3 minute read
Gobyerno Laban sa Pandemya
Ni: Jeanelle Faye A. Gallego
Ipinagbigay-alam sa publiko ang pagpirma ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos sa Executive Order No. 3, kung saan ito ay umani ng iba’t ibang reaksyon mula sa taongbayan. May mangilan-ngilang tao na nabahala nang inilabas ang EO No. 3 na nagpapahintulot ng hindi pagsusuot ng face masks sa labas ng mga establisyemento at hindi mataong lugar.
Advertisement
Hindi maiiwasan ang pagkakaroon ng labis na pangamba ang mga tao dahil sa pandemya, kung saan talamak pa rin ang kaso ng Coronavirus Disease o COVID-19, ang pagpapatupad nito ay nagdulot ng pag-aalala ng mga tao. Sa kabilang dako, ito ay isang magandang pahiwatig na malapit na ang pagtatapos ng pandemya, kaya naman lumuluwag na ang mga batas tungkol dito.
Ilang mamamayan naman ang patuloy na nangangamba sa pagpapatupad ng boluntaryong pagsuot ng face mask sa mga piling lugar ay maaaring maging dahilan ng pagtaas muli ng kaso ng COVID-19. “Bakit tatanggalin ang mask, ang daming pakalat-kalat na virus ngayon, napakadelikado, paano naman kaming mga madaling mahawaan ng sakit?” Hinaing ni Althea Denise Delos Reyes, isang mag-aaral mula sa Mabini Colleges Inc.
Ayon naman kay Press Secretary Trixie CruzAngeles, ang mga taong immunocompromised, seniors, o hindi kumpleto sa bakuna, sila ay kailangan pa rin na gumamit ng face masks. Dagdag pa rito, ang mga dating health protocols ay kinakailangan pa rin sundin upang maiwasan ang pagkakahawa ng sakit. Kaya naman hindi dapat mangamba ang mga mamamayan kahit na nagkaroon ng maliit na pagbabago sa batas.
Ang Executive Order No. 3 ay isa sa mga polisiya na kanilang ipinatupad upang makita kung ang mga protokol na ito ay nakatutulong sa bansa at kung ano pa ang mga kailangan nilang gawin upang mas maging epektibo ito. Ani ni Cruz-Angeles, ito ay ipinatupad dahil ang bansa ay tinatayang abot 6% na lang ang layo sa ‘wall of immunity’. Ito ay isang hakbang upang mas mapabilis ang pagkawala ng virus sa ating bansa.
Karamihan sa mga taong-bayan ang nababahala dahil sa ordinansang ito at sa mga kaakibat na epekto nito. Ngunit kung ito ay iisiping mabuti, ito ay makatutulong din dahil ito ang magiging daan upang makapaglatag pa ng mas epektibong mga batas ang pamahalaan. Hindi rin ito dapat pangambahan dahil mayroon pa ring mga limitasyon ang ordinansang ito, kagaya na lamang ng patuloy na pagpapatupad ng social distancing.
Sa loob ng dalawang taong paghihirap dahil sa pandemya, ang pamahalaan ay patuloy na naghahanap ng solusyon upang maging maayos na ang problema ng bansa patungkol sa mga kasalukuyang problema. Kaya naman kinakailangang matuto at makipagtulungan upang mas maging epektibo ang mga batas at ordinansang ipinatutupad para sa kapakanan ng bansa.