10
FEATURES
M A Y-J U N E 2 02 2 | U P L B P E R S P EC T I V E .O R G
Katulad ng tumatagaktak na pawis ng mga tsuper ng dyip dala ng mainit at nakakapagod na biyahe, tila patak-patak na rin lamang ang natitira nilang kita sa maghapon bunsod ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo. Hindi maikakaila ang bigat ng krisis na ito sa kanila, lalo na’t sa suliraning ito, sila ang talo.
“Lagi na kaming talo – kaming mga tsuper.” Dama ang bigat sa mga salitang binitawan ni Mang Mario, isang tsuper at taga-pangulo ng pila ng pampasaherong dyip sa rutang Tanauan City-Calamba. Sa edad na 51 taong gulang, sampung taon nang namamasada ng pampasaherong dyip si Mang Mario. Isa siya sa mga biktima ng krisis sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo na lubhang naapektuhan ang pamamasada ng mga pampublikong transportasyon gaya ng dyip. Binansagan ang mga pampasaherong dyip bilang “hari ng kalsada”, ngunit dahil sa kasalukuyang krisis, ang mga tsuper ng dyip ang tila nakayukod.
Taas presyo, dagdag parusa Mula nang sumapit ang taong 2022, labingwalong beses na nagkaroon ng oil price hike sa bansa. Ang nangyaring taas-presyo sa petrolyo sa unang sampung linggo ng 2022 ay higit pa sa taas-presyo noong buong taon ng 2021. Sa kasalukuyang tala, epektibo mula Hunyo 7 ang muling pagtaas ng presyo ng mga domestic oil products. Umakyat sa halagang 2.70 na piso kada litro ng gasolina at 6.55 na piso kada litro ng diesel; samantala, 5.45 na piso kada litro naman ang kerosene. Dagdag pa rito, inaasahan ding umakyat ng humigit-kumulang P1 kada litro ng diesel at gasolina at 0.50 sentimos kada litro ng kerosene bago matapos ang buwan ng Hunyo. “Nagdadaingan ang aking mga miyembro, wala halos kinikita dahil mababa ang pamasahe tapos ang taas ng diesel. Sa diesel lang napupunta lahat.”, ani Mang Mario. Batid sa mga wika ni Mang Mario ang kanilang pag-inda sa taas ng presyo ng diesel para sa kanilang mga pampasaherong dyip. Matatandaan nitong ika-15 ng Marso, ipinatupad ang pinakamalaking pagtaas ng presyo ng petrolyo kung saan umabot sa 13.15 pesos kada litro ang diesel, 7.10 pesos kada litro ng gasolina, at 10.50 pesos kada litro ng kerosene. Umani ito ng mariing pagtutol mula sa mga tsuper at mga progresibong samahan na nagdulot ng mobilisasyon at protesta sa iba’t ibang mga lugar. (Basahin: “Wakasan na!”: Laguna youth, student sector demands response to remote learning problems, oil price hike for 2nd lockdown anniversary) Isang napakalaking dagok sa mga tsuper at motorista ang paglobo ng presyo ng produktong petrolyo ngayong taon. Kung ikukumpara sa presyo noong nakaraang taon, higit na 31 pesos ang nadagdag sa kada litro ng diesel, 20 pesos sa kada litro ng gasolina, at 25 pesos sa kada litro ng kerosene. Sa nakalipas na pitong taon, ngayon lamang umakyat ng $100 ang isang barrel ng Brent crude oil; habang ang Dubai crude oil naman ay pumalo na rin sa higit $100. Ang biglaan at malakihang pagtaas ng presyo ng petrolyo ay dulot ng iba’t ibang mga kaganapan sa pandaigdigang merkado. Ayon sa Department of Energy o DOE, ang Russia-Ukraine War ang isa sa mga pangunahing dahilan ng taas-presyo ng mga produktong petrolyo. Hinadlangan ng European
Union (EU) ang pag-angkat ng petrolyo mula sa Russia na pinagkukunan ng 40 porsyento ng gasolina sa mga bansang kabilang sa EU. Ang bansang Russia ay pumapangatlo sa mga bansang may pinakamalaking produksyon ng petrolyo at pumapangalawa sa mga malalaking eksporter ng petrolyo sa buong mundo. Kaugnay nito, ang Pilipinas ay kumukuha ng suplay ng produktong petrolyo sa mga bansang China (31%), Singapore (18%), South Korea (15%), at Malaysia (9%) na direktang kumukuha ng suplay mula sa Russia. Ayon kay Rino Abad, bureau director ng DOE-Oil Industry Management, ang Pilipinas ay nagdurusa sa “indirect hit” dulot ng nasabing alitan sa pagitan ng Russia at Ukraine. Dagdag pa rito, itinuturong dahilan ni Abad ang easing of lockdown sa Beijing at Shanghai, China sa pagkabawas ng suplay ng produktong petrolyo na siyang rason umano ng kasalukuyang oil price hike. Isa ring salik na itinuturo sa taas-presyo ng petrolyo ang napipintong pagsasabatas ng NOPEC (No Oil Producing and Exporting Cartels) Bill sa Estados Unidos. Naglalayon ang batas na ito na tanggalin ang state immunity shield at sampahan ng antitrust lawsuit ang mga bansa sa ilalim ng OPEC dahil umano sa kanilang ginagawang market manipulation. Aakyat ng mula 200 porsyento hanggang 300 porsyento ang presyo ng mga langis sakaling ito ay mapatupad. Ang napipintong pagsasabatas ng NOPEC Bill ay diumano nakaaapekto na ngayon pa lang sa presyo ng mga produktong petrolyo. Samantala, pinabulaanan ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) transport group ang mga dahilang itinuturo ng mga oil companies sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo. Ayon sa pahayag ng PISTON na ibinahagi ni Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel sa kaniyang personal Twitter account, hindi ang pisikal na suplay o ang ilang mga sigalot sa aktwal na bentahan ng langis ang dapat iturong dahilan sa taas-presyo ng langis. Ani PISTON, “Ang supply at demand at ang pagtatakda ng presyo batay dito ay pinagdedesisyunan lang ng mga monopolyo[ng] kapitalista, kartel at mga lokal na komprador. Layunin nilang kumamal ng malalaking tubo sa pinakamabilis na paraan.”
Deregulation at tax: Ang dalawang salarin Matunog ang Oil Deregulation Law kasabay ng oil price hike sa buong bansa. Ang Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998 (RA 8479) o mas kilala sa tawag na Oil Deregulation Law ay isinabatas noong administrasyong Ramos upang tanggalan ng kontrol ang gobyerno sa presyo, eksportasyon, at importasyon ng mga produktong petrolyo. Dahil dito, tanging ang pandaigdigang merkado lamang ang nagdidikta sa presyo ng petrolyo na iaayon depende sa oil price movements sa buong mundo. Samakatuwid, hindi pinahihintulutan ang kahit anong interbensyon ng gobyerno sa kabila ng walang tigil na paglobo ng presyo ng langis sa bansa. Alinsunod nito, iminungkahi ng Department of Energy sa Kongreso na amyendahan ang Oil Deregulation Law sa pamamagitan ng paglikha ng framework na pahihintulutan ang interbensyon ng gobyerno sa kasalukuyang
“TAYO AN
Pasakit ng Oil Price Hike
NINA SAM DELIS AT ALI STAFF W
isyu. Samantala, naglatag naman ng mga proposal si Albay Rep. Jose Salceda kabilang ang paglikha ng strategic petroleum reserve, pag-unbundle ng retail price ng gasolina, at pagpapaigting ng price transparency. Dagdag naman ni DOE Undersecretary Gerardo Erguiza, dapat ding magkaroon ng amyenda ukol sa pagsuspinde ng excise tax sa produktong petrolyo sakaling umabot na sa $80 ang presyo ng kada barrel sa loob ng tatlong magkakasunod na buwan. Bukod sa Oil Deregulation Law, isang malaking dagok din sa mga motorista at tsuper ang excise tax. Sa ilalim ng administrasyong Duterte, ipinatupad ang TRAIN Law (Tax Reform for Acceleration and Inclusion) kung saan nagpataw ng labindalawang porsyento ng value added tax o VAT (12% VAT) sa mga produkto kabilang na ang petrolyo. Patuloy ang pagkalampag ng mga tsuper at iba’t ibang samahan pang-transportasyon upang suspindehin ang 12% VAT at iba pang mga higher excise tax na isang mabigat na pasanin sa mga tsuper at motorista. Agad namang kinontra ng Department of Finance ang panawagang ito sapagka’t mawawalan diumano ng 141.7 bilyong piso ang gobyerno kung isususpinde ang sinasabing excise tax. Dagdag pa rito, kontrolado ng mga malalaking negosyante ang pinagkukunan ng langis sa ating bansa. Kilala ang Malampaya gas field bilang pinakamalaki at tanging pinagkukunan ng komersyal na produktong petrolyo sa bansa. Sampung porsyento lamang ang bahagi ng Philippine National Oil Company, na kontrolado ng gobyerno, sa langis na galing sa Malampaya. Samantala, ang 90 porsyento ay hawak ng mga negosyante – 45% sa Shell Philippines Exploration B.V. at 45% sa Udenna Corporation. Matatandaang nitong 2019, binili ni Dennis Uy, isang bilyonaro mula sa Davao at kilalang taga-suporta ni Pangulong Duterte, ang 45% ng Malampaya gas field
mula sa Chevron Philippines. Samakatuwid, tanging sampung porsyento lamang ng Malampaya gas field ang hawak ng gobyerno; samantala, 90 porsyento nito ay kontrolado ng mga bilyonaryong negosyante at korporasyon. Monopolyado rin ng kartel ang merkado ng produktong petrolyo sa bansa kung kaya’t nagagawa nilang itaas nang biglaan ang presyo ng langis. Mula sa infographics ng League of the Filipino Students - Cagayan Valley, makikitang 24.88% ng merkado ng langis ay hawak ng Petron. Samantala, 18.25% ang bahagi ng Shell, 6.7% sa Phoenix, 6.48% sa UniOil, at 6.13% sa Caltex. Dahil sa dalawang salarin na Oil Deregulation Law at excise tax dulot ng TRAIN Law, mananatiling dehado pa rin ang masa, partikular na ang mga tsuper. Hangga’t monopolisado at hawak ng mga malalaking negosyante at korporasyon ang langis sa bansa, magpapatuloy pa rin ang kawalan ng kontrol sa paglobo ng presyo nito.
MaGAStos Gaano nga ba kapait ang naging sitwasyon ng mga tsuper dahil sa oil price hike? Wika ni Mang Mario: “Ang problema talo kami. Sa buong maghapon, bibiyahe ka, let’s say kukuha ka ng apat na biyahe. Ang katawan mo bumabagsak, para lang makaabot ka sa kita, aabot ka ng gabi. Ito reyalidad lang talaga ha. Hapon na, magkano lang ang hawak mo? Iba-boundary mo pa. Hahabol ka pa sa gabi, latang lata na ang katawan mo.” Isang mabigat na kalbaryo para sa mga tsuper ang pagkayod ng mahigit labindalawang oras para lamang kumita ng napakaliit na halaga. Pagod na katawan para lamang sa katiting na kita – tanging mga walang puso lamang ang hindi mahahabag sa binitawang mga salita ni Mang Mario. Sa katunayan, marami sa mga tsuper ang