Sa Likod ng Kariktan

Page 11

Ang Opisyal na Pahayagang Pangmag-aaral ng Pamantasang Normal ng Pilipinas KASAPI: College Editors Guild of the Philippines (CEGP) | Progresibong Lupon ng Manunulat (PLUMA-PNU) EDSA AND NATIONAL ARTS MONTH ZINE
DIBUHO · BEA SOPHIA CARATAY

SA KAHABAAN NG EDSA

JOSEPH ELI OCCEÑO

Sa kahabaan ng EDSA Libo-libo ang nagdurusa sa komyut at trapik na pasan ng mga manggagawang imoral ang sahod at pinapatay ng kontraktwalisasyon at ng gyerang masaker sa taumbayan—

Sa taumbayang sawa na sa konstitusyunal na reporma upang baguhin ang estado.

At ngayo’y gagamitin ang rebolusyonaryong karapatan upang lansagin ito.

At ating gunitain ang libo-libo ring nangahas at umangal sa lideratong inutil hanggang sa mapatalsik ang diktador sa puder.

Sa kahabaan ng EDSA— hindi pa tapos ang martsa!

SA LIKOD NG KARIKTAN 2

PINALAYA NG SINING

FATIMA GUINTO

‘Di makatakas sa madilim na bangungot, Sapagkat dahas ang sinapit, inalipusta’t tinakot, Bibig ay iniipit, Nawalan na ng pag-asa’t, nanahimik.

Nanginginig ang mga kamay, Ngunit gustong ipaglaban, maraming buhay, Nababalot ng hinagpis, Ngunit lumakas ang loob, nang makita ang karamay.

Nakita ang tinta, Nabuhayan at biglang sumigla, Sumulat nang sumulat, Hangga’t may dumadaloy na ideya.

Tinahi ang bawat salita, Pinagtagpi ang mga diwa, Sinuri ang sariling akda, Humanay sa linyang masa!

‘Di mapakaling maibahagi sa iba, Upang mensahe’y maiparating sa kanila, Naibuka bigla ang bibig, Ito na ang oras, wala ng makapipigil!

Pinagsama ang dalawang tungkulin ng sining, Sumulat at tumindig, Salamat, maraming tao na ang nakakarinig, Nailalahad na ang nasa isip.

Ngayo’y ‘di na mananahimik, Patuloy na gagamitin ang panulat at entablado, ‘Di na muling magdadalawang-isip, magtatanghal ako! Salamat sa’yo, sining — ako’y pinalaya mo.

KATOK

Tao po, Tao po. May tao po ba? May tao bang nakakakita, Sa danas ng mga lumilikha?

Tao po, Tao po. Nakikita niyo ba? Kung paanong ang mga likha, Tila’y mga palamuti na lamang. Katumbas ay kakarampot na barya, Para sa dugo’t pawis ng mga hinirang.

Tao po, Tao po. Naririnig niyo ba? Ang sigaw ng aming mga tintang binubura. Pilit na kinukulayan ng itim ang aming dangal, At binabaluktot ang wangis ng aming mga ipinaglalaban.

Tao po, Tao po. Buhay ang aming mga pinta! Tangan namin ang sining na nakahanay sa linyang masa! Tangan namin ang kalagayan sa kalsada!

Tao po, Tao po, Titigang mabuti ang sakit sa bawat rikit, Damhin ang gulo ng kapayapaang mapagkunwari. Patuloy na lilikha laban sa naghaharing-uri!

SA LIKOD NG KARIKTAN 4

HIBLA MHAIGNE AHNE LUCAÑAS

Mula ako sa pamilya ng mga manghahabi. Alam ko ang kwento ng bawat hiblang tinatahi ko. Kabisado ko bawat hilatsa, gaya ng tulang may sukat, saknong, tugma, at talinghaga. Bawat hibla ay pahayag ng emosyon at kalagayan ko. Madalas ay parte sila ng katawan ko, himulmol ng kaluluwa ko. Hinugot mula sa gulugod gaya ni Eba kay Adan.

Isang umaga sa kahabaan ng palengke ng Benguet, nakaupo ako sa harap ng tindahan ng mga telang habi ng pamilya ko. Lumapit ang isang ale, nakasalamin panangga sa araw, pula ang labi, habang suot ang malaking sumbrerong fedora.

“Ne, ang ganda naman nitong tela mo. Magkano?” Sabi niya habang hinahaplos ang telang isang buwan kong trinabaho.

“500 po.” Nakangiting tugon ko. Iniabot niya ang pera, tinalikuran ako sabay kuha ng tela. Ipinulupot ito sa leeg, kumuha ng larawan sa kanyang mamahaling selpon bago umalis.

Tinignan ko ang inabot na pera nang walang emosyon. Hindi kasya ang limang-daang piso para mapakain kami nila Nanay. Walang ring matitira para ipangbayad namin sa mga inutang na materyales. Kung titigil ako, isa pang dagok ito sa namamatay na industriya ng paghahabi.

Hindi ako pwedeng tumigil. Araw-araw kong isasalang ang mga daliri ko sa pagod. Walang pagod na pagtatagpi-tagpiin ang mga hibla habang ikaw ay paulit-ulit rin na mananawagan na tangkilikin ang gawang lokal dahil hindi lang naman tungkol sa akin ang paghahabi. Tungkol din ito sa iyo, sa hibla ng pagkatao mo bilang Pilipino.

5

Umupo ako sa harap ng salamin, Kinuha ko ang pulang powder at siyang nilapat sa aking pisngi. Nang makita kong pantay na, Saka ko kinuha ang lipstick na pula. Nilapat at kinalat sa aking labi. Hanggang manalaytay ang kompyansa sa sarili.

Nang makitang maayos na ang sarili, Ay siyang aking paggayak. Bawat hakbang ay ramdam ang bawat sulyap, Rinig ang bawat haka-haka. Hindi ko ito inalintana at hinawi pa ang aking buhok Na akala mo ay rarampa sa isang paligsahan.

Nung ako ay nasa gilid na ng eskinita, Bigla na lang akong hinila

Nagpumiglas pero hindi ako makawala. Ang mamula-mulang pisngi ay napalitan ng pasa At ang pulang lipstick ko ay naging likido na.

Lagi na lang bang ganito?

Kung hindi diskriminasyon dahil sa kasarian ko, Inaatake at inaabuso naman ako. Maswerte na lamang ako at ako ay humihinga pa, Habang ang iba ay isinilid na sa maleta.

Pero hanggang dito na lang ba?

Hahayaan ko na lang ba na yurakan ako at gawing basura?

Wala akong sinayang na sandali

Kahit ako’y wala sa sarili

Tumayo ako at naglakad

Tumungo sa lansangan

Kung saan rinig ang bawat ingay, Ang bawat sigaw, ang iba’t-ibang hinaing

Namataan ang kapwa inabuso

Dala ang aking danas at hinagpis

Nilahad ko ang aking kwento.

Hindi dito natatapos ang aking pakikibaka

Katulad ko, marami din ang sinamantala

Niyuyurakan ang pagkatao at tinuturing na basura

Kaya tuloy-tuloy ang pagsulong ng ating karapatan

Gamit ang red lipstick, Ihayag ang sarili pati ang adhikain

Kasama ka, protektahan ang isa’t-isa

Mula sa mga taong mapang-abuso, mapangsamantala

Dahil hindi na natin muling hahayan kumalat ang lipstick na pula.

LIPSTICK
MARIA ASHLEY DENISE BARBOSA

PAGPUPUKSA SA LAHING PARASITIKO

EVERLINDA OLID

Hindi pa nakuntento ang lahi ng mga kuto sa dugong sinipsip Sa anit ng patpating katawan

Ng matandang namamalimos sa lansangan Ilang dekada man ang dumaan.

Busog man sa ninakaw na yama’y ‘di mapapakali Ang kanilang sikmurang gahaman.

Ilang ulit mang tirisin ang kanilang lumulobong katawan, Sila’y hahanap ng paraan

Upang patuloy na makinabang sa ‘di nila pinaghirapan

Paulit-ulit na lalawayan ang hibla ng mga buhok

Hindi palalagpasin ang bawat sulok

Uubusin nang sagaran ang lakas ng naghihingalong katawan

Upang mapatunayan na angkan nila’y makapangyarihan

Ngunit darating ang araw na ang ale ay maririndi sa kakakamot sa ulong naaagnas

Mapagtatantong ‘di sapat ang pagkamot, kinakailangan niya’y makaalpas!

Kaya’t kukunin niya ang gunting at sariling repleksyo’y pagmamasdan Handa na siyang isiwalat ang lagim ng mga parasitikong nanahan Sa kanyang sariling tahanan, Magpapatuloy siya upang ipaalala na siya’y makapangyarihan, Na pagmamay-ari niya ang kanyang katawan

Sugatan ma’y ‘di malilimutan ng kanyang isipan Ang kasamaan ng mga parasitikong naghahari-harian

Ikikintal sa puso’t isipan ang mga aral na natutunan, Upang lahi ng mga kuto’y maglaho nang tuluyan.

7

THE WARRIOR

DIBUHO · JOSEPH ELI OCCEÑO

BAMBANTI

MUSIKA AT TEKSTO NI JOEL COSTA MALABANAN

Sa pagkilos ay tiwangwang

Ang Bambanting tila aswang;

Di natitinag sa bawang

At sibuyas nang magkulang!

Uwak na nagsiliparan

Presyo, tungong kalangitan

Ang sahod ay nakapugal

Ng manggagawang marangal!

Duli nang duli kung saan

Alang-alang daw sa bayan

Lomobo ang ating utang

Busog, nasa Malacanang!

Ang Bambanti’y walang galaw

Sa malayo nakatanaw

Nilalanggas ang pangalang

May dungis sa kasaysayan!

Maigi pang pababain

Usigin na at sunugin

Panakot na walang silbi

Kundi yaman ay isubi!

9

TUWING PEBRERO ERICA

Dumadagundong ang tunog Tunog mula sa mga tambol. Makukulay ang nakasabit Ngiting-ngiti ang mga papel na bumabati.

Mga pinanday na paa’t kamay Sabay-sabay

Tinataas, pinapadyak May kurba sa mga labing Hinulma ng nasa’t pagtitiis.

Naglakad pasulong

Bitbit ang susuoting barong Mabilis. Sumusuot sa kung saan.

Natigil ang paglalakad. Uka na pala ang sapatos.

Panibagong problema Pagkatapos ng Pebrero.

Naglakad pasulong

Bitbit ang susuoting barong Mabilis. Maingay. Para ‘di na muling Humantong sa gantong sitwasyon.

MAE GOZO

Sa pagtapak ng aking mga paa sa lupain ng Mindanao ay agad akong namangha, sa yaman ng kanilang tradisyon, kultura, paniniwala at pamamahala.

Pagkatapos ng kasiyahan, kami ay nagtipon-tipon upang sabay-sabay na kumain at magsalo-salo sa kanya-kanyang baong kwento at tawanan.

Nagising ang diwa ko, akala ko magiging payapa na ang lahat, akala ko bumalik na ulit sa dati. Ilusyon lang pala.

Tumayo ako sa aking higaan, at tinignan ang paligid. Binalot ng katahimikan ang dating maingay na tawanan.

Nawala ang makulay na kultura, ang tanging naiwan ay pula, kulay ng karahasan. Maraming nawala. Maraming nawalang Lumad.

Ito ay buhat ng walang habas na pagpatay sa kanila, panggigipit ng karapatan, pagnanakaw sa sariling teritoryo, pagpapasara sa kanilang munting mga paaralan. Sa bawat araw na ginugugol ko sa kanilang lugar, mas tinatalupan ang likas na yamang ani ng kabukiran nila.

Unti-unting naglaho ang masayang kapaligiran, napalitan ng walang kulay at nakalulunos na katahimikan.

Nawala ang makulay na kultura, ang tanging naiwan ay pula - ngayon ay patuloy ang pakikibaka!

PULA GIMELYN LUMINATE

HIGIT PA SA NASISILAYAN

Hindi lang lutong o lalim ng mga salitang iyong hinahabi ang dapat hangaan O kung paano mo binibigyan ng ningning ang mga mata ng sinuman Ni hindi rin sa bawat indak na nagagawa ng iyong katawan, O kung paano mo nabibigyang kulay gamit ang iyong munting kamay ang iba’t ibang kathang larawan.

Higit pa sa mala-anghel mong tinig, Sa linaw ng mga larawang iyong pinipitik, Sa dramatisasyon ng nakauulol mong halik, At tibay ng imaheng iyong hinulma mula sa putik Ang dapat masilayan Ng mga pagod at manhid na mata’t isipan.

Ang sining ay higit pa sa libangan Nagagawa nitong pagyabungin ang isipan, Binibigyang liwanag ang pinakamadilim na bahagi ng ating kasaysayan Nang maalala ang ninakaw na mga karapatan ng mga buwitre’t halimaw sa lipunan.

Ang sining ay makapangyarihan. Binabasag nito ang katahimikan, Sinisiwalat ang karahasan, Upang maiparating ang hinagpis ng mga taong nagdaan At iba pang inhustisyang nararanasan ng kasalukuyan.

Ang sining ay kawangis ng karagatan. Kinakailangan lusungin ang lawak at lalim upang pambihirang yaman ay matuklasan.

Kaya’t sa susunod na mapukaw ang iyong mga mata Sa mga likhang sining na nasisilayan, Maalala mo sanang ‘di lang perlas ang matatagpuan sa ilalim ng karagatan Nariyan ang pating na naghahasik ng lagim upang pagsisid ay ‘di mo na subukan.

EVERLINDA OLID

SA GITNA NG KAINITAN, IPAGLABAN ANG KARAPATAN

Sa pagsapit ng alas tres ng hapon, umalingawngaw ang kaluskos, sigaw, at bulong ng pagmamakaawa sa isang kwarto kung saan kulob ang lugar, makapanindig-balahibong ingay ang hatid nito, na tila nanaisin mo na lang maging bingi’t bulag upang hindi na ito maulinigan.

Binuksan ko ang telebisyon, tumambad ang isang lalaking nagsasalita, ang salarin sa kabi-kabilang pagtangis at pagmamakaawa. Mas lalo lamang lumakas ang pagsusumamo’t panagawan nila.

Natapos ang talumpati ng lalaki. Ilang saglit pa, napatakip na ako sa aking tenga. Ang sakit, sobrang sakit. Sumisigaw na sila.

“NEVER AGAIN! NEVER FORGET!”

“Kahit sinong maging presidente may reklamo pa rin kayo,”

Simula noon hanggang ngayon, iba’t ibang president ang nagdaan, ngunit hindi pa rin sila tumigil sa walang kasawaang red tagging, baluktot na justice system, judicial killings, at hindi tamang pagtrato sa mga katutubo.

Pilipinong hindi naririnig.

Pilipinong biktima ng bulok na sistema.

Naalala mo paba sina Kian Delos Santos, Frenchie Mae Cumpio, Chad Booc at Betty Belen? Estudyante, mamamahayag, indigenous leader. Iilan pa lamang sila sa mga Pilipinong nadawit sa pagkakulong, pagpapahirap at pagkamatay sa kamay ng militar.

Pilipinong handang ipaglaban ang karapatan ng lahat. Pilipinong handang tumayo para sa pakikibaka at sa bansang Pilipinas.

Sa pag-usbong ng lipunang handang makibaka, kasabay nito ang paglaban sa disimpormasyon sa bansang Pilipinas.

Ang diwa ng pakikibaka’y katumbas rin ng saysay ng ating kasaysayan.

13
GIMELYN LUMINATE

LUMABAN, LUMALABAN, AT LALABAN

SA LIKOD NG KARIKTAN 14
DIBUHO · ERIC JOHN DIMASAKAT

PAGMAMAHAL

‘Hindi tayo pwede Pinagtagpo pero ‘di tinadhana’

Ramdam ko ang bahagyang pagsakit ng dibdib dahil sa yanig na dulot ng sobrang lakas ng dagundong ng kanta mula sa stereo ng sinasakyan kong dyip. Tiningnan ko ang iba pang pasahero at nakitang sumasabay sila sa kanta.

“Bayad po. Pasuyo po, ate!” bahagyang pasigaw na wika ng isang pasahero sa akin. Inabot ko ang pamasahe at ibinayad sa mamang tsuper.

Maya-maya pa, huminto ang dyip sa harapan ng isang tindahan. Tiningnan ko ang mga paninda. Puro hugis puso at bulaklak. Litaw ang kulay rosas at pula. Paniguradong malaki ang kita nila lalo’t Pebrero na.

May sumakay na magkasintahan. Umurong ako para makaupo sila. Muling umandar ang dyip.

Napatingin ako sa aking katabi. Abala sa panonood sa cellphone ng romance movie na ginampanan ng isang sikat na loveteam mula sa malaking istasyon sa bansa.

Nag-iwas ako ng tingin bago maramdaman ang sunod-sunod na pagtunog ng cellphone ko hudyat na may bagong mensahe. Kinuha ko iyon sa bulsa ng kalong kong bag.

From: Mama

Asan ka?!

Sino na namang kasama mo?

From: Isabel

Mahal, nakauwi ka na?

Tumingin ako ulit sa paligid.

“Ang hirap magmahal sa lipunang lulong sa konsepto ng pagmamahal ngunit ‘di kayang tanggapin ang iba’t ibang mukha ng pag-iibigan,” bulong ko sa isip bago muling binuksan ang cellphone at nagtipa.

To: Isabel

Nasa byahe pa, mahal. Sunduin kita ulit bukas? :’))

15

MULAT

Mula noon, Hanggang ngayon, Patuloy na mangangalampag, Patuloy na makikibaka!

Hangga’t nakaupo silang mga berdugo, Silang mga lason sa lipunan.

Hangga’t buhay ay pinagkakait at kinukupit.

Mula noon, Hanggang ngayon, Patuloy ang sigaw para sa pagbabago!

Sa likod ng matataas na gusali, Sa maingay na kalsada, Mayroong mga nakayapak at mabigat na pasyon.

Dinggin ang pasulong na hamon sa mga pasista;

“Itaas ang sahod ng mga manggagawa!”

“Tigilan ang mga pag-atake!”

“Hustisya para sa mga ninakaw na buhay at dignidad!”

“Kalayaan mula sa tiranya!”

Mulat kaming magpapatuloy sa pakikibaka!

Hinding hindi yuyukod sa sinasamba ninyong tuta!

SA LIKOD NG KARIKTAN 16

TUMINDIG

Hanggang kailan tayo mananahimik?

Hanggang kailan tayo mag-iiba ng tingin, at magbubulag-bulagan sa danas natin?

Hanggang kailan tayo makakalimot?

Hanggang kailan tayo magtitiis?

Mas lalong pinipigilan, mas lalong bumoboses

Pilit man hinaan, ngunit mas lalong maninindigan

Pilit man takpan ang mga mata at bibig, ngunit hindi tatahimik, hindi pipikit!

Isang hakbang paharap, Isang lingon patalikod

Ang nakaraan ang siyang bukas at ngayon Hinding-hindi makakalimot, Hinding-hindi tatalikod.

Hangga’t may inaapi, inaabuso

Mas lalong titindig at kikilos Hinding-hindi magtitiis, Hindi laging sasang-ayon.

Ang pakikibaka ng masa, Ay hindi pansariling interes lamang Hangad nila ang magandang bukas, Para sa bayan.

Kailaman hindi matitiklop, maduduwag Lalaban at lalaban hanggang kamatayan.

Ang mga traydor at mapang-abuso ay hindi magwawagi Hindi pasisiil

Ang kasaysayan ay hindi mababago, Hindi mag iiba.

Walang ibang bersyon, kundi katotohanan lang.

Hangga’t may naiiwan, inaabuso at pinapatay ng sistema, Hinding-hindi mang-iiwan. Makikibaka para sa kinabukasan.

17

DIWA NG OBRA

EDERLYN TERRADO

Sa bawat likhang-sining, Madalas, ‘di tanaw ang kariktan, Malabo kung sipatin. Kung minsa’y parang hangin, – Walang dating.

Higit pa sa kulay ng tinta, O dibuho ng isang obra natatapos ang kahulugan, ‘Pagkat sa pagguhit, Nagsisimula ang pagmulat.

At kung pag-iral ay katumbas ng katatagan, Sa sining matutuklasan, Ang saysay ng paglipad, – pagpapabagsak sa uring mapangahas!

KONTRIBYUTORS

ARIANNE ROSEWELL MALING

EDERLYN TERRADO

ERICA MAE GOZO

EVERLINDA OLID

FATIMA GUINTO

GIMELYN LUMINATE

JOEL COSTA MALABANAN

JOSEPH ELI OCCEÑO

MARIA ASHLEY BARBOSA

MHAIGNE AHNE LUCAÑAS

BEA SOPHIA CARATAY

ERIC JOHN DIMASAKAT

JOSEPH ELI OCCEÑO

ERIC JOHN DIMASAKAT

PAGLALAPAT

RUSSEN JAY REYES

@TheTorchPNU /thetorchpnu

thetorch.pnumanila@pnu.edu.ph

COVER ART

Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.