3 minute read

Hadlang sa Puwesto ng Pilipinas sa FIFA World Cup

ni: Chris-J D. Ramos

Batid ng nakararami, hindi gaanong nabibigyang pansin ang football sa bansang Pilipinas dahil ito ay natatabunan ng basketball. At dahil dito, mas napauunlad ang larangan ng basketball sa Pilipinas.

Advertisement

Ngunit paano kung ito ay babaliktarin, paano kung football ang mabibigyan ng opurtunidad na lumago. Inyong isipin na kung ito ay bibigyan ng tamang suporta, mas magiging madalas ang pagpasok ng Pilipinas bilang FIFA World Cup qualifier.

Kung magkakaroon ng sapat na pasilidad ang Pilipinas para sa football, mas marami ang mawiwiling maglaro nito. Tulad na lamang ng pagkakaroon ng maraming basketball courts sa ating bansa. Maraming kabataan ang nasasanay sa basketball dahil bukas ang mga pasilidad na ito upang masubukan nila ang laro. Paano na lamang kung mayroon ding nakatalagang mga football fields sa iba’t ibang baranggay o bayan. Sa paraang ito magkakaroon ng pagkakataon ang maraming Pilipino na mahubog sa larong football.

Makikita rin na kulang sa inspirasyon ang mga Pilipino sa larangan ng football. Kumpara sa basketball, maraming manlalaro nito ang naipapakita ang kanilang galing sa mga Pilipino. Isang halimbawa na lamang nito ay si Jordan Clarkson na isang FilipinoAmerican na manlalaro sa NBA. Dahil sa kanilang mga natamo may mga manlalarong nagnanais na maging katulad nila. Dahil dito, natatabunan at hindi masyadong nakikita ang mga manlalaro ng football sa ating bansa. Subalit kung mabibigyang pansin ang mga pinoy na manlalaro sa football tulad ng pagbibigay pansin sa mga manlalaro sa basketball, maraming kabataan at ibang mamamayan ang mabubuksan ang isipan tungkol sa football.

Kakulangan sa kaunlaran ng organisasyon ay isa rin sa mga dahilan kung bakit hindi umuusbong ang football sa Pilipinas. Kung paghahambingin ang basketball at football, ang ating bansa ay mayroong PBA o Philippine Basketball Association na nangangasiwa sa basketball. At PFL o Philippine Football League naman ang nakatutok sa football. Ang PBA ay mas naunang maitaguyod noong 1975, kaya naman ito ay mas maunlad at mahusay nang napondohan, kumpara sa PFL na itinaguyod nitong 2017 lamang. Kaya naman hindi naagapan ang pagunlad sa larangan ng football sa ating bansa.

Hindi makapasok ang Pilipinas dahil nakatuon ito sa basketball. Ito ay dahil mas madali at mas accessible sa ating mga Pilipino. Subalit nagtataglay ng malaking potensiyal ang mga Pinoy sa football. Kung magagamit ng mga Pilipino ang kanilang pagiging maliksi sa football, at hindi lamang sa basketball. Ang galing ng kabataan at ng iba pang pinoy sa football ay mas mabilis na mapauunlad. At ang Pilipinas sa mga susunod na mga taon ay makapagqualify na sa FIFA World Cup.

Kung magiging kasinlakas ng kultura sa basketball ang kultura ng football, dadami ang kabataang pipiling maglaro ng football. Bilang resulta nito, mas mabibigyang pansin ang football sa ating bansa. Kapag nagkataong dumami rin ang mga maglalaro ng football sa Pilipinas, magkakaroon na ng sapat na mga manlalaro ang bansa upang lumaban sa iba’t ibang kompetisyon. Ito ay para makilala ang bansa at mas umangat pa sa larangan ng football. At sa pagbibigay rin ng akmang pasilidad, tulong at suporta, ang tanging tututukan na lamang ng mga manlalaro ay ang pag-eensayo at pagpapaunlad ng kanilang galing sa football. Ang lahat ng ito ay makakatulong sa pagpasok ng Pilipinas sa FIFA World Cup.

This article is from: