3 minute read
Pagbabago ng Pangalan, Pagbabaluktot ng Kasaysayan
Ni: Sidney Sheldan M. Denum
I sang panukalang batas ang isinampa sa Kamara ng mga Kinatawan na nagmumungkahing palitan ang pangalan ng Ninoy Aquino International Airport ( NAIA ) at gawin itong Ferdinand E. Marcos International Airport.
Advertisement
Ayon sa House Bill 610 na ipinanukala ni Negros Oriental Representative Arnolfo Teves, binigyang-diin ang pangangailangan na isunod ang pangalan ng paliparan sa taong nag-ambag sa ideya at pagpapatupad ng nasabing marangal na proyekto – na tumutukoy sa yumaong pangulo na si Ferdinand Marcos Sr.
Subalit, ayon sa Manila International Airport Authority (MIAA), ang paliparan ay naipatayo noong 1953 at nakumpleto pagpapatayo ng control tower pati na ang terminal building noong 1961. Ibig sabihin, nabuo na ang nasabing paliparan bago pa maupo sa pwesto si Marcos noong taong 1965.
Patunay ito na ang rason o katwiran sa pagpasa ng nasabing panukalang batas ay hindi ibinase sa katotohanan, kung hindi nakatuon lamang sa interes ng iilan.
Matatandaang pinalitan ang pangalan ng Manila International Airport ( MIA ) bilang NAIA sa bisa ng Batas Republika Blg. 6639 noong 1987, alinsunod pangalan ng yumaong asawa ni dating pangulong Corazon Aquino na si Ninoy Aquino Sr. na binaril sa paliparan.
Ang pagpaslang kay Ninoy ang nagpaalab sa damdamin ng mga Pilipino para makalaya sa rehimeng Marcos. Nagsagawa ng sunodsunod na kilos-protesta hanggang sa makalaya ang buong bansa sa diktadurya.
Maraming mambabatas, kabilang na si Albay 1st District Representative Edcel Lagman, ang tumutuligsa sa pagpapaapruba ng panukalang batas. Giit ni Lagman, ang pagbabago ng pangalan ng nasabing paliparan ay maituturing na historical revisionism o pagbabago ng mga pangyayari sa kasaysayan na pabor sa kasalukuyang administrasyon. Dagdag pa niya, lubhang napakahalaga ng pangalang ito upang maipadama ang pagkilala hindi lamang sa katapangan ni Aquino, na kilalang kritiko ni Marcos, kundi pati na rin sa pagiral ng bayanihan sa puso ng mga Pilipino upang makamit ang demokrasya.
Samantala, pinangatawanan naman ni Senador Juan Miguel Zubiri na nararapat ibalik ang paliparan sa orihinal nitong pangalan na Manila International Airport (MIA). Sa pamamagitan nito, maipapakita na walang tayong anumang panig na kinakampihan at maiiwasan ang panibagong pakikibaka sa pagitan ng dilaw at pula.
Sa loob ng maraming taon, maituturing ang NAIA bilang isa sa hindi kaaya-ayang paliparan sa buong mundo pagdating sa imprastraktura, serbisyo at pasilidad nito.
Anuman ang pangalang ipagkaloob dito, mananatili pa rin ang kasalukuyang kalagayan at ang sistemang umiiral dito. Sa halip na palitan ang ngalan nito, nararapat na mas pagtuunan ng pansin ang pagpapaunlad ng pasilidad, serbisyo at kalidad ng paliparan.
Sa kasalukuyang panahon, napakarami pang suliraning panlipunan ang nararapat tugunan ng 19th Congress, at ang pagbabago ng pangalan ng paliparan ay hindi nararapat na bigyang-prayoridad.
Hindi ito ang panahon upang pagtuunan ng pansin ang pagbabago ng pangalan sa kasalukuyang administrasyon sapagkat lubhang nararanasan ng mga Pilipino ang implikasyon ng pandemya. Talamak ang kahirapan, malnutrisyon, tumataas ang presyo ng bilihin bunsod sa implasyon, bagsak ang ekonomiya at walang makapagsasabi kung aabutin ng ilang taon bago tayo tuluyang makabangon.
Samakatuwid, hindi dapat pag-usapan ang pagpapalit ng pangalan ng paliparan sa kasalukuyan sapagkat ito ay maituturing na pagbabaluktot ng kasaysayan. Mas nararapat na bigyang-prayoridad ngayon ang pagtalakay sa mga epektibong paraan upang matugunan ang pangangailangan at maibsan ang pagdurusa ng mga mamamayang Pilipino sa kasalukuyang panahon.