3 minute read
MC, inalis ang huling sagabal sa WVB tungo sa Regional PRISAA
ni: Christopher Jesus B. Tabanao
Pinakawalan ni Yvon Reyes ang mga nakakalulang spike na lumikha ng 13 puntos, pinangasiwaan naman ni Chabelita Ranido ang kaniyang koponan at nakabuo ng 6 na puntos.
Advertisement
Nagsimula ang unang set at nakuha ni Reyes ang unang puntos ng laban para sa Mabini, subalit ang parehong pangkat ay nagkaroon ng salitan sa kung sino ang mangunguna, hanggang sa ito’y tinuldukan ni Ashly Del Mundo mula sa kaniyang atake na nagbigay ng tatlong puntong lamang para sa Mabini, na nagresulta sa iskor na 8-5.
Nasobrahan ang lakas ng mga palo ni Reyes na nagdulot sa kalamangan at pagbawi ng Lourdes, kinuha ni Jannah Mae Rañada ang pagkakataon na ito upang hayaan ang Lourdes na makapagtamo ng dalawang puntos na lamang ngunit nakabawi rin si Reyes nang siya ay nagpalaya ng tumatagos na spike, pinantay ng atakeng ito ang magkalabang koponan sa iskor na 12-12.
Pinakitaan ni Del Mundo ng diskarte ang Lourdes, habang ang mga puntos ay magkalapit sa isa’t isa, nautakan ni Del Mundo ang kahandaan sa depensa ng kaniyang kalaban na koponan sa pamamagitan lamang ng halos magaan na pagtapik sa bola, inaasahan ng Lourdes na ang isang malakas na spike ang gagawin ni Del Mundo, mula rito naging dalawang puntos na ang lamang ng Mabini, 21-19 Nanatili ang lamang ng Mabini matapos ang service error mula kay Manigbas ngunit mabilis naman itong nasundan ng service error galing kay Rañada, at nagresulta sa iskor na 22-20.
Tumanghal ng isang service ace si Del Mundo na siya ring nabawi ng kaniyang sariling service error, sa kabilang dako nito, sinelyohan ni Kristine Lomerio ang panalo ng Mabini sa unang set, natapos ang laro na may iskor na 25-21.
Ipinagpatuloy ni Rañada ang laban para sa kaniyang grupo nang maisagawa niya ang kaniyang service ace na sinimulan ang ikalawang set, hindi alintana kung paano siya nagsikap, nanatili ang pangingibabaw ng mga mala-bombang spike ni Reyes na nagbigay daan sa Mabini upang makuha muli ang lamang para sa ikalawang set, 2-1.
Nagpakawala naman ng mabisang spike si Ranido bilang atakeng hindi nadepensahan ni Nierva, gayunpaman nahayaan ni Ranido na halos makaabot ang Lourdes dahil ang kaniyang atake ay kinontra ng net, matapos sumabit ng bola rito na nagdulot ng score na 5-4.
Lumalagablab pa rin ang lakas ni Reyes nang mapatunayan niya ito sa pagsagawa ng tatlong sunodsunod na service aces, pinatigil niya rito ang Lourdes na magkaroon lamang ng 4 na puntos habang mayroon pa silang 10 puntos na hahabulin sa Mabini, 14-4.
Nabigong ma-receive ni Palmero ang atake ni Rañada, ngunit ang service ace na sinundan ng matagumpay na spike ni Ranido, na sinamahan pa ng error ng Lourdes ay nagresulta sa pananatili sa 3 puntos ng kalabang koponan ng Mabini habang may 10 puntos pa itong lamang, 18-8.
Napuspos ang Lourdes sa lakas na pinakita ni Yvon Reyes, dahil dito nagkaroon ng maraming pagkakamali ang kalabang pangkat ng Mabini, tulad na lamang ng miscommunication sa kung sino ang tatanggap sa bola mula sa receive ni Nierva, nakamit ng Mabini ang championship point matapos makapagtamo ng puntos si Manigbas para sa set point, natapos ang laro na may 10 puntong lamang ang Mabini, 25-15.