
3 minute read
Pinatagal ang Sandaling Panahon
ni: Julianne Lorlyn R. Cusi
Habang isinisigaw nila iyon, ako naman ay tumatakbo papunta sa kung nasaan ang bola. Pumwesto ako at humanda para sa receive sabay bigay ng bola sa aking kasamahan. May estudyanteng kumuha ng litrato ko habang naka-squat Noong napansin ko iyon, nanumbalik sa akin ang mga alaala ko nitong mga nakaraang linggo. Noong nagsasanay pa kami, kinukuhanan ko ng litrato ang sarili at ang mga kasamahan, dahil nais kong maalala ang mga pangyayaring ganito sa aking buhay. Sa bawat litrato, iba’t iba ang mga kwento sa likod nito
Advertisement
Sa mga unang araw, ang mga litrato ay puno ng saya at pananabik na laruin ang paborito kong isport. Labis ang tuwa ko nang nalamang may ganitong kaganapan sa paaralan at napili na maging isa sa mga manlalaro. Kaya nais ko na kapag binalikan ko ang mga ito, makikita talaga ang aking nag-aalab na pagmamahal para sa mga laro.
Noong nalalapit na ang laban, nakangiti man ay may halong kaba para sa sarili. Kinakabahan dahil hindi maiwasang maisip ang mga mangyayari sa mismong laban at pagkatapos nito.
Sa mga laban namin sa unang araw, hindi ko na magawang magpakita sa mga litrato dahil sa takot at hiya. Takot sa posibilidad na kami ay matalo at ako ang dahilan. Hiya para sa mga taong sumuporta sa amin pero madidismaya lang sa huli.
Pag-iwas sa ilaw ng kanilang mga kamera ay aking nagawa. Pagdududa sa aking abilidad at kagalingan sa larangan na ito ay aking hinayaan na pumasok sa aking isipan. Sa bawat block ng kalaban tuwing ako ay magsasagawa ng straight, unti-unting nawawala ang ilaw ng pag-asa sa akin. Ikinulong ang aking sarili sa kadiliman.
Ang ilang linggo na sakripisyo at paghahanda para sa larangang ito. Kinailangan kong maging malakas. Ang walang hanggang suporta nila sa akin ay binigyan ako ng kaginhawaan, hindi na kagipitan. Minahal ko ang larangang ito, patuloy ko pa ring minamahal dahil sa sayang pinararamdam nito sa akin.
Buong puso kong ginawa ang aking makakaya sa laro. Nagbunga rin dahil kami ang itinanghal na kampeon. Pinagmamasdan ko ang mga estudyanteng nagsasaya sa pagkapanalo namin. Sumisigaw, pumapalakpak, tumatalon, at winawagayway ang mga bandila, lobo, at maliliit na watawat.
Pagkatapos ng laro, muli kaming kinuhaan ng mga litrato. Pagod man ay pinakita pa rin ang aking pinakamagandang ngiti, dahil gusto ko pa ring magbigay ng istorya ang mga iyon. Sandali lang sa ating buhay ang pangyayaring ito, ngunit sa mga litrato at isipan, mananatili ito.
Ngayong sinisilid ko na ang mga maliliit na kwadradong litrato mula sa aking kabataan, napagtanto ko ang kahalagahan ng mga litrato sa pagsisilid ng alaala at pagtago ng emosyon sa mga panahong kinuha ito. Itatago ko man ang mga litrato, isa pa rin ako sa nakakaalala ng mga panahong pinatagal sa sandali.