2 minute read

Mabini Colleges, muling nagdaos ng full face-to-face classes matapos ang dalawang taon

Ni: Giane Antonette A. Labarro

Sinimulan nang muli ang full face-to-face classes sa pansekundaryang departamento ng Mabini Colleges noong ika-8 ng Agosto, taong 2022 matapos ang dalawang taong pagsasagawa ng online at modular classes dahil sa pandemyang COVID-19.

Advertisement

Ayon kay Elmer A. Delos Angeles Jr., punong guro ng MCHS, dumaan ang institusyon sa mahabang proseso bago tuluyang ibinalik ang dating paraan ng pag-aaral kung saan ngayon ay mayroon na lamang 20 hanggang 36 na mag-aaral sa bawat silid.

Matapos isagawa ang isang online na sarbey ukol sa full face-to-face na pag-aaral sa Mabini, nakitang lahat ng 20 estudyanteng mula baitang 7 hanggang 12 na sumailalim sa sarbey ay sang-ayon sa ginawang pagbabalik ng institusyon sa nakagawiang sistema ng edukasyon sa kabila ng pagkakaroon ng pandemya.

Isinaad ni Aldwin Jake Caramoan, isang mag-aaral sa ika-10 baitang sa MC, na siya ay pabor sa full face-to-face classes sapagkat mas mabilis nang nauunawaan ang mga aralin at hindi na nakararanas ang mga mag-aaral ng paghihirap pagdating sa paggamit ng internet.

Sa kabila ng pagsang-ayon ng mga estudyante, may ilan pa ring mga magulang na nangangamba sa kaligtasan ng kanilang mga anak kontra COVID-19 sa loob ng paaralan.

Upang masiguro ang kaligtasan ng mga estudyante laban sa pandemya, mahigpit pa ring ipinatutupad ang pagsunod sa health protocols tulad ng pagsuot ng mask at social distancing.

This article is from: