2 minute read
Replay Bago Call
ni: Karl Antoni A. Era
Nakatanggap ng kauna-unahang yellow card ang team captain ng Creamline Cool Smashers na si Alyssa Valdez. Nagmula ito sa kaniyang pagprotesta sa call ng lineman at referee, kung saan ayon kay Alyssa ang bola ay napunta sa outside. Ito ay dahil sa off-the-block spike ni Jelena Cvijovic na import ng Chery Tiggo laban sa depensa ni Yeliz Basa at Pangs Panaga ng Creamline. Ang protestang ito ng team captain ay tinanggihan ng referee at naging dahilan sa pagbigay ng yellow card.
Advertisement
Ang bad call na nangyari ay kakontra-kontra naman talaga. Nagkataon lamang na hindi gumagana ang nasabing challenge system. Kitang-kita rin na nagkaroon lamang ng maling tingin ang referee at lineman.
Sa pagpataw ng yellow card, hindi dapat ito basta-basta. Lalo na kung naging kalmado at may respetong naibigay sa diskusyon sa pagitan ng manlalaro at referee. Tulad na lamang ng ipinakita ni Alyssa, kung saan maayos naman nitong ipinaglaban ang kanilang punto. Tungkulin din ng referee na isantabi ang nasabing protesta ng team captain at magkaroon ng pagdedesisyon sa pagtatapos ng laro. Bilang unang referee dapat nitong pahintulutan ang karapatan na ito ng team captain. Ito ay alinsunod sa Fédération Internationale de Volleyball’s (FIVB) official volleyball rule.
Maililinaw ang sitwasyon kung sakaling gumagana ang challenge system noong ginaganap ang laro. Maipapakita sana nito kung outside at inside nga ba ang bola o hindi. Naiwasan din sana ang paglalabas ng yellow card. Tatlong calls lamang ng referee ang naitala na may depekto. At kung isinantabi muna ang diskusyon at tiningnan ang mga kuhang video, mapipigilan ang pagbibigay ng hindi malinaw na call ng referee. Mahahadlangan din ang pagbabahagi ng yellow card kung ito ay naisagawa.
Kung gustong makita nang mas malinaw ang mga pangyayari sa laro, dapat magkakaroon ng paghahanda sa challenge system. Idagdag na rin ang paghahanap ng video kung saan makikita ang natamong fault sa laro. Ito ay upang mas mabigyang linaw ang pagbibigay ng warnings ng referee. Mailalahad din nito kung tama ba ang ginawang calls nito.
Ang hindi patas na pagbibigay ng call ng referee ay dapat lamang na kinekwestyon. At imbis na paglalahad lamang ng kaniya-kaniyang pahayag, mas makabubuti kung may maipapakitang basehan. Para maiwasan ang ano mang kahihiyan sa pagkakamali.