Naiintindihan ko maging ang mga komplikadong aralin sa matematika. Dahil pinagaral ako ng aking ama, mas natuto ako sa daigdig na napili niya. Mas may alam ako, mas sensitibo’t kritikal sa pangangatwiran. Kaya kong timbangin ang aking mga karapatan. Mas marami akong magagawa. Mas may laban ang aking mga salita. Ngayon nga’y nagsimula na rin akong umibig at ‘di lamang sa iisa. Binaba ko ang bote ng tubig, muling pinahid ang luha, sabay

ngiti.

—Pst... isang stick nga.

This article is from: