3 minute read
Buhos na Suporta at Galing
ni: Marc Terrence E. Adante
Sa kabila ng pandemya, sinikap ng Dalubhasaang Mabini na buhayin muli ang larangan ng isports. Nagkaroon ng iba’t ibang paligsahan sa isports tulad ng Color Olympics at Intramurals nitong buwan ng Setyembre. Ngunit, pagdating sa mga manlalaro, hindi magiging madali para sa kanila kung wala silang matatanggap na buong suporta.
Advertisement
Ang paglaro sa paligsahan ng mga isports ay magiging mahirap para sa mga atleta kung wala silang natatanggap na suporta sa bawat kanilang ginagawa, suporta mula sa awtoridad, suporta sa pagbibigay ng maayos na lugar na mapag-eensayuhan, at suportang pampinansyal. Ito ay dapat na pagtuunan ng pansin at mapunan para sa mga atleta.
Ayon sa isang magulang ng manlalaro ng Table Tennis, marapat na may mailaan na pondo para sa kanilang anak na lalahok sa paligsahan. Aniya, dapat sagot na ng awtoridad ang tubig, pagkain, at kagamitan para sa mga manlalaro upang wala na silang ikababahala pagdating sa mga gastusin at matutukan na lamang ang paghahanda sa paglalaro ng isport. Marapat na isaalang-alang din ang pagbibigay hindi lamang sa suporta gayundin sa seguridad para sa mga manlalaro.
Sa kabutihang palad, ang Dalubhasaang Mabini ay sinikap na maglaan ng sapat na pondo para sa mga atletang sasali sa paligsahan. Wala nang ikababahala ang mga atleta sapagkat pinunan ng Mabini ang mga pangunahing pangangailangan nila, tulad ng pagkain, tubig, mga kagamitan sa bawat isports, at maging ang court na pag-eensayuhan ng mga manlalaro. Nakatanggap din sila ng mga hiyawan mula sa kaibigan, kaklase, at guro sa kanilang paglalaro, ito’y tanda lamang na ang lahat ng Mabinians ay bumuhos ang suporta para kanila. Kaya naman, taos-puso ang pasasalamat ng bawat manlalaro sa Dalubhasaang Mabini dahil ang pagbibigay sa kanila ng suporta ay isa sa mga patunay na binibigyang halaga ang bawat atletang Mabinian.
Kaya mahalaga sa mga atleta ang pagtanggap ng malaking suporta, maayos na pag-eensayo, at suportang pampinansyal. Ito ay magsisilbing daan upang wala na silang dapat na ikabahala pa at maging handa na lamang sa pagsabak sa paligsahan ng isports.
Sa pagtatapos, ang suporta na natatanggap mula sa iba ay mahalaga sapagkat ito ang maguudyok upang mas pagbutihin at ibigay ang lahat ng kakayahan sa mga ginagawa, sa kasalukuyan man at maging sa hinaharap. Dito ay napapagaan ang kanilang pakiramdam sapagkat alam nila na may mga taong nasa likod nila ang handang sumuporta sa anumang kilos at gawi kahit anong mangyari. Kaya naman, sa anumang tatahakin na paligsahan sa isports, kung may buhos na suporta para sa mga atleta ay makasisiguro na ang bawat sa kanila ay maibuhos din ang kanilang buong kakayahan, kahusayan, at determinasyon sa paglalaro.