
3 minute read
1, 2, 3 Asignaturang Filipino
Ni: Chris-J D. Ramos
Maraming mga magulang at guro ang nagbigay ng mga iba’t ibang saloobin ukol sa isinusulong ng isang mambabatas na si Senador Sherwin Gatchalian. Kaniyang isinusulong na bawasan ang mga asignatura ng mga estudyante mula sa baitang isa hanggang tatlo nitong ika-22 ng Agosto, taong 2022.
Advertisement
Naniniwala si Sen. Gatchalian na ito ay magiging daan upang matutukan ang mga estudyante sa pagtuturo sa pagbabasa at sa mahahalagang asignatura, at matiyak na maunawaan ng mga estudyante ang kanilang mga aralin. Bagama’t mabuti ang layuning ito, ngunit masasabing maghuhudyat ito ng hindi angkop kung sakaling maisasatupad ito.
Gayon din si Pasig City Lone District Representative Roman Romulo, isang chairman ng komite sa Basic Education and Culture, kaniyang iminungkahi na bawasan ang mga asignatura ng mga estudyante sa baitang isa hanggang tatlo. Ayon sa kanya ay dapat itutok na lamang ang mga asignatura sa pagbabasa, sipnayan o matematika, at sa Good Manners and Right Conduct (GMRC). Magiging mahirap para sa mga estudyante na pag-aralan ang pitong asignatura sa isang araw. Karamihan sa mga estudyante sa mga baitang na ito ay nahihirapan pa sa pagbabasa, pagsusulat, at pagbibilang kaya dapat na masiguro muna na maturuan sila ng husto pagdating sa mga ito at maunawaan ang kanilang binabasa.
Sa kabilang dako, tutol ang ilang mga magulang dito dahil para sa kanila ay mapagiiwanan ang kanilang mga anak sa mga dapat nilang matutuhan sa ibang asignatura sa baitang isa hanggang tatlo. Maaari din silang mahirapan sa paghahabol ng mga aralin sa ibang asignatura sa pagtungtong sa baitang apat at pataas.
Maging ang ibang grupo ng mga guro ay hindi rin sang-ayon sa panukalang ito dahil magkakalakip-lakip ang mga itinuturong asignatura kaya hindi dapat na bawasan ang mga ito. At kung iisipin ay magkakaroon ng magandang maidudulot at magiging malaking tulong ang pagtuturo sa lahat ng asignatura kapag tumungtong sila sa mataas na baitang.
Kaya naman, ang lahat ng mga asignatura ay dapat na maituro sa baitang isa hanggang tatlo. Upang magkaroon na sila agad ng kaalaman pagdating sa mga aralin na ito at magiging madali ito para sa kanila sa pagtungtong sa baitang apat at pataas. Sa pamamagitan nito ay mahahasa na agad ang kanilang kaaalaman at kahusayan sa ibang asignatura habang nasa mababang baitang pa lamang. Kung hindi naman kakayanin na pag-aralan ang pitong asignatura sa isang araw, dapat itong mahati sa isang linggo. Marapat din na mapunan ang kakulangan sa sistema ng edukasyon at kalidad ng pagtuturo upang mas mapabuti at masiguro na ang bawat mga estudyante ay marunong sa pagbabasa, pagsusulat, at pagbibilang.
Ang lahat ng mga asignatura ay mahalaga dahil ito ay naglalaman ng magagandang aral sa buhay na dapat na matutuhan ng bawat tao lalo na ng mga kabataan. Hindi ang pagbabawas sa mga asignatura ang angkop na paraan upang madaling matutukan ang estudyante sa pagturo sa pagbabasa, pagsusulat, at pagbibilang. Bagkus ay dapat na ayusin ang sistema ng edukasyon sa bansang Pilipinas at kalidad ng pagtuturo at paghatiin lamang ang mga asignatura sa isang linggo.