2 minute read
"Bakunahang Bayan 2," inilunsad ng DOH
Ni: Gian Carlo S. Napa
Inilunsad ng Kagawaran ng Kalusugan (Department of Health) ang “Bakunahang Bayan 2” bilang bahagi ng National PinasLakas Special Vaccination Program Mabini Colleges, noong ika-5 ng Disyembre, taong 2022.
Advertisement
Idinaos ito sa pangunguna nila DOH Undersecretary Nestor F. Santiago, DOH-Bicol Regional Director Dr. Ernie V. Vera, at puno ng Camarines Norte Provincial Health Office na si Dr. Arnel E. Francisco
Naging kaakibat din ng mga nabanggit ang iba’t ibang kinatawan mula sa Provincial Health Office (PHO), Camarines Norte Police Provincial Office (CNPPO), at mga mag-aaral ng MC mula sa departamentong Nursing and Midwifery. Sinimulan ang okasyon sa pamamagitan ng isang maikling programa na pinangunahan ng ilang piling guro mula sa institusyon na sinundan ng pagbibigay mensahe ng Vice President for Academic Affairs ng MC na si Dr. Erlinda J. Porcincula. Bago sinimulan ang pagpapabakuna ng mga mag-aaral mula sa pansekundaryang departamento ng institusyon, nagbigay rin sina DOH Undersecretary Santiago, Dr. Vera, at Dr. Francisco ng kani-kanilang mensahe ukol sa kahalagahan ng bakuna kontra COVID-19.
Ayon kina Santiago, prayoridad ng DOH na mabigyang proteksyon ang mga mag-aaral laban sa pandemya lalo na sa panahon ngayon kung saan nagsasagawa na ng full face-to-face classes ang mga paaralan sa bansa.
Binakunahan at binigyan ng booster ang mga estudyante at gurong nagpalista mula sa Mabini Colleges High School Department sa tulong ng mga kawani ng DOH, PHO, at CNPPO at mga estudyante mula sa kolehiyo ng Nursing and Midwifery matapos ang maikling programa sa Flora-Ibana Campus.