4 minute read

Tungo sa Tuktok

ni: Kyla Sophia V. Lagrisola

“Mahirap buhatin, mahirap din kayanin.” Ito ang nasa isip ng isang dalaga at kaunti na lang, bibitawan niya na ang kaniyang binubuhat.

Advertisement

Hindi niya ito magawang bitawan dahil hindi naging hudyat ang bigat pagdating sa kaniyang iniidolo at tinitingalang atleta na si Hidilyn Diaz. Naging inspirasyon niya si Hidilyn dahil siya ay isang kilalang weightlifter at ang pinakaunang Filipina na nag-uwi ng Olympic gold medal para sa Pilipinas. Isa rin siyang Olympic weightlifting record holder matapos manalo sa women’s 55 kg category for weightlifting noong 2020 Summer Olympics.

Mas lalo pang lumalakas ang kaniyang loob dahil iniisip niya na kung kinaya ni Hidilyn ang lahat ng iyon, siya pa kaya? Dahil dito, paunti-unti siyang humahakbang patungo sa taas tulad ng paghakbang ni Hidilyn upang makuha ang titulong hindi niya inasahan tulad ng titulong “Athlete of the Year”. Sa unang hakbang.

Simula pa lamang ito papunta sa taas, “huwag matakot lumingon sa likod dahil hindi pa naman mahuhulog.” Sa puntong ito, naranasan niya ang pambabatikos at pangungutya ng mga nasa paligid dahil lamang sa isa siyang weightlifter. Ito ay tumulad sa mga karanasang tumatak sa isipan ni Hidilyn noong siya ay nagsisimula pa lamang. Ikalawang hakbang.

Hindi pa malapit sa taas ngunit nadaanan na ang unang pagsubok na lumapit sa kanila. Ang tunog ng kampana sa kanilang paaralan ay hindi na muling mapakikinggan dahil mas pinili nilang mag-ensayo upang maging praktisado sa larangan ng weightlifting.

Kung pinili ni Hidilyn na itigil ang pag-aaral ganoon din ang ginawa ng dalaga sa kasalukuyang panahon. Ang pagdedesisiyong itigil ang pag-aaral ay napakahirap para sa dalaga ngunit sa paraang ito, mapapalago niya ang kaniyang kasanayan sa pagbubuhat.

Dako sa ikatlong hakbang.

Kung hindi na nila maririnig ang kampana, paano pa kaya kung hindi na rin maririnig ang kulitan sa loob ng kanilang tahanan? Ang sakripisyong hindi makakasama ang kanilang mga magulang at pamilya sa mahabang panahon ay nagbigay sakit sa kanilang damdamin. Mahirap man ito ngunit kakayanin dahil malapit na sila sa tuktok ng kanilang paroroonan.

Marami nang hakbang ang kanilang inilapat ngunit dahil sila ay determinado, hindi nila naisip na lumingon sa likod. May pagkakataon man na sila ay mahuhulog ngunit tinitibayan pa rin nila ang kanilang loob para sa kanilang pangarap at ito ay nakatulong upang patuloy pa rin ang kanilang paghakbang at pagbuhat sa pag-asang ang mga ito ay kanilang malagpasan.

Ang huling hakbang.

Sa wakas, nakaabot na rin sa tuktok at sa mga hakbang na kanilang nalagpasan, tila marami rin ang kanilang natutunan. Ito ang siyang naging batayan upang maging mataas ang kanilang pagtingin sa kanilang sarili sa sandali na sila ay kasapi sa kompetisyon para sa women’s weightlifting.

Ang kompetisyong sinalihan ng dalaga ay nagdala sa kaniya ng takot at kaba dahil sa isip na baka hindi niya matagumpay na maangat ang barbell at walang mauwing kahit isang medalyang matagal na niyang hinahangad. Sa sandaling mahawakan niya na ang barbell, sumabay ang pagtulo ng kaniyang mga pawis na nagsasabing malayo na ang kaniyang mga narating at ito’y malalagpasan din.

Dumating sa punto na naging matagumpay ang pag-akyat niya sa entablado at sa tuktok ng hagdang nagbigay ng pasakit at pagsubok. Ang mga iyon din pala ang nagbigay ng lakas sa kaniya nang siya ay nakatayo, nakataas ang parehong kamay, buhat ang mabigat na barbell at buhat ang kaisipang siya’y nanalo.

Ang hagdang inakyat ng dalaga ay nagbunga sa kaniya ng panibagong kasanayan sa larangan ng weightlifting. At siyang nagdulot ng pagkapanalo ng gintong medalya sa isang kompetisyong kaniyang sinalihan. Ang hagdang inakyat naman ni Hidilyn ang siyang naging proseso kung bakit hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang tagumpay niya bilang isang weightlifter. Walang pinagkaiba ang naging karanasan ng dalawang determinadong atleta. Ito ay dahil sa hagdang parehas nilang tinahak – puno ng pagsubok na kanilang nalagpasan.

Sa mga pangyayaring iyon, napagtanto ng dalaga na kahit mabigat ang kaniyang binubuhat, ay hinding-hindi niya ito bibitawan dahil ito ang naging dahilan kung bakit siya ay nakatapak sa entablado habang sinasabit sa kaniya ang gintong medalya.

“Ganito rin siguro ang naramdaman at naranasan ni Hidilyn Diaz,” isip ng dalaga habang iniisip pa rin ang kaniyang mga pinagdaanan bago mahawakan ang tagumpay. Ang kanilang mga karanasan ay siyang nakapagpatibay ng kanilang loob at naging bunga ng pag-akyat nila sa hagdan. Paakyat ng entablado at hagdan paakyat tungo sa tagumpay.

This article is from: