3 minute read
Red Phoenix, napasakamay ang kampeonato sa Table Tennis Men's Doubles
ni: Gerry B. Dela Rosa Jr.
Gamit ang mabibilis na sidespins at matinding kooperasyon nina Codie Jimenez at Melcrist Alvarez ng High School Department Red Phoenix nasungkit nila ang kampeonato laban kila Marvin Cereno at Marc Daven Reblando ng College of Criminal Justice Education Maroon Knights sa kagilagilalas na sagupaan sa Table Tennis Men’s Doubles sa 2022 MC Sportsfest na ginanap sa PE Lobby ng Mabini Colleges Main Campus noong ika-1 ng Oktubre, alas dos y medya ng hapon.
Advertisement
Simula pa lamang ay nag-iinit na ang laban dahil sa dikit at mga tablang puntos ng parehas na koponan. Ngunit, tila hindi pumabor ang tadhana sa Red Phoenix sa unang set ng laro dahil bigo ang dalawang manlalaro na madepensahan ang matutulin na sidespins na pinakawalan ni Cereno na naging sanhi ng pagkalamang at pagkapanalo ng Maroon Knights, 11-9.
Kita man ang pagkadismaya sa mga mukha nila Jimenez at Alvarez, hindi sila nagpatinag sa pagkapanalo ng Maroon Knights sa unang set ng laro kaya naman sinigurado nilang magpakitang gilas upang mapasakamay ang mga susunod na set ng laban.
Naging dikit pa rin ang laban sa pangalawang set ng laro, masasalamin ang kagustuhan nina Jimenez at Alvarez na manalo sa mga mala-bulalakaw na tira at mala-pader na depensa na hindi naman nakuhang salungatin nina Cereno at Reblando, kaya natapos ang pangalawang set sa iskor na 11-9, pabor sa Red Phoenix.
Naging agresibo ang parehas na koponan sa ikatlong set sa pagpapalitan ng maopensang tirang spins at drives at madepensang tirang chops na naging dahilan upang hindi maglayo at maging tabla ang kanilang mga puntos, 10-10, subalit sa dulo ay patuloy na sumangayon ang ihip ng hangin sa Red Phoenix dahil hindi nasalo ng kabilang koponan ang pinakawalang magkasunod na forehandspins ni Jimenez, 12-10.
Simulang bahagi pa lamang ng ikaapat na set ay pinaulanan na ni Alvarez ng malulupit na sidespin at mahuhusay na serve ni Jimenez na bigo namang ibalik ng Maroon Knights kaya lumaki ang pagitan sa kanilang iskor, 10-3.
Ngunit, mistulang nawala sa kundisyon ang Red Phoenix dahil sa naging sunod-sunod nitong mga magkakamali at bunga nito ay nakaiskor pa ng apat na puntos ang Maroon Knights bago tuluyang makandado ng Red Phoenix ang pagkapanalo sa ikaapat na set, 11-7.
“Go High School!”, “Kaya n’yo ‘yan Red Phoenix!” Malakas na hiyawan at palakpakan ng madla ang nangibabaw sa MC PE Lobby bago magsimula ang ikalimang set ng laro.
Hindi naging maganda ang simula ng ikalimang set ng laro sa Maroon Knights dahil sa apat na sunodsunod na pagkakamali ang nagawa ni Cereno, 4-0.
Ipinamalas nina Alvarez at Jimenez ang kanilang galing sa pagpapakawala ng mga agresibong forehand sidespins na naging bunga ng patuloy na paglaki ng lamang nila sa Maroon Knights, 7-2.
Patuloy na naging maayos ang komunikasyon nina Jimenez at Alvarez upang maisagawa nila ang kanilang estratehiya na bigong makontra ng Maroon Knights, 10-3.
Sinelyadohan ni Jimenez ang pagkapanalo sa ikalimang laro na siya ring magdidikta ng kanilang pagiging kampeon, sa kaniyang pagtira ng mala-bulalakaw na forehand sidespin na sawing maibalik nina Cereno at Reblando, 11-3.
“Sa tingin ko po ang nakapagpanalo sa amin ay yung pagkakaroon ng tiwala sa isa’t isa. Natalo na po kami noon nang isang beses kaya nahulog kami sa bracket pero yung tiwala po namin andiyan pa rin kaya siguro umabot kami sa finals at nagchampion” saad ni Jimenez kung bakit nila naiuwi ang kampeonato.
“I am happy kasi ito na yung last year namin para mai-represent ang high school department, so being the champion again made me actually happy and satisfied” pahayag naman ni Alvarez sa kanilang pagkapanalo.