2 minute read

MCHS, wagi sa Children's Book Writing, Storytelling Competition

Ni: Lovely Marie Rosas

Nasungkit ng pangkat mula sa Mabini Colleges High School Department ang unang pwesto sa ginanap na Children’s Book Writing and Storytelling Competition sa SM City Daet noong ika-24 ng Setyembre, taong 2022.

Advertisement

Binuo ang grupo ng MCHS ng manunulat na si Giane Antonette A. Labarro, isang illustrator na si Ayume L. Paulite, at isang kuwentista na si Aldwin Jake Caramoan.

Sa isang panayam kay Labarro, sinabi niyang ginamit niya ang kaniyang karanasan sa masining na pagkukuwento upang mapanatili ang interes ng mga mambabasa sa kaniyang akda.

“Nagulat ako dahil hindi ako umasang makakakuha kami ng premyo since ‘yun ang unang pagkakataon kong magsulat ng kuwentong pambata,” paliwanag niya.

Ayon naman kay Paulite na siyang gumuhit ng mga biswal na representasyon, maraming naging balakid habang isinasakatuparan niya ang kaniyang papel sa kompetisyon ngunit ito ay nalagpasan niya sa tulong ng kaniyang mga kasama.

“Sobra ‘yung nginig ng tuhod ko, pero no’ng nakita ko silang naka-smile sa akin, sabi ko baka maganda naman ‘yung pagkakabitaw ko kaya parang nawala na rin ‘yung nerves ko no’ng nasa kalagitnaan na ako ng performance,” ani Caramoan, mananalaysay ng nilikhang kuwentong pambata.

Batay sa pahayag ni Caramoan, hindi siya nakaramdam ng pressure galing sa kaniyang mga kasama at ang tanging naging sulirinan niya lamang ay ang kaniyang kaba sapagkat 12 oras lamang ang kaniyang naging preparasyon para sa paligsahan.

Idinaos ang kompetisyon upang maging bahagi ito ng paggunita ng Vinzons’ Day na pinamunuan ng Museum Archives and Shrine Curation Division.

Ginabayan sila ng kanilang coach na si Blaise Henry E. Ilan, isa sa mga guro ng Mabini Colleges Inc., at ni Gwen A. Dans, ang tagapagugnay na guro sa Ingles ng nasabing paaralan.

This article is from: