3 minute read
Itinayo, Dancesports lang?
ni: Gian Carlo S. Napa
Iikot nang suave. Titingin sa kapares. Muling iindak. Bawat pilantik sabay sa kumpas ng musika, kasabay ng pagtulo ng likidong kapital ng sariling pangarap.
Advertisement
Isang kahig, isang tuka. Sa larangan ng dancesports, mahalaga kung saan ilalagay ang bawat pitik ng kamay at lapat ng paa sa entablado. Sa dinami-rami ng kalahok, sa’yo lang dapat nakatutok ang mga mata ng manonood.
Kaya nga, sa dalawang pares ng mga kalahok na ipinadala ng Mabini Colleges High School Department sa ginanap na Intramurals, nasungkit ang 1st runner-up sa kategoryang Latin at 2nd runner-up sa kategoryang standard.
Ibinuhos ang lahat, mula ikaanim hanggang ikasampu ng gabi, tuloy ang ensayo simbuyo ng kagustuhan sa pagsayaw. Iba’t ibang kinagisnan ngunit iisa ang nais – maipakita ang sarili sa rurok nito, hindi lang bilang isang mag-aaral, pati na rin bilang isang mananayaw.
Maraming naging hadlang upang magpatuloy sa dancesports, ngunit nahanap niya ang kaniyang sarili sa dagat ng naliligaw. Kapares ni Sheree Lou Rieza, na sabay umindayog sa ritmo ng mga napakasarap na tunog. Labing-isang taon sa pagsayaw, hindi pa rin nawawala ang apoy sa kaniyang mga mata. Sa tulong ng sariling pamilya, mga kaibigan, at ang kaniyang mga naging inspirasyon, nahanap ni Eman kung sino siya. Kaya, heto, bumubulong sa sarili ng, “ako ito.”
Heto naman si Joanna Gabriel D. Juguilon. Higit pitong taon na sa pagsayaw, unang beses sa larangan ng dancesports. Sa loob ng pitong taon na ito, natutuhan niya na marami pa ang kaniyang kayang gawin. Kahit nahaharangan ng matayog na hadlang sa paglago, sarili lang din naman niya ang nagtayo nito; sa tulong ng mga taong nagmamahal sa kaniya, at lalong-lalo na si Joanna, kayang-kaya nila itong patumbahin! Patuloy na sumisigaw, “kaya ko pa!”
Si Jermaine Emsly T. Baraquiel, kapares ni Joanna.
Sa bawat pagsubok na binibigay ng buhay niya, tanggap lang nang tanggap si Jermaine at pilit itong kinakaya – na naisasakatuparan niya naman! Mula grade 1 ay nahilig na sa pagsayaw, damangdama ang kaniyang presensya sa tuwing nasa gitna ng entablado. Kaya naman sa tuwing makalalampas siya sa mga bagong pagsubok, sasambit ng, “ito lang ba?”
Sa apat na naging mananayaw ng High School Department, hindi matatawaran ang mga sakripisyo para sa pag-unlad. Kay Eman, Sheree, Joanna, at Jermaine; sa susunod na pitik ng litrato kasama kayo, ngayong alam niyo na kung sino kayo at ano ang sariling kakayahan at limitasyon, sapat na ang pinakamalaking ngiti hudyat ng pagbabago!
Naipamalas ang galing at talento, isang hakbang paakyat sa mga pangarap. Sa harap ng napakaraming naging pagsubok, oras, at perang naging puhunan, naipundar ang sarili – hindi ito dancesports lang.