Ganito (ba) ako? K RI S TINE R ODR IGU E Z B AYAD O G
Isang bangungot ang matagpuan ang sarili na tila’y bilanggong nagnanais tumakas mula sa basal na rehas ng lipunan. Nakakapagod magsumiksik sa kalawanging sulok at magkubli mula sa mga matang nagmamasid— naghihintay na magkasala upang ako’y hatakin sa nakakasilaw na paghuhukom. Nang minsang pinuna ako ni Ina, “Bakit ang ikli ng ‘yong damit? Malandi ka ba?” Naisip ko na kung ang paggalang ay para lamang sa mga balot ang katawan, mas nanaisin ko pang maging hubo’t hubad. Pero baka tama si Ina. Nang minsang kinundina ako ni Ama, “Uhaw ang babaeng maagang nakikipagrelasyon at nagkaanak. Gusto mo bang tawaging puta?” Kung ang magluwal ng supling ang kahulugan ng puta, mas pipiliin ko pang maging batang ina sa halip na maging anak ng mapanghusgang ama. Pero baka tama si Ama. Nang minsang kinuwestyon ako ng guro, “Adik ka ba? Bakit berde ang iyong buhok? Bakit may hikaw ka sa labi? Bakit puro ka tinta?” Kung krimen ang ihayag ang sarili sa paraang ako’y komportable’t totoo, ano’ng karapatan mong hatulan ako? Pero baka tama siya.
18