
2 minute read
77th UN Day, 98th na taon ng MC, ipinagdiwang sa Unang Maharlika Festival
Ni: Jether B. Villafranca
Upang ipagdiwang nang sabay ang ika-77 United Nations Day at ang ika-98 na anibersaryo ng Mabini Colleges, binuo ng departamento ng Social Science ng MC ang kauna-unahang Maharlika Festival na ginanap noong ika-10 hanggang ika-12 ng Nobyembre, taong 2022 sa quadrangle ng institusyon.
Advertisement
Pinangunahan ng iba’t ibang organisasyon ng Araling Panlipunan, Social Science, at ng Supreme Student Government ng junior at senior high school ang nasabing kaganapan sa ilalim ng gabay ng mga gurong kabilang sa mga disiplina ng Agham Panlipunan.
Naituloy noong Nobyembre 10 hanggang 12 ang selebrasyon matapos makansela ang orihinal na planong idaos ito noong Oktubre 27-29 dahil sa sunod-sunod na kalamidad na dumating sa bansa.
Lumahok ang mga mag-aaral mula sa pansekundaryang departamento sa mga kompetisyong idinaos tulad ng quiz master, paggawa ng slogan, poster, photo essay, pag-awit, cultural dance, at cultural presentation na umikot sa temang, “The World in the Face of Global Warming and Climate Change.”
Ayon kay Perlito M. Quindara, tagapagugnay na guro ng sangay ng Agham Panlipunan, mahalagang ipagdiwang ang pagkakabuo ng United Nations sapagkat ito ang nagbibigay kapayapaan sa pagitan ng mga bansa matapos ang sunod-sunod na digmaang naganap.
Dagdag pa niya, malaking karangalan na MCHS ang nauna sa pag-organisa sa PreCentennial na selebrasyon ng institusyon kaya ito ay pinagtulungan ng iba’t ibang samahan ng mga guro at mag-aaral.
Bago natapos ang pagbubukas na programa, nagbigay rin ng kani-kanilang mensahe ang punong guro ng MCHS na si Elmer Delos Angeles Jr., katuwang na punongguro na si Syrom Miranda, at ang Vice President for Academic Affairs na si Dr. Erlinda J. Porcincula.