70
Nang Mapansin Kong ang Lakad Ko’y mga Hakbang ng Aking Ama “Muling pinapak ang natitirang kamangmangan ng pag-iisip na tinakasan ng katinuan.”
P4 LETA
Ma-ikatlong ulit ko nang nilagok ang tubig mula sa baon kong botelya. Pinahid ang umagos sa siwi gayundin ang mumunting daloy ng tubig sa aking kaliwang mata. Hindi ko alam kung anong dahilan pero patuloy lang ang mainit na luha sa pagpatak sa humahapdi kong mata. —Sigi (sigarilyo)? Sabay baling sa gawi ko. —Ikaw sir? Tila ba’y alam na niyang hindi ako interesado at awtomatikong tumalikod at lumakad palayo. ‘Di ako sigurado ngunit pumasok sa isipan ko ang imahe ng aking ama. Sa bawat paghakbang ng mama, parang mga larawang napayid ng hangin at isa-isang nanariwa sa aking balintataw. Hinding-hindi ko tutularan ang kanyang ginawa. Walang natapos si Itay subalit sapat ang kanyang mga pagsisikap upang maitaguyod kaming kanyang pamilya. Noon nga ay ganoon lamang ang linyang kanyang layunin, sapat upang bumangon siya sa umaga, humithit ng isang kahang mumurahing sigarilyo o kung minsan pa ay umaabot ng isa’t kalahati, humigop ng kape sa alas singko, at mag-uumpisang pumadyak ng kanyang traysikad hanggang sa sumapit ang dilim. Hanggang sa mabalitaan kong may kahati na kami sa kanya. At natakot akong mas minahal na niya ang kanyang bagong natagpuang pag-ibig.