
3 minute read
Pagbabalik ay Iurong, Pagbabago ang Isulong
Ni: Nicole T. Urbano
Isang panukalang batas ay muling nasa kamara ng mga kinatawan na naglalayong muling buhayin ang Mandatory Reserve Officer Training Corps (ROTC). Isinusulong ni Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo Teves Jr. ang House Bill No. 4500, o mas kilala sa ROTC Act of 2022. Ito ay nag-uutos sa institusyonalisasyon ng pangunahing kursong ROTC sa baitang 11 at 12 sa lahat ng institusyong pang-edukasyon sa Pilipinas. Ito ay nagbunga ng maraming reaksyon at opinyon mula sa mga magulang at estudyante ukol dito.
Advertisement
Nakababahala ang pagpapabalik ng Mandatory ROTC sa bansa dahil sa pangamba na baka magkaroon muli ng hazing at korupsyon. Hindi mawaglit sa isipan hanggang ngayon ang kontrobersyal na isyu ukol sa pagpaslang kay Mark Welson Chua, isang UST Student, nang dahil sa paglantad ng korupsyon sa ROTC noong taong 2001. At kung iisipin, ay hindi rin naman lahat ng mga kabataan at estudyante ay may maayos na kondisyon ang pangangatawan.
May mga ilan ding nagpahayag ng kanilang pagsang-ayon sa Mandatory ROTC, dahil para sa kanila sa pamamagitan nito ay mahahasa ang mga kabataan na laging maging handa, disiplinado, at mapagmahal sa kapwa at bayan. Isa rin si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. o PBBM, ang pabor dito. Nabanggit niya sa SONA 2022 ang pagbibigay ng prayoridad at pagpapatupad ng Mandatory ROTC sa mga baitang 11 at 12. “The aim is to motivate, train, organize, and mobilize the students for national defense preparedness, including disaster preparedness and capacity building for risk-related situations.”
Sa kabilang banda, tutol ang ilang mga magulang sa pagbabalik ng Mandatory ROTC. Ayon kay Anthony Santos, isang magulang at ordinaryong mamamayan, hindi siya pabor sa pagpapatupad ng Mandatory ROTC program dahil ito ay maaaring maging sanhi ng mga dagok pang-edukasyon. Nakababahala talaga sapagkat may posibilidad na magkaroon ng masamang dulot ito sa buhay ng mga estudyante at mangyari ulit ang mga kontrobersyal na pangyayari sa ROTC.
“Paano naman ang ibang estudyante na may hika, sakit sa puso, bawal mapagod, at may kapansanan? Ire-required din ba silang isali dahil mandatory ang ROTC?” hinain ni Lyn Festin, isang mag-aaral ng ika-10 baitang. Dapat din na bigyang pansin ito ng pamahalaan dahil hindi lahat ng estudyante ay may mabuting kondisyon ang kalusugan at pangangatawan.
Mas magiging mainam kung hindi gagawing Mandatory ang ROTC. Ito ay dahil magkakaiba ang dahilan, sitwasyon, at kondisyon ng bawat estudyante, at ito ay dapat na maintindihan ng pamahalaan. Hindi masama ang pagkakaroon ng ROTC, ngunit dapat na baguhin lamang ang maling sistema at gawing mas maayos at mas mapabuti ang ROTC Program upang ang bawat estudyante ay makasisigurong nasa mabuting kalagayan.
Ang pagkakaroon ng Mandatory ROTC ay may mga maganda at masamang epekto. Ngunit, marapat lamang na huwag ito ipilit sa mga estudyante. Ang mga nangyaring kontrobersyal sa ROTC ay dapat na magsilbing aral ito upang hindi na maulit muli sa kasalukuyan ang mga kamalian ng nakaraan, bagkus ay dapat na magkaroon ng pagbabago upang gawing mas mainam at mabuti ang sistema ng ROTC Program.