
4 minute read
Pangamba sa Panibagong Hakbang
Ni: Marc Terrence E. Adante
Ipinabatid ni DepEd Spokesperson Michael Tan Poa na susundin ng Department of Education (DepEd) ang Executive Order No. 7 na siyang pinagbatayan at nagtulak upang mailabas ang DepEd Order No. 048, s. 2022 noong ika-2 ng Nobyembre. Isinasaad nito ang pagpapahintulot sa boluntaryong pagsusuot ng fawwce mask sa loob at labas ng paaralan. Ikinabahala naman ito ng nakararami matapos maipalabas ang nasabing kautusan dahil sa hindi pa rin napupuksa ang Coronavirus Disease (CoVid-19).
Advertisement
Sa patuloy na paglaganap ng CoViD-19 sa kasalukuyan, hindi pa rin mawaglit sa isipan ang mapait na naranasan sa nakaraang dalawang taon ng pandemya. Pangamba ay hindi pa rin nawawala sa ilan. Kaya hindi mawawala ang mga katanungan kung mainam at angkop na nga ba sa panahon ngayon ang pagsakatuparan ng pagpapaluwag ng patakaran sa pagsusuot ng face mask. Isang kasagutan lamang ang sigurado ukol dito, ito ay hindi pa, ayon ang pagluwag ng patakaran.
Nababahala ang karamihan partikular na ang mga magulang, gayon din ang opisyal ng mga paaralan at ilang mga ekspertong pangkalusugan sa pagluwag ng mandato sa pagsusuot ng face mask sa mga paaralan dito sa bansa. Ayon sa Department of Health (DOH), may naitala na halos 4,000 school-aged na bata na tinamaan ng CoViD-19. Ulat ni Health Undersecretary ni Maria Rosario Vergeire sa isang press conference na nasa 3,900 na mga batang nasa paaralan ang nahawaan ng CoViD-19 sa bansa na naitala mula noong ika-1 ng Setyembre hanggang ika-3 ng Nobyembre taong kasalukuyan. Ulat pa ng Education Ministry, humigit kumulang limang milyon sa 27 milyong estudyante sa bansa ang hindi bakunado kontra CoViD-19. Ito ay tanda lamang na mas nararapat at mainam pa rin na gawing mandato ang pagsusuot ng face mask lalo na sa mga paaralan upang makatitiyak ang kaligtasan ng kalusugan ng bawat estudyante at guro sa kabila man ng pagtaas ng kaso ng sakit.
Hindi rin pabor ang Vaccine Expert Panel sa opsyonal na pagsusuot ng face mask lalo na sa pampubliko. Tulad ni Dr. Nina Gloriani, aniya ay bukod sa kakaunti palang ang may booster, hindi pa stable ang kaso ng CoViD-19 sa bansa, minsan tumataas at bumaba. Nito lamang nakaraang linggo, nakapagtala ang bansa ng 6,346 karagdagang kaso ng CoViD-19 at 243 ang nasawi. May katampatan na 907 sa kaso sa isang araw mula ika-31 ng Oktubre hanggang ika-6 ng Nobyembre, ayon sa DOH nitong Lunes. Hudyat ito na hindi pa napapanahon ang pagluwag sa mandato ng pagsuot ng face mask sa pampubliko lalo na sa mga paaralan, sa kadahilanang patuloy ang pagtaas ng kaso ng sakit at may iilang mga kabataan pa rin ay hindi pa bakunado.
Subalit, ayon naman kay Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na pabor sa batas na ito, dugtong sa kaniyang sinabi, ay nais niyang makaalis na ang bansa sa “state of public health emergency” at naniniwala na nasa pagiging responsable at makakagawa ng informed decision ang mga Pilipino para mapangalagaan ang kanilang kalusugan at protektahan laban sa mga sakit. Hindi naman komportable ang iba sa pagsusuot nito, at nais nila tumulad sa ibang bansa na maluwag ang patakaran sa pagsuot ng face mask sapagkat nais nilang bumalik sa normal ang pamumuhay. Tama naman na nasa ating pagiging responsable ang ating kaligtasan, ngunit hindi magandang dahilan ang hindi pagiging komportable sa pagsusuot ng face mask dahil buhay dito ang nakasalalay.
Hindi ang pagluwag sa mandato ng pagsusuot ng face mask ang dapat na isagawa ngayon bagkus ay isaalangalang ang kalusugan ng bawat estudyante. Hindi dapat na maging kampante pa sa ngayon sapagkat patuloy pa rin ang pag-angat ng kaso ng CoViD-19 at may mangilanngilan pa ring hindi bakunado. Marapat na munang magdoble ingat at maghigpit sa patakaran at sa pagpapatupad ng health protocols sa mga paaralan upang maging disiplinado at responsable ang mga kabataan o estudyante sa pagprotekta ng kanilang kalusugan kontra sa mga sakit. Wala naman mawawala kung gagawing mandato ito, iyan lamang ay mainam na hakbang upang patuloy ang pagbaba ng kaso ng nagkakasakit.
Subalit, ang pagsasatupad ng opsiyonal na paggamit ng face mask at pagluwag sa mandato ng pagsusuot nito ay hindi sapat na sabihing magandang hakbang tungo sa normalisasyon. Kung nais maisulong ang pagbabago, hindi ba ang nararapat ay mag-doble ingat ngayon para sa kalusugan lalo’t na hindi pa natatapos ang pandemya? Nang sagayon ay patuloy ang pagbaba ang paglaganap ng sakit hanggang sa masugpo ito. Huwag hayaan na maging maluwag at maging kampante ang mga kabataan ngayon bagkus ay ituro sa paaralan na ang mainam na hakbang tungo sa normalisasyon sa hinaharap ay pagiging displinado at maingat sa kasalukuyan.