Puwang Lucky Lee Garcia Tama nga ang tadhana. Hindi kailanman magtatagpo ang gabi at umaga. Mananatili ang pagitan sa buwan at mga tala. At gaano mo man katagal hinintay ang pagdating at pananatili ng taong pinipili mo sa bawat sandali, magkaiba pa rin ang musikang pinapakinggan ng puso at isip. At sa mga puntong hindi mo na maramdaman ang bigat at pait ng mga bagay sa paligid, huwag kang manahimik. Iparamdam mo sa iyong mga mata ang pagpikit, taliwas sa pahingang sa sarili mo’y ikaw mismo ang nagkait. Yakapin mo ang bagyo ng sakit at galit. Wag kang magmadali. Dahan-dahan mong ibalik ang mga alitaptap, ang paglipad mo sa himpapawid, ang pagkapit mo sa maling bisig at ang pagbagsak mo kasama ng mga paru-paro ng madayang pag-ibig. Magtira ka ng kaunting hininga at kung nararamdaman mo na ang nag-aabang na pagsuko, umahon ka. Bumangon ka. Hindi natatapos ang lahat sa huling letra at simbolo ng pahina. Pero ‘wag na muling maging bulag sa huling mensahe ng tula dahil baka nga— Tama ang Tadhana. Tama na muna.
53