3 minute read
Hamon sa Pamamahayag
P inaslang ng dalawang armadong suspek sa isang ambush ang mamamahayag at brodkaster na si Percival Carag Mabasa na mas kilala bilang ‘Percy Lapid’ noong ika-3 ng Oktubre, 2022 sa Las Pinas, Metro Manila. Siya ay isang batikang kritiko nina Pangulong Bongbong Marcos at dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Sa kabila ng posibilidad na ang mga kasong ito ay walang kaugnayan sa pulitika, ito’y nagdudulot pa rin ng pangamba sa iba pang mga mamamahayag. Sa pagpapatuloy ng pagpapatahimik sa kanila ay mas nawawalan ng access ang mga tao sa tunay na kilos ng mga nakatataas. Tunay nga bang demokratiko ang Pilipinas kung gayong pinapaslang ang mga ating mga mamamahayag?
Madalas na inihayag ni Mabasa ang kanyang mga puna kay Marcos at Duterte dahil sa pang-aabuso umano nila sa kanilang mga posisyon sa kanyang programang ‘Lapid Fire’. Maliban sa dalawang pangulo, siya rin ay nagbigay komento ukol sa iba pang miyembro ng gabinete tulad ni Trixie Angeles na dating press secretary. Ayon kay Lapid, hindi alam ng isang vlogger tulad ni Angeles ang tunay na gampanin ng mga taong nasa media.
Advertisement
Kamakailan lamang naiulat ang pagkamatay ng dalawang mamamahayag na sina Rey Blanco at Percy Lapid. Ito ay umani ng negatibong reaksyon mula sa mga tao sapagkat wala pang isang taon ang panunungkulan ni Marcos. Kung hindi gagawa ng hakbang ang gobyerno upang mawakasan ang pagpapakita ng dahas sa kanila ay hindi na makararanas ng pag-unlad ang ating bansa.
Inihayag ng Reporters Without Borders ngayong taon sa press freedom index na isa ang Pilipinas sa mga pinaka nakamamatay na bansa para sa mga mamamahayag. Umabot ang impormasyon ng pagkamatay ni Mabasa sa iba’t ibang panig ng daigdig dahil ito ay sumasalamin sa kawalang hustisya at pagtanggal ng karapatan sa kalayaan sa pamamahayag sa ating bansa. Makikita sa kanyang sinapit kung gaano kadelikado ang pagpili ng ganitong propesyon. Ang mapangahas na pamamahayag at pagsisiwalat ng katotohanan ay may kaakibat na panganib dahil sa mga taong gagawin ang anumang bagay upang maitago ang kanilang mga gawaing may bahid ng korapsyon.
Ang mga pagpatay na ito ay hindi lamang nangyayari sa kasalukuyan. Ayon sa datos mula sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), 197 na Pilipinong mamamahayag na ang napatay mula 1986. Pinakamarami ang napatay sa ilalim ng pamamahala ni Gloria Macapagal-Arroyo na may bilang 103. Sa kabila ng pagtatag ng Presidential Task Force on Media Security, hindi pa rin natitigil ang karahasang kanilang nararanasan sa ilalim ng pabago-bagong mga administrasyon.
Bagamat kumpirmado nang ang mga taong sangkot sa pagpaslang kay Mabasa ay walang kaugnayan sa mga opisyales ng gobyerno batay sa balitang inilihad ng ABS-CBN kaugnay ng naganap na ambush, kumbinsido pa rin ang mga mamamayan na ang aktong ito ay ginawa upang patahimikin ang mga mamamahayag at pigilan sila sa pagpapaalam sa buong bansa kung ano ang tunay na nangyayari. Ang karahasang kanilang nararanasan ay nagsisilbing hamon sa kanilang pagsulat at pagbabalita.
Ang mga taong dapat kaagapay ng pamahalaan sa paglilingkod sa bansa ay itinuturing nilang kaaway dahil sa kanilang mga gawaing may bahid ng korapsiyon. Dahil sa takot na idinudulot ng mga pagpatay na ito, nawawalan na ng lakas ng loob ang ibang mamamahayag na imulat ang mata ng mga mamamayan sa katotohanan.