4 minute read

Sampu

Tumingin si Ariel sa orasan. Alasdiyes. Abala ang lahat ng nasa paligid niya. Maingay, magulo, ngunit parang ang lahat ay kontrolado ng bawat isa. Kaunting minuto na lang, matatapos na ang oras nito para sa pamamahinga. Habang nakaupo sa pasilyo sa labas ng palengke nilalasap niya ang isang supot ng tig-sa-sais na tinapay at isang bote ng softdrinks. —Nasaan na kaya ang batang iyon? Ipinikit nito ang mga mata at nagsimula nang magbilang. —Isa… dalawa... tatlo... apat... lima... anim... pito... walo... siyam... — Sampu. ‘Tay, andito na ako. Patakbong lumapit si Joy sa ama habang dala-dala ang natitirang bungkos ng tindang sampaguita. —Saan ka ba nagpupupuntang bata ka? Tingnan mo’t pawis na pawis ka na. —Diyan lang po sa may plaza. Nagbakasakali lang ulit ako roon. Medyo marami-rami kasing tao doon kaya baka makabebenta ako kahit kaunti. Kaagad namang pinunasan ng bimpo ang pawisang likod ng anak. —O s’ya, kumain ka na ba? Heto’t magmeryenda ka na muna. Bumili ka na lang ng makakain diyan. Babalik na ako sa palengke. Mag-iingat ka. —Opo ‘tay. Si Joy ay bunga ng hindi sinasadyang bugso ng damdamin nina Ariel at ng ina nito nang minsang malasing sila parehas. Nang ipinanganak si Joy, ibinigay na lang siya sa ama. Hindi tanggap ng pamilya ng babae si Ariel at ang bata. Gayun pa man, labis ang pagmamahal ni Ariel sa anak. Siya lang ang naging katuwang nito sa buhay. Matapos ang trabaho, tulad ng dati, pinupuntahan ni Ariel ang anak sa lugar kung saan ito nagtitinda ng sampaguita tuwing hapon. —Joooy! Agad namang sumagot si Joy sa tawag ng ama at patalun-talon itong lumapit na may malaking ngiti sa labi. —‘Tay, tingnan mo, naubos ko agad ang paninda ko. Binili kasi ng isang mamang malaki at maputi ang lahat ng paninda ko. Tingnan mo, binigyan ako nito at hindi na hiningi ang sukli. —Wow! Talaga? Patingin nga… Isang

libo?!

Advertisement

Labis na tuwa ang naramdaman ng magama sa natanggap na pera. Minsan lang sa buhay nila ang makatanggap ng ganoon kalaking pera. Para sa kanila, napakalaking halaga na nito. —Nang dahil dyan, bibili tayo ng paborito mong ulam. —Fried chicken? — Oo! At pandagdag na rin ito para sa

“Mukhang matumal ang benta niya ngayon.”

pag-aaral mo. —Yehey! Malapit na akong pumasok. Dali-daling pumasan si Joy sa balikat ng ama at sabay na umuwi. Kinabukasan, isang ordinaryong araw, pumasok muli si Ariel sa trabaho at si Joy naman ay nagtitinda ng sampaguita sa may simbahan. —Ate, bili na po kayo ng sampaguita. Sampu lang. —Hay naku! Doon ka nga! Hindi ako bibili. Alis! Alas-nuwebe na pero wala pa rin siyang nabebenta kahit isang tuhog ng sampaguita. Mukhang matumal ang benta niya ngayon. Hindi bago para sa kanya ang ganito, kaya’t naisipan niya na magbaka-sakali muli sa may plaza. Baka muling bumalik ang mamang malaki’t maputi at pakyawin na naman ang paninda niya. —Kailangan ko pala munang magpaalam kay Papa. Pagdating niya sa palengke, wala pa ang ama sa madalas niyang puwesto sa tuwing mababakante ang oras nito para sa pamamahinga. —Baka hindi pa oras ng kanilang pahinga. Napangiti ito at tuluyan nang dumiretso sa plaza. Alam niya na maaring hindi siya payagan nito dahil bukod sa malayo, iba’t ibang klase ng tao ang naroroon. Maaari siyang mapahamak. —Ate, kuya, bili na po kayo ng sampaguita. Sampu lang po ang isa. —Ay sige, pabili ako ng isa. — Heto po. Salamat po! Hindi nagkamali si Joy. Dito, may pagasa siyang makabenta kaya’t ganoon na lamang ang pananabik niya sa lugar na iyon. Maya-maya, nakita na naman niya ang mamang bumili ng lahat ng kanyang paninda kahapon. Lubos na kagalakan ang tumanim sa kanyang puso sa mga oras na iyon. Dahil sa pananabik, patakbo itong pumunta sa kabilang kalsada kung saan naroroon ang mama. —Little girl! Ngunit iba ang narinig ni Joy sa sumunod na mga sandali. —Isa… dalawa... tatlo... apat... lima... anim... pito... walo... siyam... —Papa, bakit ka nandirito? Hindi ba nasa palengke ka pa? Nasaan na ‘yong mamang malaki at maputi? Hindi ba... * Pagdating sa bahay, tahimik at madilim ang paligid. Kitang-kita sa lugar kung gaano ito kalungkot. Dire-diretso lamang sa pagtuloy si Ariel sa bahay na hindi na muling maituturing na isang tahanan. Muli, marahang ipinikit ang mga mata habang nakikinig sa awit ng music box. Sariwa pa rin sa alaala niya ang pangyayaring tumapos sa kanyang rason upang mabuhay pa. Nabangga si Joy ng isang rumaragasang sasakyan. Iniwan na lang siyang nakahandusay sa kalye. Sa huling sandali, hawak-hawak niya ang isang bungkos ng tinda niyang sampaguita at sa kabila namang kamay ang sampung piso. Katulad ng pagbilang ni Ariel ng sampu sa pagdating nito ay ganun din kinuha ng bilang ang buhay ng kanyang pinakamamahal na anak. Sa huling bilang ni Ariel at sa muling pagbibilang, wala na ang munting tinig na bibigkas ng sampu.

This article is from: