4 minute read

Kuro-kuro

Hagas

Kailangan kong magmadali. Dapat maipasa ko ngayong hapon ang special project. Kung hindi siguro ako nangopya sa removal exam namin kahapon, hindi sana ako aabot sa puntong ito. Nagkapatung-patong na ang kamalasan. Ngayong umaga lang sa akin sinabi tapos gusto niya ay mamayang hapon ko na agad ipasa. Bakit? Kasi uuwi na siya? Wala pa namang Abril. Technically, school days pa rin. Dahil wala ng estudyante rito sa Lucban, sarado na rin ang mga tindahan dito. Ang mga bukas namang tindahan, walang stock. Pesteng buhay ‘to! Darayo na nga lang ako ng Lucena. Sure na may ink ng printer doon.

Advertisement

Aga

Inip na inip na ako. Gustong-gusto ko nang makauwi. Mahuhuli raw ng uwi si Nanay. May kung anong nangyari sa shift niya. Hindi ko naman naiintindihan ang ganoon. Sasabihin ko kay Boss Enteng na huling pasada ko na sa kanya ngayong araw. Isang oras na lang kasi at darating na si Ineng sa bahay. Wala siyang kasama. Matagal pa man din makapuno ng jeep ngayon. Bakasyon na kasi, wala nang mga estudyante. Ang hirap magtawag ng pasahero. Ang bilin pa naman lagi ni Boss Enteng ay sobrahan ko raw ng tig-isa ang kaliwa at kanan. Kasya naman daw ang labing-tatlo roon, huwag lang may sasakay na mataba.

Hangos

Nag-text na si Mayor. Gagamitin na raw niya ang sasakyan. May pupuntahan daw siyang mahalaga. Pero hindi ako tanga. Alam kong pupunta lang “Ubos na raw ang ink sa bahay.”

siya sa babae niya. Palibhasa, sa Linggo pa darating si Ma’am. Malaya na naman ang daga ngayong wala ang pusa. Bakit ba kasi ako ang pinagmamadali niya? Kung siya ang tumuloy sa ribbon-cutting na iyon at hindi ako, e ‘di sana, puwede siyang dumiretso na lang sa pupuntahan niya. May nalalaman pa siyang pagpapadala ng representative, wala naman siyang ginagawa. Tinuruan pa ako na magsinungaling. Ako pa ang pinaggawa ng alibi sa kumpare niya. Grabe. Paano kaya nananalo sa eleksyon ang mga taong ganito?

Tiis

Delayed na naman ang sweldo namin. Grabe na ang mga nasa taas. Mababa na nga ang pasahod, delayed pa. Akala ba nila, madali ang magturo? Sino ba naman ang gaganahan magturo sa eskwelahang ito kung ganoon na lamang kasama ang kanilang pamamalakad. Tapos mga ganoong klase ng estudyante pa ang tuturuan mo. Hay. Ewan. Nagtext pa sa akin kanina si Ineng. Ubos na raw ang ink sa bahay. Nag-pi-print daw siya ng thesis niya, bukas ang pasa. Buti na lang at pinagspecial project ko si Kyla. Kung hindi, mababawasan ko pa sana ang pambayad namin ng kuryente.

Siksik

Kung hindi lang ako nagmamadali, hindi ako sasakay sa jeep na ito. Dalawa pa raw ang kasya sabi ni kuya kanina samantalang hindi na nga ako makaupo nang maayos. Tapos mukha pang manyakis itong katabi ko. Bakit pa kasi itong pink hanging blouse ang naisuot ko? Grabe na naman ang tingin sa akin ni Sir Ramos kanina. Nakakabastos talaga ang prof na iyon! Lagi pang humahawak sa braso at balikat ko. Nakakadiri talaga ang matandang iyon! Shit! Nakakatakot naman kasing magreklamo kasi kakampi naman niya ang… Ewan. Hayaan na. Kaunting panahon na lamang ay aalis na ako. Hay, naku. Isa pa itong si kuya kundoktor. Pilit na trenta ang hinihingi sa akin. Walang discount. Bakasyon na raw kasi. Hindi na raw ako estudyante.

Pilit

Ang lakas ng hangin. Ang sarap. Ang bilis magpatakbo ni Boss Enteng. May hinahabol din atang oras. Habang binabaybay namin ang Brgy.Wakas, napaisip na naman ako. Kung itinuloy ko kaya ang pagaaral ko, makakapagmalaki rin kaya ako sa ibang tao? Maiipamukha ko kaya sa iba na wala silang pinag-aralan? Na ang mga taong edukado ay higit na mahalaga kaysa doon sa mga piniling magtrabaho na lamang? Ito kasing si Ateng pasosyal, pilit na humihingi ng discount na limang

piso dahil estudyante raw siya, samantalang bakasyon na. Noong nakaraang linggo pa nagsiuwian ang mga estudyante. Mukha pa namang mayaman si ate. Mukhang mamahalin ang mga suot. Naka-magarang bag, sapatos, at pink na damit. Pero nakikipag-away para sa limang piso. Ayaw pang ibigay sa aming mahihirap. Samantalang mas kailangan naming ang walang halaga sa kanila. Kukwentahin ko na nga lamang ang mga nasi…

Takot

Putang ina. Putang ina talaga. Anong sasabihin ko kay Mayor? Siguradong pababayaran ito sa akin. Bakit ba kasi biglang pumreno itong jeep sa unahan ko? Sakto pa namang o-overtake sana ako. Punyeta. Saang sulok ng impyerno ko naman kaya kukuhanin ang pambayad ko rito? Punyeta talaga! Teka… tama. Hindi kinuha ni Mayor ang 9mm niya sa glove compartment kagabi. Iyong pesteng driver ng jeep ang mamoroblema sa pambayad dito.

Inip

Ibabagsak ko na lang siya. Alas-sais na’y wala pa rin si Kyla. Ano na naman kaya ang dahilan niya ngayon? Malinaw ang sabi ko. Hanggang ngayong hapon lang ang pagpapasa ng special project niya. Napakasimple. Ink ng printer kapalit ng tres sa class card. Naiinip na ako. Uuwi na lang ako. Ako na lang ang bibili ng ink ni Ineng. Sayang si Kyla. Pero, sa bagay, uulitin niya ang subject niya sa akin. Matagal pa pala ulit kaming magsasama. Mali ang akala ko. Hindi pa pala iyon ang huling himas ko sa braso niya.

This article is from: