
3 minute read
Kalayaan Para sa Pananamit, Pagbigyan
Ni: Roan Ashaneth A. Barlas
Patuloy ang hindi kaaya-ayang diskriminasyon sa bansang Pilipinas laban sa mga kasapi ng LGBTQ+ (Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Queer, +) community, lalo na sa kontrobersyal na isyu sa pagsusuot ng mga kasuotan at iba pang mga bagay na sumasalungat sa kasarian ng isang indibidwal o mas kilala bilang crossdressing. Ang ganitong uri ng suliranin ay hindi maiiwasan kahit saan pang dako ng mundo, ito ay napaka-karaniwan sa ibaʼt ibang lugar pati na rin sa bayan ng Daet.
Advertisement
Isang puna ni Rica Mae G. Lotino na isang mamamayan ng Daet na gusto lang naman nilang ibahagi ang kanilang kasiyahan sa pagiging matapat sa kanilang sarili kung sino ba talaga sila. Nilinaw pa niya na tanging diskriminasyon at bigong maintindihan ang kanilang pagkatao ang siyang humahadlang lamang sa kanila, at hindi naman nakaaapekto sa kanilang pag-aaral ang pagsuot ng damit ng kabilang kasarian. Sa gitna ng napakahirap na sitwasyong kanilang kinakaharap, kanilang pinagsisikap na sila ay maging isang kontribyutor sa pamayanan at umaasang maging normal ang tingin sa kanila.
Bawat isa sa atin ay may kaniyakaniyang paraan kung paano natin ipahayag ang ating sarili, ang iba ay binabahagi ang kanilang mga karanasan at ang iba naman ay nagmumukmok na kailangan nating mapansin. At para sa mga kasapi ng LGBTQ+, ang crossdressing ay isang paraan upang ipakilala sa pamayanan kung sino ba talaga sila. Animo ay tinanggalan ng karapatang maibahagi ang kani-kanilang sarili kung hindi normal ang tingin sakanila ng nakararami.
Napakaraming mamamayan ang sumasalungat sa karapatang pantao na ito at sila rin mismo ang parte ng mapanghusgang lipunan, sapagkat labag ito sa kanilang paniniwala. Sa kanilang kaisipan ay taliwas ang mga ganitong bagay tulad ng: same sex-marriage, cross-dressing, at iba pa. Para sa kanila isa itong pagkakasala sa mata ng tao at sa mata ng Diyos. Pagbabalatkayo ang ganitong uri ng kaisipan, napakamaling sabihang mali ang isang tao dahil lamang sa kanilang pagkatao, dahil lumalabag ito sa pagkamakatao. Ngunit hindi baʼt paglabag sa pagkamakatao ang panghuhusga ng kapwa?
Sa akin ay wala naman talagang masama sa pagsusuot ng damit na salungat sa iyong kasarian, ito na rin ang pinagmumulan ng tiwala sa sarili at nakabubuti ito para sa mga mamamayan dahil kanilang naihahayag
ang kanilang sarili. Ito rin ay isang mental na kalakasan; sa pagsuot ng damit ng salungat na kasarian, maipapakita rito ang totoong kalikasan ng tao. Napakaraming tao ang hirap na maihayag ang kanilang sarili, sa iba ito ay isang hamon, at minsan nama’y takot silang mahusgahan ng tao dahil sa kanilang piling kasarian.
Napakababa ng mentalidad ng mga hindi tumatanggap sa mga ganitong uri na isyu sapagkat hindi ito makatao at labag ito sa moral na batas. Nararapat lamang na itigil na ang pagiging bulag at ignorante ng mga mamamayan sa usaping ito. Sana ay mamulat sa bagong reyalidad ang mga ito upang maging pantay-pantay ang tingin ng lahat sa mga tao. Ang diskriminasyon ay nararapat na mawaksi at maging bagay na lamang sa nakaraan.