3 minute read

Tadhanang Tumahan sa Nakaraan

Next Article
PARA SA GINTO

PARA SA GINTO

Minsan, ang tadhana ang magdadala sa iyo sa mas malayong destinasyon ng iyong kinabukasan, ngunit sa hindi inaasahan, ay ibabalik ka nito sa nakaraan. Ganito ang karanasan ng isang guro sa Mataas na Paaralang Pang-Agham ng Las Piñas na dati ring estudyante rito. Sa loob ng kanyang paglalakbay tungo sa inaasam na kinabukasan, ay lingid sa kanyang kaalaman na dadaan siya sa punto na babalik siya sa kanyang pinagmulan.

Siya si Bb. Philina Beatrix S. De Guzman, 23-taong gulang, at nagtapos sa kursong Bachelor of Science in Medical Technology sa Philippine Women University. Nagsimula ang kanyang buhay sa LPSci noong 2012, at lumisan noong 2016. Naisipan niyang lumipat noong siya’y tumapat sa senior high school. Para sa kanya, oras naman para sa bagong kapaligiran. Inakala ng kanyang mga dating kaklase na kaya siya lilipat ay dahil sa hindi akma ang strand na kukunin nito para sa kurso na kanyang tatahakin. ”Common misconception kasi na kaya ako lumipat kasi di ako nagtake ng STEM, pero STEM kinuha ko”.

Advertisement

“Gusto ko kasi, balak na sa Maynila magcollege para seamless yung transition.” Kanyang itinuloy ang senior high school sa Saint Paul University-Manila, at agad namang napansin ang mga pagbabagong nangyari. Sa kabila ng lahat ng ito, ay hindi pa rin maalis sa kanyang sistema ang tatak Lapisyano, sapagkat nadadala niya pa rin ang kultura nito, gaya na lamang ng paglagay ng kamay sa dibdib at pagyuko bilang pagbati sa mga guro. Ika niya, sa bagong sistema ng paaralan ay mas magaan kaysa sa LPSci. Kung ikukumpara ang mga paaralang kanyang napasukan, masasabi niya na hindi lahat ng paaralan ay may magaan na tungkulin, nakadepende ito sa kurikulum na kinasanayan.

Isa sa mga pangunahing plano niya pagkatapos ng kolehiyo ay kumuha ng lisensya para maging isang MedTech at magtrabaho muna ng isang taon bago tumuloy sa medisina. Ngunit nagbago lahat ng iyon nang maisipan niyang mag-apply ng iskolarship mula sa Department of Science and Technology o DOST noong siya’y nasa ikatlong taon sa kolehiyo. Dati ay nakapasa rin siya sa nasabing aplikasyon, ngunit agad niya itong binitawan nang hindi ito umangkop sa kurso o paaralan na kanyang kukunin kaya ginamit na lamang ang iskolarship ng paaralang kanyang pinasukan.

Kaya niya muling pinili ang iskolarship ng DOST para makatulong sa gastusin nila sa kanilang tahanan, lalo na noong panahon na iyon ay nagkasakit ang kanyang lola at wala pang trabaho ang kanyang ama dahil sa pagbabantay nito sa may sakit. Lubos na nakatulong ang nasabing iskolarship para sa pinansyal na pangangailangan niya sa paaralan. Ngunit, kinakailangan niyang magsilbi bilang guro sa loob ng dalawang taon, ayon din sa Republic Act No. 10916.

Laking gulat niya lamang nang ipinaalam sa kanya na siya ay magiging guro sa Mataas na Paaralang Pang-Agham ng Las Piñas, ang kaniyang dating paaralan.

Thankful din naman ako kasi again, familiar yung territory…” Ika niya, kampante ang kanyang kalooban na maging matiwasay ang kanyang pagtuturo para sa dalawang taon na serbisyo bilang guro.

Ikinagulat niya na nilagay siya sa senior high school, marahil wala siyang kakilala sapagkat halos ay nasa departamento ng junior high school. Ngunit mas minabuti na lamang na hindi siya isinama sa mga dati niyang kaguruan, para na rin walang kaasiwaan dahil para sa kanya, ay mga idolo pa rin ang turing niya sa mga ito.

“Ang naisip ko kasi noong pumasok na ako, yung actions ko dapat hindi na parang nung student ako”, sinisigurado na propesyonal dapat ang bawat kilos, kahit sinasanay niya ang kanyang sarili. “I can’t be this extroverted and friendly, especially sa students, so may boundary.” Isa rin sa kinakailangan niyang tutukan ay ang pagiging tumpak ng mga talakayan na kanyang inihahatid sa mga estudyante.

Kumpara sa pagiging estudyante, nauunawan niya na ang pagiging guro ay mahirap sapagkat kinakailangan niyang sundin ang bawat hakbang ng ginagawa ng kanyang mga estudyante upang masigurado na natututo ang mga ito. Habang tumatagal, natututuhan niyang balansehin ang kanyang oras sa sarili, sa trabaho, at sa pamilya. Hindi niya mapili kung mas gugustuhin niyang maging estudyante o guro sa LPSci. Ika niya, swerte siya at naranasan niya ang parehong mukha ng paaralan– ang pag-aaral at pagtuturo. Hindi rin naging madali ang kanyang pinagdaanan bilang mag-aaral ng nasabing eskwelahan, sapagkat kagaya sa atin ay naranasan niya kung gaano kahirap ang mga gawain na ibinibigay at mas maraming asignaturang inaaral. Ngunit naunawaan niyang ang pagiging guro sa isang espesyal na paaralan na gaya ng LPSci ay hindi biro, dahil tila pangmataasang kaalaman ang ibinibigay sa mga estudyante.

Ngayon na siya ay isang guro, gusto niya maging isang magandang ehemplo sa mga estudyanteng kanyang tinuturuan. “Masaya maging teacher na pwede ka maka-inspire, na you will do the same like how the past teachers had done to you.” At hinihiling niya na sana ay maibahagi niya ang kanyang kaalaman para sa kabataan, at para sa bayan.

Marahil pakiramdam natin ay hindi natin tinatahak ang daang inaasam natin, ngunit talagang mapaglaro ang tadhana, nasa sa atin na lamang kung paano natin ito ipapanalo sa buhay.

This article is from: