2 minute read
Kapos Sa Sikmura
Ni: Gem Hilary P. Pentecostes
Ang ₱310.00 na minimum wage sa rehiyong Bicol ay hindi pa rin husto upang mapunan ang pangangailangan ng mayorya sa ating mga kababayang nagtatrabaho sa pamahalaan man o sa pribado. Kinakailangan ng karagdagan sa minimum wage kasabay ng walang humpay na pag-akyat ng halaga ng mga bilihin.
Advertisement
Kung ating tatanawin, hindi lamang kumakalam na sikmura ang kinakailangang tugunan ng bawat pamilya sa araw-araw. Ang mataas na singil sa tubig at kuryente, gastusin sa pamasahe, sabon, at gamot ay hindi sapat sa katiting na sahod na natatanggap. Ang iba naman ay kinakailangang mag-impok para sa matrikula ng kanilang mga anak.
Nang dahil sa kanilang pagtitipid sa paggasta, kadalasan ay wala na silang ibang magawa kundi ang magtiis na lamang sa pagbili ng mababang kalidad ng mga produkto at pagkain dahil sa mas murang presyo nito. Kadalasan nama’y kapos pa sa kanila ang pagkain sa isang araw. Bukod dito, wala ring naitutuon para sa kanilang kagustuhan dahil parating pangangailangan ang kanilang tinutugunan.
Nawa ang ating pamahalaan ay magbigay ng kaukulang aksyon ukol sa usaping ito. Nararapat na magtamo ng karagdagan sa minimum wage sa rehiyong Bicol at gumawa ng daan tungo sa pagpuksa ng implasyon.
Hindi lahat ng tao ay may magkakahalintulad ang estado sa buhay, may naka-aangat at may mga hikahos sa buhay. Mahirap man ang iba ngunit tulad ng mayayaman ay may mithiin sila, ang matamasa ang kaginhawaan sa buhay. Matatamasa nila ito kung saan natutugunan nang husto, hindi lang ang kanilang pangangailangan pati na rin ang kanilang kagustuhan. Ang pagkakaroon ng karagdagan sa minimum wage ay malaking tulong sa mahihirap na magkaroon ng sapat na sahod na sasagot sa kanilang nais at kailangan sa buhay.